Hindi na binitawan ng kanilang ina ang purse nito. Nang matapos magluto, umakyat ito sa sariling kuwarto at nagkandado ng pinto.
“Two hundred ko?” singil sa kanya ng kuya niya.
“Ba’t kita bibigyan?” tanong ni Jhustin. “`Di ko naman nakuha `yong laptop ni Papa.”
“Tinulungan kaya kita.”
“Mission failed naman.”
“Pero tinulungan kita. `Yon ang usapan. `Di ko naman sinabing sure na makukuha mo `yong laptop.”
Nalukot ang mukha ni Jhustin. Alam niyang bubuwisitin siya lalo ng kapatid kapag nakipagmatigasan pa siya rito. Para matahimik ang kapatid, dumukot siya ng isandaang piso sa wallet. “Kalahati lang. `Yong kalahati `pag nakuha ko na `yong laptop.”
“Ayos!” Sabay kiliti sa kanyang tagiliran.
Kumuha ng komiks si Jhustin sa kanyang koleksiyon. Nadampot niya ang isang issue ng Kikomachine Komix! Umakyat siya at nagbasa-basa sa sala. Inaantabayanan pa rin niyang lumabas ang ina para masilip ang purse nito at makuha ang susi.
Paulit-ulit niyang binasa ang isang strip. Hindi siya matawa-tawa sa mga biro. Wala kasi sa binabasa ang atensiyon niya, nasa pinto. Hinihintay niyang bumukas iyon at lumabas ang ina. Pero hanggang sa pumatak ang alas-dose ng tanghali, hindi ito lumabas. Siya na ang nagkusang bumaba para maghain. Ilang sandali na lang kasi at darating na rin si Makho.
Bago maghanda ng pananghalian, ipinatong niya sa ibabaw ng ref ang hawak na komiks. Naghugas siya ng kamay, nagpunas at saka kumuha ng tatlong plato, tatlong baso at tatlong pares ng kutsara at tinidor. Kinuha niya ang malaking porselanang mangkok at doon inilagay ang sinandok na kanin. Huli niyang kinuha ang kaldero ng sinigang sa bayabas at ipinatong iyon sa mesa.
Paakyat na siya sa itaas para tawagin ang ina at kapatid nang mahagip ng kanyang mga mata ang isang taong nakatayo sa may gate nila.
Si Makho.