HINDI NA BUMALIK SI JHUSTIN SA FINESKI NOONG Linggo ng gabi. Maaga siyang humiga at nagpahinga dahil may pasok na uli bukas. Pero kahit inagahan niya ang pagtulog, inabot pa rin ng hatinggabi bago siya dinalaw ng antok. Pagising-gising din siya sa madaling-araw.
Nagising siya sa mga hampas ng unan. Ang kuya na naman niya.
“Huy, Ja-haaas-tin, gising na! Papasok ka ba?”
Inagaw niya ang unan sa kapatid at ibinalibag iyon sa kabilang kama. Nawala ang antok niya nang makita ang oras sa kanyang cell phone: 6:45. Alas-siyete ang bell nila. Kahit bilisan pa niya ang pag-aalmusal, paliligo at pagpunta sa eskuwelahan, mahuhuli pa rin siya ng pasok.
Kaya hindi na siya nagkumahog gumayak. Bumaba siya sa kusina at kumain na parang Sabado lang. Naligo siya nang hindi nilalampasan ang paghihilod o pag-aahit ng bigote. Nakapagbawas din siya nang maluwalhati. Habang nagsusuot ng uniporme, nakuha pa niyang sumipol-sipol. Wala na ang kuya niya kaya wala na ring mambabato ng unan.
Alas-siyete y medya na siya nakarating sa Holy Spirit. Pumasok siya sa kulay-pula nitong gate at dumeretso sa gilid kung saan nakapila ang latecomers. Naroon din ang mga tutang tumitingin sa kanilang ID at naglilista ng pangalan. Ang mga repeat offender ay inihihiwalay nila sa pila.
“Jhustin!”
Napatingin siya sa tumawag ng kanyang pangalan. Si Makho. Nasa pila ng repeat offenders. Parang may pumilipit sa loob ng kanyang tiyan.
“Late ka din?” obvious na tanong nito.
“Oo, first time,” sagot niya.
“Ako, pangalawa na. Isang late pa, suspended na `ko.” Tinawanan nito ang sarili. “Uy, in-add na nga pala kita sa Facebook. Nakita ko `yong `nilagay mo sa wall ko. `Buti `di naka-public.” Tawa uli.
Lalong namilipit ang sikmura ni Jhustin. Hindi niya alam kung paano sasagutin si Makho. Magpapasalamat ba siya? Magso-sorry? Biyernes pa nang huli siyang mag-Facebook. Kailan kaya siya in-add nito?
Kinuha niya ang cell phone sa bulsa at pinagana ang mobile data. Bago pa kumagat ang signal, kinumpiska na iyon ng isang tutang nakasalamin, pudpod ang buhok at kasintangkad niya. Si Russel, ang representative ng kanilang batch.
“Bawal mag-cell phone,” sabi nito sa kanya.
“Wala pa naman ako sa classroom, a,” depensa niya.
“Kunin mo na lang sa `kin mamaya bago ka umuwi. `Ando’n lang ako sa office ng Student Council.”
“`Pag `yan `winala mo...” Hindi na niya itinuloy ang sasabihin. Tumingin siya kay Makho. Nakatingin din ito sa kanya, pilit ang ngiti. Nginitian niya ito kahit hirap siya. Hindi lang siya sigurado kung gumuhit nga iyon sa kanyang mga labi.
Pagkatapos isulat ni Russel ang kanyang pangalan, umalis ito at tumabi sa iba pang tuta. Pinaulit sa kanila ang morning prayer, ang “Lupang Hinirang,” ang “Panatang Makabayan” at ang school hymn bago pinapunta sa kani-kanilang classroom.
Sinabayan siya ni Makho sa paglalakad.
“Dapat hinagisan mo ng dog food `yong mga tuta,” sabi nito.
Natawa si Jhustin. “Baka `di na isauli `yong cell phone ko `pag ginawa ko `yon.”
“Sorry pala. Kung `di ko sinabi `yong sa Facebook, `di mo ilalabas `yong phone mo.”
“Wala `yon. Sorry din. Sinulatan ko `yong timeline mo.”
“Ayos lang. Kasalanan ko naman. Lagi ko kasing naiiwang bukas `yong account ko. `Buti ikaw `yong nakatiyempo. Kung ibang tao siguro `yon, baka tinadtad na ng porn `yong wall ko.”
Natutukso si Jhustin na itama ang bagong kaibigan. Timeline, hindi wall. Matagal nang binago ni Mark Zuckerberg ang tawag sa personal space mo sa Facebook. Pero hindi niya ginawa. Hindi pa sila ganoon ka-close para mambasag ng trip ng iba.
Sumapit sila sa gusali ng mga high school students. Sa halip na kumaliwa para tahakin ang kabilang hagdanan, sinabayan niya si Makho sa pag-akyat sa kanang bahagi ng gusali para malaman kung saan ang silid nito.
“Sa’n nga pala’ng room mo?” tanong ni Makho.
“214,” sagot ni Jhustin. “Ikaw?”
“Nice, Rivermaya. Sa 220 ako, do’n sa dulo.”
“A, kaya pala `di kita nakikita masyado. Transferee ka, `no?”
“Oo. Pero `di ako na-kick out, ha? Baka kung ano’ng isipin mo.”
“Wala naman akong sinasabi.”
“Inunahan lang kita.”
“Ba’t ka lumipat dito?”
Hindi na nakakuha ng sagot si Jhustin. Bigla kasing tumigil sa paglalakad ang kanyang kasabay. Nasa tapat na sila ng Room 220.
“Dito na `ko,” sabi ni Makho.
“Sige,” matipid niyang sagot.
“Daanan kita `maya sa room n’yo,” pahabol ng bagong kaibigan. “Samahan kitang kunin `yong phone mo do’n sa tuta.”
Tumango si Jhustin at ngumiti. Hindi niya makuhang mainis kahit pa nakumpiska ang kanyang cell phone at nahuli siya ng pasok sa eskuwelahan. Sa loob-loob niya, nakatadhanang mangyari ang lahat ng ito ngayong araw. Sino ba siya para humindi kay Tadhana?