noveltoon logo noveltoon
Ang Lihim sa Tore ng Sinagtala

Chapter 15

Ch. 15 / 85 Mar 03, 2022

NAKAABANG NA SA LABAS NG CLASSROOM NILA SI Makho. Nakatanaw ito sa malayo, sa mga ulap na naglalangoy sa bughaw na langit. Pinagmasdan ni Jhustin ang kaibigan mula sa pintuan ng silid. Ano kaya ang iniisip nito? Mahilig din ba siya sa sunset?

Nasira ang pagmo-moment niya nang bigla siyang tamaan ng bag.

“Sorry.” Si Lara. “Nakaharang ka kasi sa pintuan.”

Hindi pinatulan ni Jhustin ang kaklase kahit bahagya siyang nasaktan at kahit pa may kakaibang tono ang pananalita nito. Umisod siya at pinadaan si Lara. Pagbalik ng kanyang tingin sa puwesto ni Makho, nakatingin na rin ito sa kanya.

“`Ayun, lumabas din,” sabi nito sa kanya. “`Kala ko cleaners ka, e.”

“Kanina ka pa?” tanong ni Jhustin.

“Medyo. Maagang nagpalabas `yong huli naming teacher. May lakad yata sila n’ong boyfriend n’ya.”

“Sino? Si Ms. Santos?”

“Hindi. Si Ms. Dela Cruz.”

Natawa si Jhustin. “Sira-ulo.”

Si Ms. Dela Cruz ang singkuwenta anyos nilang Filipino teacher. Tumandang dalaga na ito kagaya ng maraming gurong naubos ang kabataan sa pagtuturo, sa pagtse-check ng papel, sa pagbebenta ng tocino o itlog na pula, at sa pagdidisiplina sa mga anak ng ibang tao.

Masuwerte si Jhustin dahil hindi natulad kay Ms. Dela Cruz ang kanyang mama. Grade school teacher din ang kanyang ina sa eskuwelahan sa kabilang bayan, ang Mababang Paaralan ng Mapulang Lupa. Ganoon din ang kanyang papa. Doon nagkakilala at nagkainlaban ang mga magulang niya. Hindi lang siya sigurado kung doon din nabuo ang kanyang kuya.

Ang kuwento ng kanyang ina, nagka-cut daw ng klase ang papa niya para lang maihatid siya sa sakayan ng jeep tuwing hapon.

“Isipin mo, teacher, nagka-cut ng sariling class,” natatawang kuwento ng mama niya. “Sinong baliw ba naman ang papatol sa ganyang klaseng tao?”

“Eh, `di ikaw, baliw!” sagot ng papa niya.

Magtatawanan silang mag-asawa at magki-kiss sa harap nilang magkapatid. Sila pa ng kuya niya ang mahihiya para sa mga magulang.

Mabuti na lang at hindi sila pinag-aral ng mga ito sa eskuwelahan kung saan sila kapwa nagtuturo. Nakakahiya kasi. Isa pa, mahirap pagsabayin ang problema sa trabaho at ang pamilya. Pangit din daw ang pasilidad doon kaya sa private school sila in-enroll.

Hindi na nagtuturo ang mama ni Jhustin. Na-promote na ito bilang district supervisor ng Department of Education sa kanilang lugar. Ang papa niya talaga ang may pangarap ng posisyong iyon. Tinupad lang ng kanyang ina nang mamatay ang asawa.

“Ano’ng iniisip mo?” tanong ni Makho nang mapansing tulala ang kausap.

“Ah, ano, `yong cell phone ko,” sabi na lang ni Jhustin. “Iniisip ko kung ano’ng sasabihin sa tutang `yon.”

“Kay Russel? Tanungin mo kung gusto n’yang mamasyal. `Pag umoo, saka mo talian ng kadena sa leeg.”

“Sira-ulo!”

Pigil na pigil ang tawa nilang dalawa nang humarap kay Russel. Tiningnan lang sila nito nang masama pero agad din namang isinauli kay Jhustin ang kinumpiskang cell phone. Pagkalabas ng Student Council Office, tuluyan na nilang pinakawalan ang malulutong na tawa.