noveltoon logo noveltoon
Ang Lihim sa Tore ng Sinagtala

Chapter 6

Ch. 6 / 85 Mar 03, 2022

HINDI MAN SILA NAKAPAGPALITAN NG PANGALAN, nalaman naman ni Jhustin kung sino ang lalaking nakausap niya. Iniwan kasi nitong nakabukas ang Facebook account: Makho Salvador.

Palihim siyang natawa. Kaya siguro sila madaling nagkapalagayan ng loob. Pareho kasi silang may ligaw na “H” sa pangalan.

Tiningnan ni Jhustin ang profile picture ni Makho. Ang gamit nito ngayon ay ang naka-topless na kuha sa beach. Baka nitong nagdaang summer lang. Hindi machong-macho si Makho pero may hulma ang tiyan at mga braso. Makinis din. Baka laging nag-aahit ng buhok. Ang iba nitong profile pic ay halos ganoon din. Naka-topless o kaya naman ay nakasando at kita ang hulmado nitong mga braso.

Nang magsawa sa profile pic, inisa-isa naman ni Jhustin ang mga pino-post ni Makho sa timeline nito. Karamihan ay selfie. May ilang clips ng animé tulad ng Naruto, Kimetsu no Yaiba at Attack on Titan. May mangilan-ngilang articles sa kung saan-saang blog. Mayroon ding naliligaw na mga rant sa status nito:

Late na naman ako potek! Bakit ba ayaw akong pakawalan ng kama ko? Baket? #SchoolIsImportant #SleepIsImportanter

Di ako makagawa ng assignment! Ang daming magagandang series at blogs! huhu #NetflixAndChill

Ang sakit ng wankata ko! #GymPaMore

Tama nga ang kutob niya, nagdyi-gym si Makho. Dalawa lang naman ang alam na dahilan ni Jhustin kung bakit nagpapaganda ng katawan ang isang lalaki: Una, may girlfriend ito at, pangalawa, iba ang hanap.

Pinuntahan ni Jhustin ang mga larawan ni Makho. Naghanap siya ng pruweba na may girlfriend ito. Imposible kasing walang couple pic kung may syota nga ito. Natapos niyang inspeksiyunin ang isang album. Dalawa. Apat. Pito. Wala pa ring picture ng babae maliban sa isang mukhang nanay o tita. Wala rin naman itong picture na may kasamang lalaki. Kung mayroon man, group photo o family picture.

Tinigilan na ni Jhustin ang pangingialam sa profile ng bagong kakilala kahit natutukso siyang halukayin pa ang Facebook account nito. Ayaw rin naman niyang gawin sa kanya iyon ng ibang tao kung sakaling makalimutan niyang mag-log out sa computer shop. Kaya lang, hindi siya mapakali. May gusto pa siyang gawin.

Gusto niyang magpakilala.

Natutukso siyang i-search ang kanyang pangalan at i-add ang sarili sa mga kaibigan ni Makho. Natutukso rin siyang magsulat sa timeline nito para magbiro. Pero naisip niyang baka magalit ito at abangan siya sa eskuwelahan nila. Wala siyang laban sa muscles nito. Iyon o isusumbong siya nito sa mga tutang Student Council.

“Sorry, iniwan mo kasing nakabukas ang FB mo,” bulong ni Jhustin sa sarili pagkatapos magsulat sa timeline ni Makho:

Hi, MAKHO. Ako nga pala si JHUSTIN Almario, ang kilabot ng mga tuta.

Bago i-publish, iniba niya ang privacy setting ng post. Tanging si Makho lang ang makakabasa. Sapat lang para magpapansin at mang-asar.

Log out. Exit.