noveltoon logo noveltoon
Ang Lihim sa Tore ng Sinagtala

Chapter 32

Ch. 32 / 85 Mar 03, 2022

PINAGTITINGINAN SI JHUSTIN NG MGA KAKLASE niya nang makabalik siya sa classroom. Ang hindi lang makatingin sa kanya ay ang katabi niya sa upuan, si Lara. Nagpunas siya ng mukha. Idinamay na rin niya ang leeg. Baka may dumi, baka dahil sa pawis niya. Palihim din niyang inamoy ang kilikili. Wala namang putok.

Napansin niyang may nagbubulungan sa likod. Sina Lex at Andrew. Ang barkadahan naman nina Rose Ann, Mary Jane at Lyka, titingin sa kanya saglit, magbubulungan, pagkatapos ay pipigilin ang tawa. Pumasok sina Geofrey, Mark Anthony at Santi. Lahat ay tiningnan siya nang dumaan sa harap niya.

Sa pintuan naman, nakatambay ang magkasintahang sina Francis at Alyssa. Nagbubulungan din. Hindi sigurado si Jhustin kung siya ang pinag-uusapan o naglalandian lang. Nang sabay silang tumingin sa kanya, biglang nagbago ang timpla niya. Umakyat ang dugo sa kanyang ulo. Bahagyang nagdilim ang kanyang paningin.

“Lara,” baling niya sa katabi. “May dumi ba `ko sa mukha?”

Umiling ang kanyang seatmate.

“Umaamoy ba `ko?”

Iling uli ang natanggap niyang sagot.

“E, ba’t parang lahat sa `kin nakatingin?”

Hindi umimik si Lara. Nakayuko ito at kinukutkot ang dumi sa ilalim ng kuko, kahit wala naman talaga.

“Huy!”

Nag-ayos ng gamit ang katabi niya. Isinalansan nito ang mga libro at notebook sa loob ng bag. Kunwari ay naghanap ito ng kung ano man sa loob. Halatang umiiwas. Dito na naubos ang pasensiya ni Jhustin.

“Kapag `di mo `ko sinagot, `di na kita pakokopyahin ng assignment.”

Natigilan si Lara. Dumeretso ito ng upo at may ibinulong. “Jusko.”

“Ha?”

“Jusko daw kayo.”

Nagsalubong ang dalawang kilay ni Jhustin. “Anong ‘diyos ko’? `Di ko gets.”

“E, basta. Baka awayin mo pa `ko.”

“Mamili ka, aawayin kita o `di ka na makakakopya ng sagot `pag may assignment tayo sa Trigo?”

Turn naman ni Lara para magsalubong ang mga kilay. Pero agad din siyang lumambot. “Madami kasing nakakita sa inyo kaninang lunch break.”

Nahulaan na ni Jhustin kung saan papunta ang sasabihin ng kaklase. Kung ano ang gusto nitong tumbukin. Pero hindi siya nagsalita. Hinayaan niyang matapos ang sinasabi ng kanyang seatmate.

“May mga nang-i-issue kasi sa inyo. Kayo na daw. `Ta’s nadinig ko na lang na may nagbansag sa inyo ng ‘Jusko’. Pramis, `di ako `yon. Nadinig ko lang sa labas kanina no’ng kumakain ako sa canteen.”

“Ano nga `yong ‘diyos ko’? Ba’t nasama si God sa usapan?”

“Hindi si God, ano ka ba. ‘JhusKho’ kase: J-H-U-S-K-H-O. Combination ng pangalan ninyo. Jhustin and Makho.”