DUMUKOT NG ISANDAANG PISO SI JHUSTIN AT iniabot iyon sa kanyang kuya. “O, `ayan. Nakuha ko na. Bayaran mo `yan next week, ha?”
Hindi sumagot ang kapatid niya. Ibinulsa lang nito ang pera, tumingin sa laptop ng ama, tumingin kay Makho saka tumayo mula sa pagkakaupo sa sariling kama. Walang sabi-sabi itong lumabas ng kuwarto.
“Weirdo,” sabi ni Jhustin. Bumalik siya sa pinto para ikandado iyon.
“May Wi-Fi naman kayo, `no?” tanong ni Makho.
“Meron.”
“Mabilis?”
“Malalaman natin.”
Isinaksak ni Jhustin ang laptop para makapag-charge, saka ito binuksan. Lumitaw ang portrait ng papa niya sa wallpaper, kasunod ang parang isang kurot sa kanyang dibdib. May bumara sa kanyang lalamunan. Napatulala siya sa larawan ng yumaong magulang. Naroon pa rin ang sakit, ang pangungulila at ang kalungkutan.
Bago pa mangilid ang luha niya, huminga siya nang malalim. Huminga rin nang malalim si Makho. Napatingin siya sa kaibigan, pero bigla itong yumuko at nagkunwaring may tinatanggal sa ilalim ng kuko.
Napaisip siya bigla. Naramdaman kaya ni Makho ang lungkot ko? Ba’t naman siya malulungkot pagkakita sa picture ni Papa? Baka naiinip lang.
Ibinaling ni Jhustin ang atensiyon sa ibang nakalagay sa desktop ng computer. Naroon pa ang folder ng mga candid shots nila. Naroon din ang ilang Excel files para sa grades ng huling klaseng tinuruan ng ama. Wala ang shortcut icon ng BORTA.
“Wait, wala dito,” sabi niya kay Makho.
Hindi ito kumibo o nagsalita.
Pumunta siya sa Start button at hinanap sa mga naka-install na program ang laro. Hindi niya makita. Dinala niya ang cursor sa search bar sa bandang ibaba ng screen at saka nag-type: BORTA. May isang item na lumabas: ang icon ng larong hinahanap niya.
“`Ayun!”
Gamit ang mouse, hinatak niya ang icon ng BORTA palabas ng folder nito papunta sa desktop. Double click. Lumitaw ang pangalan ng developer, kasunod ang pagtunog ng background music na kampana at harp. Nagpakita ang logo ng laro—Battle of Rebels: Tactical Angels.
Start New Game .
Bago pa maipahiram ni Jhustin ang laptop kay Makho, lumabas ang isang dialog box sa gitna ng screen. Binasa nila pareho ang nakasulat dito: Please check your Internet connection. Pinindot ni Jhustin ang wireless Internet button sa keyboard. Walang nangyari. Hindi umilaw ang icon nito sa laptop.
“Wait, check ko `yong router sa labas,” sabi niya sa kaibigan. “Bantayan mo `yong laptop, baka makita ni Mama. Itinakas ko lang `yan.”
Patakbo siyang lumabas ng kuwarto at hinatak ang pinto. Pinuntahan niya ang router na nakapailalim sa sofa. Umiilaw naman. Dinukot niya ang cell phone at tiningnan kung gumagawa ang Internet. Ayos naman. Sa huli, pinatay na lang niya ang router, tinanggal sa saksakan at saka bumilang ng sampu pababa.
3... 2... 1... Muli niyang pinagana ang router.
Hinintay niyang mabuhay ang lahat ng ilaw. Sinilip uli niya ang phone para alamin kung gumagana na ang Internet. Mayroon na uli. Saka siya naglakad pabalik sa kanyang kuwarto. Pinihit niya ang doorknob pero hindi ito umikot. Nakakandado mula sa loob ang pinto.