MARAHANG PINIHIT NI MAKHO ANG LOCK NG pinto pagkalabas ng kanyang kaibigan. Iniwasan niyang lumikha ng kahit maliit na tunog. Nang magawa iyon, bumalik siya sa gilid ng kama at naupo sa sahig sa harap ng computer. Tinitigan niya ang screen, ang dialog box at ang graphics ng BORTA.
Huminga siya nang malalim.
Dahan-dahan niyang ipinatong ang kamay sa ibabaw ng sensor, ingat na ingat na parang nakakapasong bagay ang hahawakan. Pinagana niya ang cursor at lumabas sa laro. Muling tumambad ang mukha ng papa ni Jhustin sa kanya. Ibinaba niya ang tingin, parang batang nahihiyang humarap sa magulang kapag pinapagalitan.
Buntonghininga.
Halos pikit-mata niyang tinap ang folder na naglalaman ng mga larawan ng pamilya ni Jhustin. Lumitaw ang sandamakmak na litrato, mahigit limandaan. Iniwasan niyang pagmasdan kung ano ang nasa mga iyon. Scroll down. May dalawang folder sa dulo, isang may pangalang “For Wallpaper” at isa namang “New Folder.” Itinapat niya ang cursor sa pangalawa.
Buntonghininga.
Ido-double-tap na sana niya ang New Folder nang biglang tumunog ang knob ng pinto. Tsk. Tsk . Sunod-sunod ang katok at pagtawag ni Jhustin. Dali-dali niyang isinara ang folder at ibinalik ang BORTA sa screen ng computer. Agad siyang tumayo para pagbuksan ang kaibigan.