TOK. TOK.
Isinara ni Makho ang laptop at pinagbuksan ang kaibigan. Nakahanda na ang ngiti niya para salubungin si Jhustin, pero bigla iyong napawi nang ang kuya nito ang tumambad sa kanya.
Pareho silang natahimik habang nakatitig sa isa’t isa. Parehong hindi alam ang gagawin. Yumuko na lang si Makho, umatras at binigyang-daan ang kapatid ng kanyang kaibigan. Pumasok ang kuya ni Jhustin nang walang salita, pumunta sa gilid ng sariling kama at dinampot ang cap nito.
Palabas na ang kuya ni Jhustin nang humarang sa pinto si Makho. Nakayuko pa rin ito. “Naaalala mo pa ba ako?”
Walang sagot. Tila huminto ang oras sa pagitan nilang dalawa. Pero patuloy pa rin ang pag-iral ng buhay sa paligid. Naghahabulan sa ere ang mga ibon sa labas. Ang mga butiki sa dingding at kisame ay naghahanap ng kulisap na makakain. Ang puno ng kamias sa labas ay sumasayaw sa hangin.
“Excuse,” sabi ng kapatid ni Jhustin. Pinilit nitong isingit ang katawan sa espasyo sa pagitan ni Makho at ng pinto. Sa paglabas ng kuwarto, iniwasan niyang madikit ang katawan sa kaibigan ng kanyang kapatid.
Tumigil ang habulan ng mga ibon. Nakahuli ng lamok ang butiki. Huminto sa pagkaway ang sanga at mga dahon ng punong kamias. Naiwang nakayuko si Makho sa tabi ng pinto.