noveltoon logo noveltoon
Ang Lihim sa Tore ng Sinagtala

Chapter 10

Ch. 10 / 85 Mar 03, 2022

KINAGABIHAN NG SABADO, BUMALIK SI JHUSTIN SA Fineski. Pagkatapos maghapunan, umakyat siya sa kuwarto, nagpalit ng damit, tumakbo sa banyo saka nagsepilyo. Muntik na niyang makalimutang magpaalam sa ina sa pagmamadaling makaalis.

Pagdating sa computer shop, wala na namang bakante. Ang dami ring nakaabang na gustong maglaro. Iginala niya ang tingin sa loob ng maliit na kuwarto. Akala mong naghahanap ng puwestong masisingitan o ng upuang puwede niyang magamit. Pero ang totoo, tao ang hinahanap niya.

Napako ang kanyang tingin sa taong nakaupo sa ilalim ng AC unit. Napatulala siya. Iba kasi ang gumagamit ng computer sa pinuwestuhan niya kagabi. Sa pinuwestuhan nila ni Makho.

Saka niya napansing humihingal pa pala siya dahil tinakbo niya ang dalawang kanto mula sa kanilang bahay. Napansin din niyang magkaiba ang suot niyang tsinelas. Sa kuya niya ang isa. At halos bulyawan na pala siya ng matabang bantay ng computer shop dahil nasa ibang lupalop ang kanyang isip.

“Huy, magpapalista ka ba?” Hindi na alam ni Jhustin kung ilang beses siyang tinanong nito. “Pampito ka kung sakali. Baka 8:30 ka pa masalang.”

“`Wag na lang, salamat.”

Kung gaano kabilis ang pagpunta niya sa Fineski ay siya namang ikinabagal ng paglalakad niya pauwi. Hindi niya alam kung bakit nawalan siya bigla ng ganang maglaro. Ni ang manood ng mga naglalaro ay hindi niya makuhang gawin. Bigla siyang nanamlay. Ganitong-ganito ang pakiramdam niya kapag natatalo sa BORTA.