TUWING UMAGA, NOONG NABUBUHAY PA ANG papa ni Jhustin, lagi itong nagbabasa ng diyaryo sa mesa habang hinihintay na makaluto ng sinangag, itlog at hot dog ang maybahay nito. Hihigop ito ng kape paminsan-minsan at babalik din sa pagbabasa ng mga balita.
Pagbaba ni Jhustin mula sa kuwarto, nakaugalian na niyang lumapit sa likuran ng kanyang papa, dumukwang sa balikat nito at makibasa sa hawak nitong pahayagan. Hindi naman talaga siya interesado sa binabasa ng ama. Hindi siya mahilig magbasa ng balita. Ang katwiran niya, napapanood naman niya iyon sa TV kapag gabi, bakit pa niya babasahin? Gusto lang niyang maglambing sa kanyang papa...
At hintaying ibigay nito sa kanya ang comics section.
“`Etong komiks mo,” sasabihin sa kanya ng ama. Tatanggalin nito ang buong spread ng diyaryo kung saan naroon ang comic strips at iaabot sa kanya.
Hahalik si Jhustin sa pisngi ng ama, kukunin ang pahinang may komiks saka uupo sa katabing upuan. Lulubusin niya ang pagbabasa habang naghihintay ng almusal at habang hindi pa bumabangon ang kanyang kuya. Oras kasi na bumaba ito, umpisa na naman ng kalbaryo niya. Mangingiliti ito o mangungulit nang mangungulit hanggang sa mabuwisit siya. Hindi na siya tuloy makakapagbasa ng komiks.
“`Pa! Si Kuya nga, o!”
Lalo pang mangingiliti at mang-aasar ang kuya niya oras na magsumbong siya. Kung minsan, kapag marami-rami na siyang nabasa, binibilot niya ang pahina ng diyaryo at ginagamit iyon para ipamalo sa kapatid. Pero kapag napaaga ng baba ang kuya niya at hindi pa siya masyadong nakakapagbasa, hindi niya bibilutin ang diyaryo. Manununtok siya o maninipa kahit lagi naman itong nakakailag.
Sa halip na manaway, tatawa lang ang papa nila. Titingnan ang panganay. Titingnan siya. Iiling. Tatawa uli. Saka babalik sa pagbabasa ng diyaryo. Hindi naman makapagsumbong si Jhustin sa ina dahil abala ito sa pagluluto. Matitigil lang ang harutan nila kapag dumating na ang sinangag, itlog at hot dog sa hapag-kainan.
“Pag-uuntugin ko kayong dalawa, e,” sasabihin ng mama nila. “Araw-araw na lang na ginawa ng Diyos. Hala, magsikain na nga kayo’t magsipasok sa eskuwela nang matahimik na `tong bahay.”