noveltoon logo noveltoon
Ang Lihim sa Tore ng Sinagtala

Chapter 22

Ch. 22 / 85 Mar 03, 2022

TUMAYO SI MAKHO SA ARKONG NAKAHARAP SA kanluran. Nasa likuran niya ang araw. Sumasayaw ang malago niyang buhok sa hanging nagmumula sa hilaga. Ibinaba niya ang bag sa paanan bago binigyan ng makahulugang titig ang kanyang kaibigan.

“Ba’t ganyan ka makatingin?” tanong ni Jhustin nang mapansin ang kakaibang ikinikilos ng kasama.

“May hihingin sana akong favor sa `yo,” sabi ni Makho.

“Basta ba `wag lang `yong pagtulak sa `yo d’yan, game ako.”

“`Di nakakatawa.”

“Joke lang, `to naman.” Inilapag ni Jhustin ang kanyang bag sa ilalim ng kampana. Tumayo siya sa tapat ng kaibigan at nakipagtitigan dito. “Ano bang favor `yan?”

“Patulong naman sa ‘Invictus.’ Ayoko kasing nagsasalita sa harap ng klase. Kinakabahan ako. Kahit kabisado ko naman, nawawala bigla sa utak ko `yong mga linya ng tula.”

Umupo si Jhustin sa maalikabok na sahig, nakatingala sa kaibigan. “O, sige. Parinig. Tulain mo ngayon sa harap ko.”

Parang nahipan ng masamang hangin si Makho. Tahimik lang siya. Walang kibo. Deretso ang tingin sa kaibigan. Kung hindi pa ito kumurap ay iisipin mong naparalisa na. Hindi rin naman kumibo si Jhustin. Tahimik siyang naghintay na magsimula ang kasama.

Lumipas ang isang minuto, dalawa, tatlo. Hindi pa rin bumubuka ang bibig ni Makho. Tanging mga mata lang niya ang nangungusap. Kinakabahan ako. `Di ako makagalaw. Wala akong maalala .

Naubos ang pasensiya ni Jhustin. “Lulubog na `yong araw.”

“`Eto na!” sabi ni Makho. Halata ang pagkairita sa kanyang boses. Parang pinipilit siyang gawin ang isang bagay na hindi niya kayang gawin. “Out of the night that covers me...”

Katahimikan. Tanging ihip ng hangin ang maririnig at ang paminsan-minsang ingay ng mga paniki sa ilalim nila.

“Black...” sambit ni Jhustin.

“Black as the pit from pole to pole...” Huminto na naman si Makho.

Tumayo si Jhustin. Lumapit siya sa kaibigan, hinawakan ang magkabilang balikat at niyugyog iyon. “`Wag kang kabahan!”

Ganito rin ang ginagawa sa kanya ng ama noong maliit pa siya. Sumali siya minsan sa sabayang pagbigkas para sa Buwan ng Wika. Lagi niyang nakakalimutan ang kanyang parte sa tula at lagi ring nabibitin ang kanyang ama sa pakikinig habang nag-eensayo siya.

“`Wag kang kabahan!” sabi ng kanyang papa habang niyuyugyog siya. “Nasa utak mo naman lahat ng kinabisa mo. Kailangan mo lang alugin para lumabas.”

Pero hindi iyon tumalab kay Makho. Kahit anong alog ang gawin nito sa ulo, napipipi pa rin ito kapag nakatayo na sa harap ng ibang tao. Kung ano-ano na ring payo ang ibinigay ni Jhustin.

“Isipin mo na tuod lang `yong mga nanonood sa `yo... Damahin mo `yong mensahe ng tula... Pumikit ka para `di mo sila makita... Huminga ka nang malalim saka ka tumula... Wala ako dito, imahinasyon mo lang ang lahat... Kaya mo `yan, `wag kang susuko... The only thing to fear is fear itself...”

Wala pa ring epekto.

“Sorry, bobo talaga ako sa recitation,” sabi ni Makho. “Weakness ko talaga `tong public speaking. `Di ko alam kung bakit.”

“O, kumain ka muna,” sabi ni Jhustin. Hawak-hawak niya ang Lala na bigay sa kanya ng kaibigan. Binawasan na niya kanina habang pinapanood ang kasama.

Hindi na tumanggi si Makho. Kumurot siya ng maliit na piraso at isinubo iyon. Tumatakam pa siya habang nginunguya ang paborito nilang tsokolate. Sinipsip niya ang tamis at ninamnam ang pamilyar na lasa ng Lala. Bigla siyang nabuhayan ng dugo.

“Out of the night that covers me! Black as the pit from pole to pole!”

Napanganga si Jhustin nang matula ni Makho ang “Invictus” nang walang palya. Tuloy-tuloy. May paninindigan. Muntik pa niyang mabitawan ang hawak na tsokolate.

“Ako ba’y pinagloloko mo, ha?” natatawang tanong niya sa kaibigan.

“`Di ko din in-expect,” sabi ni Makho.

“Alam mo na gagawin mo. Tara, bumaba na tayo at bumili ng maraming Lala.”

Kasabay ng paglubog ng araw, bumaba ng tore ang magkaibigan. Paulit-ulit pa rin si Makho sa pagbigkas ng tula. “I am the master of my fate! I am the captain of my soul!”

Pagkababa, bumili sila ng limang pakete ng Lala sa tindahan sa gilid ng simbahan.