“A, HINDI, SORRY,” SABI NI JHUSTIN SA NAABALA niyang lalaki. Ngayong magkaharap na sila, saka lang niya napansing bata pa pala ito. Halos kaedad niya siguro. Sa likod kasi, mukha na itong mama. Malapad ang balikat at may kalakihan ang katawan. Baka nagpupunta lagi sa gym. Hindi tulad niya o ng mga patpating parokyano ng Fineski.
Hindi lang tangkad o laki ng katawan ang ipinagkaiba nila. Madilaw ang balat niya, moreno ang sa lalaki. Singkit ang mga mata niya, bilugan naman ang sa isa. Madalas siyang mapagkamalang Tsino, Hapon o Koreano. Mukhang tipikal na Pilipino naman ang lalaki kung pagbabasehan ang paglalarawan sa mga libro niya noon sa Hekasi.
“`Di ba, taga-Holy Spirit ka din?” tanong nito sa kanya, tinutukoy ang kanyang paaralan.
Tumango si Jhustin. Inisip niya kung kasama ba niya sa club ang kaharap ngayon o kung isa itong tuta, ang tawag nila sa mga kasapi ng Student Council na tumatambay sa bilyaran o sa computer shop para manghuli ng mga estudyanteng nagka-cut ng klase o hindi pa pinapalitan ang suot na school uniform bago maglakwatsa.
“`Wag kang mag-alala, `di ako tuta,” sabi ng lalaki na parang nabasa ang nasa isip niya. “`Di rin naman kita huhulihin kung tuta ako. `Di ka naman naka-uniform.”
“`Di ka rin naman mukhang tuta,” sabi ni Jhustin. “Pangit kaya ng mga `yon.”
Napahalakhak ang lalaki. Sa lakas ng tawa nito, saglit na natigilan ang mga naglalaro at napatingin sa kanila. Agad din naman silang nagsibalikan sa paglalaro ng BORTA.
Hindi maisip ni Jhustin kung bakit natawa ang kanyang kausap. May nakakatawa ba sa sinabi niya? Totoo namang hindi ito mukhang tuta. Ang mga tuta kasi ay iyong tipong hindi babali ng school rules and regulations.
Laging tama ang gupit ng kanilang buhok: two by three sa lalaki at shoulder-length ang pinakamaikli dapat sa babae. Bawal magpahaba ng buhok ang mga lalaki at bawal namang magpaikli ang mga babae. Nagsasalita sila ng English kahit nasa labas na ng school. English Only Policy palagi kahit pa lahat ng kausap nila, Tagalog ang wika.
Kakaiba rin silang maglakad. Parang robot. Ang turo kasi sa Home Economics ng mga guro nilang pinaglipasan na ng panahon, dapat ay laging straight body, nakaupo man o nakatayo. Kapag naglakad, dapat parang may nakapatong na diksiyonaryo sa ulo at bawal iyong malaglag. Sa madaling salita, para silang teenage version ni Miss Minchin o ng Earl of Dorincourt.
“Loko ka,” sabi ng lalaki. “Baka may taga-Holy Spirit dito, isumbong ka sa mga tuta. Huli ka sa Monday.”
“Subukan lang nila. Hahagisan ko sila ng dog food.”
Tumawa uli nang malakas ang lalaki. Pansamantala na namang natuon ang pansin ng mga gamer sa kanilang dalawa. At tulad kanina, agad din silang bumalik sa paglalaro ng BORTA.
“Ingay ko, sorry,” sabi ng lalaki. “Maglalaro ka ba? Dito ka na lang. Tapos na rin naman akong gumamit.”
“Sure ka?” paniniguro ni Jhustin. “Baka gusto mo pang magbasa. Okay lang naman sa `king maghintay.”
“Hindi, tapos na `ko. Dito ka na.”
Tumayo ang lalaki at inalok sa kanya ang upuan. Hindi na tumanggi si Jhustin. Kating-kati na rin kasi siyang makasalang sa laro para makauwi ng saktong ten. Umupo siya at inayos ang monitor, keyboard at mouse ng computer. Nang lumingon siya para pasalamatan ang lalaki, nakita niyang nasa counter na ito at nagbabayad. Pagkakuha ng sukli, agad itong lumabas at hindi na nakuha pang lingunin siya.