noveltoon logo noveltoon
Ang Lihim sa Tore ng Sinagtala

Chapter 26

Ch. 26 / 85 Mar 03, 2022

IPINASYAL NI JHUSTIN SI MAKHO SA LOOB NG kanilang bahay pagkatapos kumain. Ipinakita niya ang koleksiyon ng komiks na nasa sala, ang puno ng kamias sa kanilang bakuran, ang mga larawan nilang nakasabit sa pader, ang banyo, ang sala sa itaas at ang kuwarto nilang magkapatid.

Hindi kalakihan ang bahay nina Jhustin. Ang lupa nila ay kalahati lang ng laki ng isang basketball court. Tatlong-kapat nito ay sakop ng bahay. May dalawa itong palapag, dalawang kuwarto at dalawang sala. Yari sa bato ang ibaba at sa kahoy naman ang itaas. Makaluma ang disenyo. Panahon pa ng mga Kastila.

Minana pa ito ng kanyang papa mula sa mga magulang nito. Iyon nga lang, hindi na naabutan ni Jhustin ang kanyang lolo at lola sa father’s side dahil maaga silang namatay. Aksidente raw, sabi ng kanyang ama. Solong anak ang kanyang papa kaya sa kanya naiwan ang bahay.

Tahimik lang si Makho habang inililibot ng kaibigan sa bahay. Mataimtim itong nakikinig sa bawat kuwento ni Jhustin.

“`Yong kamias namin, sobra kung mamunga lalo na `pag summer... `Yong mga komiks ko, puro secondhand. Mahal kasi `yong nasa bookstore... Peyborit ko `yong Trese saka `yong Mythology Class... Share kami ni Kuya sa kuwarto, ako sa may bintana, siya sa may pader... College na si Kuya... Sa DepEd si Mama... Namatay si Papa two years ago, inatake sa puso...”

Tinitigan ni Makho ang family portrait na nakasabit sa pader. Bata pa si Jhustin, Grade 6. Nakaakbay sa kanya ang kuya niya. Ang mama at papa nito, magkaakbay rin. Lahat ay nakangiti. Lahat ay mukhang masaya.

“Kamukha mo ang papa mo,” sabi ni Makho.

“Sabi nga nila,” sabi ni Jhustin. “Pero mas pogi ako.”

Hindi kumibo si Makho. Hindi siya natawa o nakornihan sa sinabi ng kaibigan. Nanatili lang siyang nakatitig sa larawan. Sa ama ni Jhustin.