SA PALIBOT NG KAMPANA AY MAY APAT NA ARKONG nagsisilbing mga bintana sa tuktok ng tore. Sa labas naman, matatanaw sa iba’t ibang direksiyon ang kabuuan ng kanilang bayan... ang bayan ng Sinagtala.
Sa hilaga ay makikita ang ilang subdivision, gayundin ang kanilang paaralan. Sa silangan ay maaaninag ang bulubundukin ng Sierra Madre. Sa harap nito ay naroon ang ilog ng Angat. Sa timog ay matatanaw ang palengke, ang iba pang kabahayan at ang kabilang bayan. Sa kanluran naman, makikita ang malawak na sakahang hinahati ng patubig at ang ginintuang araw na unti-unting lumulubog kapag hapon.
Ninamnam ni Jhustin ang mga tanawin habang nilalanghap ang sariwang hangin. Palipat-lipat siya ng arko, ng bintana. Para siyang batang paslit na noon lang napagbigyan ng magulang na makalabas ng bahay.
“Ang ganda dito,” sabi niya kay Makho.
“Secret base ko `to.”
Naglakad si Makho papunta sa arkong nakaharap sa kanluran. Umupo siya at inilawit ang mga binti sa laylayan nito. Sinalubong ng mukha niya ang sinag ng papalubog na araw. Sa sandaling iyon, parang nahagip ng mga mata ni Jhustin ang kalungkutan sa mukha ng bagong kaibigan. Tinabihan niya ito.
“Dito mo ba balak magpakamatay?” pabirong tanong ni Jhustin.
Hindi sumagot ni Makho. Napayuko.
“Ganda ng puwesto natin. Kaunting lakas pa ng hangin sa likod, siguradong liliparin na tayo pababa sa plaza.”
“`Wag ka ngang magbiro ng ganyan. Baka magkatotoo.”
Bahagyang napahiya si Jhustin sa sarili. Sumeryoso ang kanyang mukha. “`Sensiya na. Last ko na `yon.”
Ngumiti si Makho.
Natahimik sila pareho at napatingin sa malayo. Ninamnam nila ang katamtamang init ng araw na unti-unting bumababa pahalik sa sakahan. Nagpadala sila sa pagkabighani sa magandang tanawin na abot-tanaw. Sa mga sandaling iyon, alam nila sa mga sariling ito na ang pagsisimula ng isang magandang pagsasama. Ng kanilang pagkakaibigan.
Pero hindi nila iyon ipinaalam sa isa’t isa.