noveltoon logo noveltoon
Ang Lihim sa Tore ng Sinagtala

Chapter 25

Ch. 25 / 85 Mar 03, 2022

BAGO PUMASOK SA TRABAHO, MAAGANG GUMIGISING ang mama ni Jhustin para magluto ng almusal at ng kanilang tanghalian. Babaunin niya ang nilutong ulam at magtitira para sa bunsong anak. Hindi na niya isinasama sa hatian ang panganay na anak dahil sa unibersidad na ito kumakain.

Ganito na rin halos ang kanilang nakasanayan noong buhay pa ang kanyang asawa. Gigising siya nang maaga at magluluto ng agahan at tanghalian. Maglalaan siya ng ulam at kanin para sa kanilang mag-asawa. Ang matitira naman ay para kay Jhustin, na kahit kailan ay hindi natutuhang kumain sa eskuwelahan o sa mga karinderya sa labas.

Nasanay kasi si Jhustin sa luto ng kanyang mama. Kapag naiba ng timpla o kinulang ng sangkap, tulad ng madalas na nangyayari sa karinderya kapag nagtitipid sa rekado, hindi na niya kinakain. Mas gugustuhin niyang magutom kaysa kumain ng lutong hindi ayon sa kanyang panlasa. Kaya kung minsan, bumabawi siya sa mga street food tulad ng fish ball, kikiam, isaw, betamax at ang paborito niyang iskrambol.

“Sige, nang magka-hepa ka,” pangaral lagi sa kanya ng ina.

Iyon din ang dahilan kung bakit lagi na itong nagluluto nang maaga. Bukod sa mas matipid, makakaiwas din sa sakit ang anak. Mas malaki nga namang gastos kung may maoospital sa kanila.

“Eh, mas masarap kasi ang luto mo, `Ma,” sabi ni Jhustin nang minsang pagsabihan ng ina dahil masyado itong pihikan sa pagkain. “Walang sinabi `yong luto ng mga kainan d’yan sa labas. Panis silang lahat!”

Napanis ang dalang tocino ni Makho. Nang buksan niya ang dalang lunch box, umalingasaw ang amoy nito sa kusina. Parang pinaghalong utot at maruming medyas. Kinuha ni Jhustin ang lalagyanan ng tocino at itinapon ang laman nito sa basurahan sa likod ng bahay.

“Isinama mo kasi sa hiniwang kamatis,” sabi ni Jhustin nang makabalik sa kusina. “Dapat inihiwalay mo `yong kamatis o kaya `di mo muna hiniwa. Nakulob kasi `ta’s nainitan pa kaya napanis.”

“Gano’n ba `yon?” sabi ni Makho. Pinipilit niyang ngumiti kahit halatang dismayado sa nasayang na ulam. “`Buti `di nadamay `yong itlog.”

“`Buti na lang niluto ni Mama `yong hot dog.”

“Ayos! Bagay na bagay sa itlog ko,” natatawa niyang sabi. “Anong hot dog ba `yan?”

“Hot dog ni Aljur,” tinutukoy ang sikat na commercial ng TV actor.

Umalingawngaw ang tawanan sa loob ng kusina.

Tumusok ng isang hot dog si Makho at siniyasat iyon nang mabuti. “Supot pa yata `yong hot dog ni Aljur.”

Lalo pang lumakas ang halakhakan nilang dalawa. Babanat pa sana si Jhustin pero hindi siya makapagsalita dahil sa kakatawa. Si Makho naman, napapapalo pa sa mesa. Napatukod si Jhustin sa balikat ng kaibigan. Tawanan pa. Pareho silang napasapo sa tiyan. Akala mong hindi na makakatawa bukas.

“Solid `yon,” sabi ni Makho, habang tila hinahabol ang hininga.

“G**o ka, sumakit `yong tiyan ko do’n,” hinihingal na sabi ni Jhustin.

“Kasalanan mo `yan. Ikaw kaya nagpakita nitong hot dog ni Aljur,” sabay wagayway ng hot dog sa mukha ng kaibigan. “Tuliin mo nga, o.”

Sumabog na naman ang malakas na tawanan. Kahit hindi pa nakakakain, busog na busog na silang dalawa sa dami ng hanging pumasok sa kanilang tiyan. Napasalampak na sa sahig si Jhustin. Si Makho naman, gusto nang yumakap sa mesa.

Napuno ang buong bahay ng mga tawa nila. Nagkaroon ng bagong ingay. Ng bagong buhay. Matagal-tagal na rin nang huli itong makaranas ng ganoong kasiyahan. Madalas kasi, pulos asaran at bangayan ni Jhustin at ng kuya niya ang pumupuno sa kanilang bahay. Iyon o ang katahimikan kapag silang lahat ay nasa labas at nag-aaral o nagtatrabaho.

“`Di na `ko makakakain ng hot dog nang `di naiisip si Aljur,” sabi ni Jhustin nang mahimasmasan.

“ Sorop! ” sabi ni Makho.

Iyon na yata ang isa sa pinakamasarap na tanghalian ni Jhustin. Hindi dahil mas sumarap pa ang luto ng kanyang mama o dahil espesyal ang kanilang ulam, kundi dahil may kasabay na siyang kumain. At tumawa.