noveltoon logo noveltoon
Ang Lihim sa Tore ng Sinagtala

Chapter 39

Ch. 39 / 85 Mar 03, 2022

ARAW NG SABADO. WALANG PASOK. BAGO maghiwalay kagabi ay nagpalitan ng numero sina Makho at Jhustin. Nagkagulatan pa sila habang naglalakad papunta sa sakayan ng tricycle nang malamang hindi pa nila alam ang numero ng isa’t isa.

“May Facebook naman kasi,” paliwanag ni Makho. “Puwede namang do’n na lang mag-usap. Libre pa, free data.”

Pagkagising na pagkagising, agad na tinext ni Jhustin ang kaibigan. C u l8er, loser.

Magkikita sila mamaya pagkatapos mananghalian. Nangulit kasi si Makho kagabi sa text na turuan siyang maglaro ng BORTA nang matino. Nang hindi pinapatay palagi. Nang hindi nagmamagaling itong si Jhustin. Gusto niyang malaman kung paano bumuo ng magandang kombinasyon ng item at equipment, kung paano mapabilis ang pagpapa-level up at kung paano magparami ng gold.

Pinilit din ni Makho na sa bahay na lang ng kaibigan mag-practice. Hindi raw siya komportableng magpaturo sa Fineski dahil maingay. Naiilang din daw siya kapag may nanonood sa kanya at may natatawa kapag palpak ang nabili niyang item o kapag napapatay ng kalaro.

Sumang-ayon naman si Jhustin kahit pinoproblema pa niya kung saan nakatago ang laptop ng kanyang papa. Nang mamatay kasi ito, itinago ng kanyang mama ang lahat ng gamit ng ama niya. Ang mga damit ay isinako at inilagay sa ilalim ng aparador nila sa kuwarto. Ang mga larawan, alahas at sulat naman ay ikinahon at itinago sa ilalim ng kama nilang mag-asawa.

Walang nakakaalam kung saan itinago ng mama niya ang laptop ng kanyang papa. Kahit ang kapatid niya, hindi alam kung nasaan ito. Nang minsan namang tanungin niya ang ina kung saan iyon nakalagay, bigla na lang itong nagalit at sinabing huwag papakialaman ang gamit ng mga namatay na.

Hindi niya alam kung sentimental lang ang mama niya o mapamahiin. Natatakot ba itong multuhin o natatakot na may sumunod kaagad sa pamilya nila kapag may nangialam sa gamit ng yumao nitong asawa? Walang ideya si Jhustin.

Loser ur face! reply ni Makho sa text.

Hindi sumagot si Jhustin sa ipinadalang mensahe ng kaibigan. Bumaba na siya sa kusina para mag-almusal at, kung maganda ang mood ng kanyang ina, para tanungin uli kung nasaan ang laptop ng kanyang ama.

“Palaka ka!” Napabalikwas si Jhustin nang bumulaga ang kanyang kuya sa ilalim ng mesa at pigain ang mga hita niya. “Bugok ka talaga!” Sinipa niya ang kapatid pero nakailag ito.

“Good morning, Ja-haaas-tin!” sabi ng kuya niya, natatawa pa rin dahil sa reaksiyon ng kapatid. “Balita ko may bisita ka mamaya. Girlfriend mo ba `yon?”

“Lalaki `yon.”

“A, so boyfriend?”

Babatuhin sana ni Jhustin ng kutsara ang kapatid pero pumasok ang kanilang ina sa pinto sa likod ng bahay. Agad niyang ibinaba ang hawak na kubyertos at umayos ng upo.

“Anong oras pala dadating `yong kaibigan mo?” tanong ng mama niya. “Dito ba manananghalian `yon?”

“Hindi,” sagot ni Jhustin. “After lunch daw s’ya pupunta.”

“Ano ba’ng gagawin n’yo? May project ba kayo?”

“Hindi, `Ma. Maglalaro lang kami ng BORTA.”

“Maglalaro lang ng BORTA, dito pa?” ang kuya niya, nagsasalita kahit may lamang hot dog ang bibig. “Ba’t `di na lang kayo do’n sa Fineski?”

“`Wag ka ngang epal,” sabi ni Jhustin. “Ikaw ba’ng kausap ko?”

“Hoy, tumigil kayong dalawa. Nasa harap ng pagkain,” saway ng mama nila.

Tumahimik ang magkapatid at nagpatuloy sa pagkain ng almusal. Habang ngumunguya ng sinangag na may hot dog at itlog, iniisip pa rin ni Jhustin kung paano tatanungin ang ina tungkol sa laptop. Pinapakiramdaman niya kung nasa mood ito at kung madali niyang malalambing.

Ang hindi niya alam, pinapakiramdaman din siya ng kapatid. Alam nitong hindi makakapaglaro si Jhustin at ang kaibigan ng BORTA kung wala ang laptop. Napagalitan na rin kasi siya ng mama nila nang minsang hiramin niya ang computer ng kanilang papa.

“Psst!” tawag ng kuya niya. “Alam mo na kung nasa’n `yong laptop?”

Nagbingi-bingihan si Jhustin. Nagpatuloy siya sa pagkain at binalewala ang sinabi ng kapatid. Sa loob-loob niya, nagtatalo ang kanyang isip kung papansinin ba ang kapatid o ipagpapatuloy ang planong tanungin ang ina.

“Pautang two hundred, tulungan kitang hanapin,” bulong ng kuya niya.

Dedma.

“Sige, kung ayaw mo, ako na lang ang magtatanong kay Mama.”

“Ano’ng pinagbubulungan n’yo diyan?” tanong ng kanilang ina habang naghuhugas ng mga gulay na lulutuin. “`Di pa rin ba kayo lulubay sa pag-aaway, ha?”

“Ito kasing si Jhustin, gustong hiramin `yong—”

Napalundag si Jhustin papunta sa kapatid. Hawak pa niya ang kutsara nang takpan ang bibig ng kanyang kuya. “Oo na,” bulong niya. “Papautangin na kita.”

“Hoy! `Di ba kayo titigil na dalawa, ha? Sinabi nang nasa harap ng pagkain. Maghiwalay nga kayo! Ang lalaki n’yo na, away pa din kayo nang away. Gusto n’yo bang padapain ko kayo pareho, ha?”

Bumitaw si Jhustin sa kapatid at bumalik sa kinapupuwestuhan. Tinitigan niya nang masama ang kanyang kuyang nakangisi at naniningkit ang mga mata. Saka na lang niya naisip na mas mabuti nang makipagsabwatan siya rito kaysa tanungin ang mama nilang wala na sa mood.