MAY MANGILAN-NGILANG TAO SA LOOB NG simbahan ng Parokya ng San Jose. Karamihan ay matatandang babae at mga nanay na may binili sa palengke o susundo ng anak sa paaralan. Halos lahat ay nakaupo sa harap. Habang lumalayo sa altar, lalo namang numinipis ang bilang ng mga taong nagdarasal.
Tahimik sa loob. Maririnig na halos ang buntonghininga ng mga naroong may mabibigat na pasanin sa buhay. Sa bawat buga ng hininga, parang masusukat na rin kung gaano kabigat ang kanilang problema.
Sa pinakalikod naupo sina Jhustin at Makho. Doon sa kaliwang upuan katapat ng pampitong imahen ng Stations of the Cross. Walang ibang nakaupo sa hilerang iyon maliban sa kanilang dalawa.
“Magsisimba ba tayo?” tanong ni Jhustin.
“Gusto mo ba?” balik na tanong ni Makho.
“Ayoko. `Di naman Linggo. Saka ano...”
“Ano?” usisa nito. “`Di ka naniniwala sa Diyos?”
“Ewan ko. Siguro. May mababago ba kung maniniwala ako? Susuwertihin ba `ko sa buhay kapag lagi akong magsisimba at magdadasal? Feeling ko naman gano’n pa rin, e. Wala masyadong mag-iiba.”
Hindi agad nagsalita ang katabi niya. Parang binigyan siya ng kaunting panahon para huminga. Para patangayin sa hangin ang kanyang mga sinabi. Para isabay sa usok ng kandila ang mga tanong niya papunta sa langit. Sa Diyos.
“Kaya gusto ko dito sa simbahan `pag ganitong oras,” sabi ni Makho pagkatapos ng saglit na pananahimik. “Tahimik. Walang masyadong tao. Makakapag-isip ka nang malalim. Makakausap mo ang Diyos. O kung ayaw mo naman s’yang kausapin, at least makakausap mo ang sarili mo. Minsan kasi nakakalimutan nating kumustahin `yong sarili natin. Nakakalimutan nating tanungin kung okay lang tayo.”
Napatingin na naman si Jhustin sa kaibigan. Sinubukan niyang basahin ang nasa isip nito. May problema ba siya sa bahay? Magulo kaya sa kanila? Lagi sigurong nag-aaway ang mga magulang niya. Kaya ba siya nag-transfer sa Holy Spirit dahil pasaway siya? At kaya ba siya pasaway ay dahil sa problema niya sa pamilya?
Gusto niyang itanong kay Makho ang kahit isa lang sa mga ito. Pero hindi niya ginawa. Sa halip, umisip siya ng ibang sasabihin. “Dinala mo ba `ko dito para may kasama kang mag-isip nang malalim?”
“Hindi,” nangingiting sagot nito. “May iniintay lang tayo.”
“Ano?”
“Basta. Chill ka lang d’yan.”
Bumalik si Jhustin sa panonood ng mga parokyano. Nadagdagan nang kaunti ang mga tao sa simbahan. Dumami rin ang mga nakasinding kandila sa harap ng Poong Nazareno. Mula sa kinauupuan nila, naaamoy niya ang usok galing sa mga kandila. Bawat isa ay sumisimbolo sa isang kahilingan o sa isang suliranin.
Mayamaya pa, tumunog ang kampana ng simbahan. Dong. Dong. Isa, dalawa, lima. Hanggang sampung kalembang. Ilang minuto na lang at magsisimula na ang pang-alas-singkong misa. Ang huli para sa araw na iyon.
Lumuhod si Jhustin, pinagdaop ang mga kamay, yumuko saka pumikit. Ganoon din ang ginawa ni Makho nang makita ang ginawa ng kasama. Mula sa malayo, iisipin mong mga seminarista sila. Nakaputing polo at itim na slacks. Itim na sapatos at puting medyas. Maamo ang mga mukha. Taimtim na nagdarasal.
