HABANG NAG-UURONG NG MGA PINAGKAINAN, naalala ni Jhustin ang tungkol sa lunch nila ni Makho bukas. Sinigawan niya ang ina mula sa kusina.
“`Ma! Padagdag ng sinaing bukas. May kasama akong magla-lunch.”
Paakyat na sa kuwarto ang kanyang ina pero napabalik ito sa kusina. “Sino’ng kasama mo? `Sakto lang `yong binili kong ulam para sa `tin.”
“Kaklase ko, `Ma. Kanin lang ang dagdagan mo. May baon naman `yong ulam. Bitin kasing magbigay ng kanin `yong mga karinderya sa school.”
“O, sige. May hot dog pa naman diyan sa ref. Lutuin ko na din bukas. Ilan ba `yang kasama mo?”
“Isa lang, `Ma.”
“Gelpren mo ba `yan?”
“Hindi, `no!”