noveltoon logo noveltoon
Ang Lihim sa Tore ng Sinagtala

Chapter 8

Ch. 8 / 85 Mar 03, 2022

DALAWANG RASON LANG KUNG BAKIT GINAGABI ng uwi si Jhustin: naglaro siya sa Fineski o nanood silang pamilya ng sine.

Ang huling pelikulang pinanood nilang buong pamilya bago namatay ang kanyang papa ay iyong pinagbidahan ni Vice Ganda. December 27 iyon, birthday ng kanyang mama. Dahil may inasikaso pa sa trabaho ang kanyang ama, gabi na sila nakapunta sa mall para kumain at manood ng sine.

Tandang-tanda pa niya ang gabing iyon. Eksaktong pagpasok nila sa loob ng sinehan, pinapalabas na ang short video tungkol sa anti-piracy law.

Kasasabi lang ni Derek Ramsay sa lalaking nagka-camcord na, “Pare, pulis ako.” Tumakbo ang suspek. Umupo silang apat sa pang-apat na row mula sa likod. Nabunggo ng suspek ang babaeng may hawak na popcorn. Kinuha ni Jhustin ang popcorn sa kuya niya. Sunod na nabunggo ng lalaki ang aleng may dalang mga kamatis. Halakhakan.

Pinakamalakas ang tawa ng papa niya. “Ampanget umarte n’ong extra,” sabi nito. Natawa pati ang ibang taong nanonood sa sinehan na nakarinig sa sinabi ng kanyang ama. “Ba’t `di nakasupot `yong mga kamatis? Bawal ba plastik? Nasa Makati ba sila?”

Tawanan uli.

Mas natawa si Jhustin sa ama kaysa sa pinanood na pelikula.

Nangingiti si Jhustin mag-isa sa paggunita ng tagpong iyon habang naglalakad pauwi. Mas maaliwalas na ang panahon ngayon kumpara kaninang papunta pa lang siya sa Fineski. May mangilan-ngilan nang tala sa kalangitan, pero natatabingan pa rin ng ulap ang tatlong magkakatabing bituin na lagi niyang tinatanaw.

Dinukot niya ang cell phone sa bulsa ng pantalon. Eksaktong alas-diyes na. Nakaisang round lang siya ng laro sa BORTA. Talo pa. Kapag minamalas ka nga naman. Pero hindi naman ganoon kasama ang kanyang loob. Natuwa naman siya nang makilala si Makho at nang mabasa ang blog nito, kung tama ang hinala niyang kay Makho nga iyon.

Sarado na ang gate ng bahay nila. Nakakandado sa loob. Alam niyang kagagawan iyon ng kanyang kuya. Hindi naman kasi siya pagsasarhan ng mama niya. Isa pa, nagpaalam siya rito bago umalis.

“Kuya! Buksan mo `yong gate!” sigaw ni Jhustin habang kinakalampag ang tarangkahan. Gumilid siya nang kaunti at tumingkayad. Natanaw niya sa ibabaw ng bakod ang nakabukas na ilaw sa sala nila sa ibaba. Gising pa ang mga tao sa loob. Baka nanonood ng TV ang kanyang kapatid o nanginginain ng tira-tirang ulam.

“Kuya!”

Narinig niyang pumitik ang kandado sa pinto ng kanilang bahay. Sunod naman ang paglangitngit at pagkalampag ng screen door. Mga yabag. Mayamaya pa, narinig niyang kumaluskos ang kandado ng gate sa loob. Pero hindi iyon nagtuloy sa pagbukas.

“Sino `yan?” tanong ng kuya niya.

“Bugok!”

Nang-aasar na tawa ang isinukli ng boses sa kabila ng gate. Lalo naman iyong kinainis ni Jhustin. Mumurahin na sana niya ang kapatid pero bumukas na ang maliit na pinto ng kanilang tarangkahan.

“Ba’t ngayon ka lang? Anong oras na, ha? Uwi ba `yan ng matinong bata? Hoy, sumagot ka! `Wag mo `kong tatalikuran. Hindi ako nagpapakahirap sa Saudi para lang bastos-bastusin mo. Dugo’t pawis ang puhunan ko para mapalaki kayo ng mga kapatid mo nang maayos. Hirap na hirap na `ko. Hirap na hirap!”

