noveltoon logo noveltoon
Ang Lihim sa Tore ng Sinagtala

Chapter 33

Ch. 33 / 85 Mar 03, 2022

TAHIMIK NA NAKABUNTOT SI JHUSTIN KAY MAKHO habang umaakyat sa tore ng kampana. Ayaw niya talagang sumama rito dahil sa mga tsismis na kumakalat sa eskuwelahan. Pero dahil birthday ng kaibigan, hindi na rin siya nakatanggi nang kulitin siya nito kaninang uwian.

“`Di ka ba nahihiya?” tanong ni Jhustin nang makarating sila sa tuktok.

“Mahiya saan?” sabi ni Makho.

“Sa mga sinasabi ng mga tao sa school.”

“Bakit? Ano ba’ng sinasabi nila?” Inilapag nito ang bag sa ilalim ng kampana at tumayo sa harap niya.

“`Di mo alam?” Ganoon din ang ginawa ni Jhustin. “Pinagtsitsismisan na kaya tayo ng mga kaklase natin.”

“Anong tsismis?”

“Napakamanhid mo naman. Lahat kaya sila pinagbubulungan `yong ginawa natin kaninang lunch.”

“Ang alin? `Yong kumain tayo sa Sizzling Haus? Ano’ng masama do’n?”

“Hindi lang `yon!” Tumaas ang boses si Jhustin. “`Yong paghatak mo sa `kin kanina. `Yong pag-aabang mo sa `kin sa labas ng classroom. Kapag magkasama tayo. Binigyan na ng malisya ng ibang tao.”

“Ano’ng masama do’n? Bawal na bang tumambay sa labas ng classroom n’yo? Ano naman kung hinatak kita kanina? Pati ba naman `yon isyu pa din? Di sana sinabi mo nang hindi na kita hinatak.”

“`Di mo kasi naiintindihan.”

“Ano’ng `di ko naiintindihan? Wala namang masama sa ginawa ko. Ba’t ba sa `kin ka nagagalit? Inaano ba kita?”

Natigilan si Jhustin. Kahit siya ay napatanong sa sarili kung bakit nga ba ganoon na lang ang nararamdaman niya. Kung bakit kay Makho siya nagagalit at hindi sa mga taong nagkakalat ng tsismis sa kanila.

“Ba’t `di ka makapagsalita ngayon? Sabihin mo, ba’t ka nagagalit sa `kin?”

“Ewan,” pabulong na sabi ni Jhustin. Hindi siya makatingin nang deretso sa kausap.

“Ewan?” Lumapit si Makho. Halos isang dangkal na lang ang layo nila sa isa’t isa. “`Yan na ba’ng best mo? Galit ka sa `kin kasi ewan mo? Wow. Dapat ka ngang magalit. Ang lalim ng pinanghuhugutan mo, e.”

Hindi kumibo si Jhustin. Naparalisa na siya sa kinatatayuan.

Nagpatuloy si Makho sa pangangaral sa kaibigan. “Hindi ko alam kung ano ang isyu mo sa pagpunta ko sa classroom n’yo o sa paghatak ko sa `yo kanina. Kung hindi mo gusto, puwede ka namang humindi. Puwede ka namang tumanggi sa mga yaya ko. Tumanggi ka ba? Hindi. `Kala ko pa naman okay tayo. `Yon pala ikinakahiya mo `yong ginagawa natin. Ikaw yata’ng may malisya, e.”

“`Di naman sa gano’n,” bulong ni Jhustin. “`Di lang ako sanay na may best friend.”

Si Makho naman ang natigilan.

Umihip ang amihan mula sa hilaga. Tila napawi ng malamig na simoy ang init ng kanilang ulo. Nanatili silang nakatayo at nakaharap sa isa’t isa. Tahimik. Mga paniki lang ang maririnig. Pinapakiramdaman nila ang isa’t isa, naghihintay kung sino ang unang magsasalita.

Nangalahati ang katawan ng papalubog na araw. Tumapat ang natitira nitong liwanag sa likod ni Makho. Pinadilim ng anino ang mukha nito, pero hindi sa paningin ni Jhustin. Para sa kanya, lalo iyong umaliwalas at lumiwanag.

“So bespren na tayo?” pabulong na sabi ni Makho.

Marahang tumango si Jhustin.

“Galit ka pa?”

Umiling ito.

Kinuha ni Makho ang bag niya, binuksan ang bulsa at dumukot. Paglitaw ng kanyang kamay, naroon ang isang pakete ng Lala. “O, peace offering.”

Ngumiti si Jhustin at kinuha ang tsokolate. “Salamat.”

Umakbay si Makho sa kaibigan at kinabig ito papunta sa arkong nakaharap sa kanluran. Umupo sila at inilawit ang mga binti sa labas ng tore. Tahimik nilang pinaghatian ang Lala habang pinanonood ang lumulubog na araw.