NASA PINTUAN NG CLASSROOM SI MAKHO NANG lumabas si Jhustin para sa lunch break nila. May bitbit na lunch box ang kaibigan niya. Yari sa metal, kulay-pilak at tatlong patong. Sinubukan niyang hulaan ang laman niyon gamit ang kanyang ilong.
Manamis-namis ang amoy na nanggagaling sa lunch box. Pritong karne. Tocino? Longganisa? Lalo tuloy siyang nagutom.
“Tocino ba `yan?” tanong ni Jhustin.
“Oo,” sagot ni Makho. “Ulam namin kagabi. Dinagdagan ko ng itlog. Niluto ko kanina bago pumasok.”
“Sanay ka palang magluto.”
“Minsan lang, `pag gusto kong magbaon.”
“`Di ka ba ipinagluluto ng mama mo?”
“Ipinagluluto. Pero `di ko na inabala si `Nay kanina. Lagi din kasing pagod `yon sa trabaho, saka sa gawaing-bahay.”
“Sa’n ba nagtatrabaho `yong nanay mo?”
“Do’n sa factory ng feeds sa San Roque. Clerk.”
Nasa kasarapan sila ng pagkukuwentuhan nang lumabas ng classroom si Lara. Nakita sila nitong nag-uusap malapit sa pintuan. Agad din siyang nakita ni Jhustin kaya agad niyang hinatak ang kaibigan para umalis.
“Tara na. Gutom na `ko,” yaya niya kay Makho.
“Sabay ba kayong kakain ng bago mong friend, Ja-haaas-tin?” tanong ni Lara. “Ang sweet n’yo naman.”
Third strike. Hindi na ito palalampasin ni Jhustin. Papatulan na niya ang kanyang seatmate kahit babae pa ito. Hindi niya ipagsasawalang-bahala ang kamalditahan ni Lara. Lalo pa ngayong may halong malisya ang pang-aasar nito.
Pumihit siya pabalik sa classroom. Makakatikim ka sa `kin ngayon, bulong niya sa isip. Abot-kamay na niya si Lara nang maramdaman niyang may kumapit sa kanyang kaliwang braso. Si Makho.
“Jhustin,” ang tanging sinabi nito.
Natigilan siya, pero may panlilisik pa rin ang tingin niya kay Lara. Gusto niyang manakit. Gusto niyang manlait. Pero hindi siya nagpatalo sa bugso ng damdamin. Salamat sa kamay ni Makho. Hinayaan niyang makalampas ang kaklase. Sinundan niya ito ng tingin.
Makikita sa mukha ni Lara ang pagkagulat nang balikan siya ni Jhustin at akmang susugurin. Hindi niya inakalang may ganoong ugali ang kanyang seatmate. Sa tagal na nilang magkakilala, ni minsan ay hindi niya kinakitaan ito ng karahasan sa katawan. Sa takot niya, tahimik siyang naglakad papunta sa hagdanan. Ni hindi na niya nakuhang lumingon pa sa dalawa.
Humarap si Jhustin kay Makho. Yumuko. Hindi niya makuhang titigan ito sa mga mata. Bigla siyang kinapitan ng hiya dahil sa ipinakitang asal. Kung siya lang, palalampasin niya ang sinabi ni Lara. Pero dinamay pa nito ang kanyang kaibigan. At iyon ang hindi niya kayang palampasin.
“Gutom lang `yan,” sabi ni Makho.
Inakbayan siya ng kaibigan. Tahimik silang bumaba ng hagdanan at lumabas ng kanilang eskuwelahan.