Kring. Kring. Simula na ng banal na misa. Nagsipagtayuan ang lahat. Tumugtog ang recorded na “Papuri sa Panginoon.” Umawit ang ilan. Hindi bakas sa kanilang mga mukha ang kaligayahan sa pagpupuri sa kanilang panginoon. Kung hindi mukhang pagod, parang nalugi. Ang ilan, hindi mo kakikitaan ng kahit anong emosyon.
“Sa ngalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo...” wika ng pari.
“Amen,” tugon ng mga tao.
“Tara na,” bulong ni Makho.
Naglakad ito at dumeretso sa isang madilim na lagusan sa isang gilid kung saan nakaparada ang karo ng poon ng Birheng Maria. Hindi na nakuhang tanungin ni Jhustin ang kasama kung saan siya nito dadalhin. Sinundan niya ito. Sa pag-alis sa upuan, bahagya siyang nakonsiyensiya sa hindi pagtutuloy sa nasimulang misa.
“Hintay,” mariing bulong niya.
“Bilisan mo,” sagot ng kaibigan.
Sa loob ng lagusan ay may mahinang hanging dumadaloy. Malamig at mamasa-masa sa pakiramdam. Dala nito ang amoy ng kabanalan: kandila, insenso at sampaguita. Kapag dineretso ang lagusan, tatagos ito sa isang mas malaking tunnel kung saan naroon ang opisina para sa mga gustong magpakasal o magpabinyag. Kumaliwa sila.
May maliit na pintong yari sa kahoy. Narra kung pagbabasehan ang kapal at tigas nito. Mas mababa sa kanilang dalawa ang taas nito. Kinailangan pa nilang yumuko nang pasukin iyon.
Sa loob ay may makipot na hagdanang bato paakyat. Niluma na ito ng panahon. Ang ilang baitang ay uka-uka na. Umakyat sina Jhustin at Makho hanggang sa makarating sa balkonahe. Iyon ang dating pinupuwestuhan ng choir bago ito nalipat sa harap, doon sa kaliwang gilid ng altar. Tanaw rito ang kahabaan ng loob ng simbahan, mula sa altar hanggang sa pinakahuling upuan.
Hindi sila nagtagal doon. Dumeretso si Makho sa dulo ng balkonahe patungo sa isa pang maliit na pinto. Tahimik na sumunod si Jhustin. Bumungad sa kanila ang isa na namang hagdanan. Paikot ito at lalong pinakipot ng malamig na pader.
“Dadalawin ba natin si Rapunzel?” tanong ni Jhustin.
Natawa si Makho. “Hindi. Si Dingdong.”
Umakyat sila. Mas madilim sa hagdanan kumpara sa lagusan kanina. Di-hamak na mas mabaho rin. Pulos ipot kasi ng paniki ang mga baitang. Pagtingala ni Jhustin, nakita niya ang tumpok ng mga paniking unti-unti nang nagigising habang nalalapit ang paglubog ng araw.
“Si Batman yata ang nakatira dito, e,” sabi ni Jhustin.
“You don’t say?”
Halakhakan. Umalingawngaw ang kanilang mga tinig sa makipot na daanan. Nagambala ang ilang paniki, sanhi para magliparan ang mga ito palabas ng tore.
“`Lapit na tayo,” sabi ni Makho.
Pumasok ang huling liwanag ng papalubog na araw sa mga siwang sa itaas. Lumakas ang hangin. Pagdating sa tuktok, tumambad sa kanila ang malaki at lumang kampana ng simbahan. Ang tagagising sa mga parokyano kapag Simbang Gabi. Ang naging tagapaghudyat noong dumating ang mga Hapon sa kanilang bayan at nang masunog ang plaza noong panahon ng Martial Law.
Nakakabit sa ulunan ng kampana ang isang makapal na lubid na karaniwang ginagamit sa mga angkla ng barko. Parang ginintuang buhok. Si Rapunzel nga, ang prinsesang nakakulong sa tore.
“Wow,” ang tanging nasabi ni Jhustin.