Nabaliw na naman ang kanyang kuya. Mahusay naman ang pagbitaw nito ng mga linya. Hindi na mamasamain ni Vilma Santos o ni Nora Aunor. Huwag mo lang tatapatan ng camera at siguradong matatahimik ito bigla. Titiklop na parang makahiya.

Natuklasan niya ang kahinaang iyon ng kapatid nang mag-outing sila sa Olongapo tatlong taon na ang nakalilipas. Tanghalian. Katatapos lang nilang lumublob sa dagat at kasalukuyang kumakain nang nakakamay sa nirentahang kubo. Pulos seafood ang kanilang ulam. Inihaw na bangus, pinaputok na tilapia, halabos na hipon at alimasag.

Kinuha ng kuya niya ang alimasag, pinasayaw iyon sa harap ng mukha niya gamit ang dalawang kamay at saka kumanta. “Tong-tong-tong-tong pakitongkitong, alimango sa dagat...”

“Alimasag kaya `yan,” sabi ni Jhustin habang hinahawi ang kamay ng kapatid.

“Malaki at masarap. Mahirap mahuli sapagkat nangangagat!”

Tinusok-tusok siya ng kanyang kuya gamit ang pansipit ng alimasag. Kumuha si Jhustin ng sariling alimasag at ipinansabong iyon sa hawak ng kapatid. “`Eto ang i-tong-tong mo!”

“`Wag n’yong paglaruan `yang pagkain,” saway ng kanilang mama. Tumingin ito sa asawa para humingi ng suporta. Pero iba ang ginawa ng papa nila.

Nagpagpag ito ng kamay at kinuha ang cell phone na may camera. Kinuhanan niya ang dalawang anak na pinag-aaway ang mapupula at matatabang alimasag. “Ay, nakabidyo pala,” sabi nito nang hindi mag-flash ang camera.

Biglang tumigil sa panghaharot ang kuya ni Jhustin. Titig na titig ito sa cell phone ng ama na nakatutok pa rin sa kanilang magkapatid. Hindi ito gumagalaw. Hindi rin nagsasalita. Parang nakakita ng multo.

“Huy, ano’ng nangyari sa `yo?” tanong ng mama nila.

Walang sagot.

Nang ibaba ng ama nila ang camera, saka lang kumibo ang kuya niya. Umupo ito at kumain nang tahimik. Nagkatinginan ang mag-asawa, nangingiti at napapailing. Nakatitig naman si Jhustin sa nakatatandang kapatid. May namuong ngiti sa kanyang mga labi. Sa wakas ay nakahanap na siya ng kahinaan nito.

Hanggang ngayon, hindi pa rin niya alam kung bakit takot ang kanyang kapatid sa video. Ayos lang naman kung pipiktyuran, pero kapag sinabi mong video o kapag nakita nitong may pulang ilaw sa camera, natatameme na lang bigla.

Ang hula ng mama nila, nako-conscious ang kanyang kapatid kapag napapanood ang sarili. Ang hula naman ni Jhustin, takot ang kuya niya. Takot na may mag-upload ng video sa YouTube o sa Facebook at maging viral ang kalokohan nito.

Dinedma niya ang kapatid at dumeretso papasok sa bahay. Sinundan siya ng kapatid hanggang sa may pintuan. Tuloy pa rin ito sa pabirong paglilitanya.

“Alam mo ba kung ano’ng mga sakripisyo ko sa ibang bansa, ha? Alam mo ba kung gaano kahirap maging OFW? Ano? Magsalita ka! Bakit `di mo `ko ma—”

Natigilan ito nang bigla niyang itapat ang camera ng kanyang cell phone sa mukha ng kapatid. “O, ano ka ngayon? Ba’t natahimik ka? Ituloy mo `yang sinasabi mo. `Di ba, ang hirap ng buhay sa Saudi? `Di ba, OFW ka? `Di ba, ikaw ang nagpapalamon sa `ming magkakapatid? Ano? Sagot!”

Natatawang naglakad patalikod si Jhustin hanggang sa makapasok sa loob ng kanilang bahay. Naiwan namang nakatayo ang kanyang kuya sa labas na parang poste ng Meralco.