noveltoon logo noveltoon
Ang Lihim sa Tore ng Sinagtala

Chapter 29

Ch. 29 / 85 Mar 03, 2022

BAGO PUMASOK SA SCHOOL, HINALUNGKAT NI Jhustin ang koleksiyon niya ng komiks. Patong-patong ang mga secondhand na Pugad Baboy, Trese, Zsazsa Zaturnnah, Tagalog Komiks, Light, El Indio, Ang Barbaro, pati ang mga ginupit na strip galing sa iba’t ibang pahayagan.

Dinampot ni Jhustin ang gawa ni Manix Abrera, Hukbong Sandatahan ng Kahaggardan, mula sa series nitong News Hardcore! Nagdalawang-isip pa siya kung ito ang kukunin o ang isang issue ng Kikomachine Komix! Pinili niya ang una dahil mas nakakatawa ito para sa kanya. Siniyasat muna niya ang mga pahina ng libro, binasa ang ilang jokes at tumawang mag-isa bago umalis ng bahay.

Pagdating sa eskuwelahan, dumeretso siya sa classroom ni Makho. Suwerte namang hindi late ang kaibigan niya nang araw na iyon. Tumayo si Jhustin sa may pintuan at hinintay na mahagip siya ng tingin ni Makho. Hindi naman nagtagal at nagkasalubong na sila ng tingin. Nagpalitan sila ng ngiti.

Kumaway si Jhustin at sumenyas na lapitan siya. Patakbong lumabas ang kanyang kaibigan, nakapaskil pa rin ang ngiti sa mga labi.

“Wazzup?” bungad ni Makho.

“Buti `di ka late,” sabi ni Jhustin.

“Oo, `lam mo na, bagong buhay. Iwas suspension na din. Baka `di na tayo makatambay `pag sinuspend ako ng mga tuta.”

“Sshh! Baka madinig ka.”

“Pake ko? Hagisan ko pa sila ng dog food.”

Natawa si Jhustin. Lihim siyang natuwa dahil naalala pa ng kaibigan ang sinabi niya noong una silang magkita sa Fineski.

“May ibibigay nga pala ako sa `yo.”

“Ano `yon?”

Inilabas ni Jhustin mula sa loob ng kanyang bag ang libro ng komiks at ibinigay iyon kay Makho. “Basahin mo. Nakakatawa `yan.”

“Uy, alam ko `to. Nakita ko `to sa Facebook.”

Naglakad sila papunta sa ledge ng gusali at doon ay sabay na binasa ang ilang pahina ng Hukbong Sandatahan ng Kahaggardan. Bumubulong si Makho habang nagbabasa. Napuputol iyon ng mga tawa niya. Pinipigilan naman ni Jhustin ang sariling ituro sa kasama ang mga nakakatawang jokes para sa kanya.

Nasa ikapitong pahina na sila nang tumunog ang bell, hudyat upang pumila ang mga estudyante para sa flag ceremony. Tinapos munang basahin ni Makho ang isang strip bago isinara ang libro.

“Thanks, bro,” sabi ni Makho. “Pa’no mo pala nalamang birthday ko ngayon? `Di ko naman `nilagay sa Facebook.”

Bro? Birthday? Nawindang si Jhustin sa mga sinabi ng kaibigan. May bro na siya. Magkaibigan na talaga sila. At birthday ni Makho ngayon. Wala siyang kaalam-alam. Hindi naman siya nag-Facebook kanina o kagabi.

Nagsimulang magkagulo sa corridor. Naglabasan ang mga estudyante sa kani-kanilang classroom. Sa halip na aminin ang totoo o pasinungalingan ang sinabi ng kaibigan, nagpadala sa agos ng mga tao si Jhustin. Dumeretso siya sa sariling classroom at sinamahan ang mga kaklase sa pila.