“Sino siya?” tanong ni Jojo.
Lumingon naman si Jin sa bagong pasok ng simbahan na si Rose kasama sina Nanay Harwina at Tatay Poncio kung nasaan ang mga tingin ng kausap na pulis. “Turista na nagbabakasyon sa bahay nina Tatay Poncio. Si Rose.” Tumingin sa kanila si Rose pero umiwas siya ng tingin lalo na nang ngumiti ito. Napailing na lang siya nang makita ang pagngiti ni Jojo habang nakatingin pa rin sa bagong dating na makikiramay.
“Sige Jin, i-interview-hin ko muna sina Tatay Poncio,” paalam ni Jojo.
Bumuntong hininga na lamang si Jin, alam naman niyang si Rose lang din ang pakay ni Jojo. Muli siyang napailing. Nagsimula nang hindi maalis ang tingin niya kay Rose na lumapit sa mga kabaong. Nakaktitig siya sa mukha ng turista. Nakita niya kung paanong tila pinipigilan ng dalaga na magbago ang emosyon ng mukha nito lalo na nang makalapit sa huling kabaong. Ang kabaong ni Mang Lester. Matagal na tumayo doon si Rose habang nakatitig sa mukha ng bangkay. Napalunok siya ng laway at kumunot ang noo. Nakita niya bang saglit na ngumiti si Rose o namalikmata lang siya? Saka bakit parang sa kabaong ni Mang Lester ito pinakamatagal na huminto. Tila gulat na gulat pa ito nang tapikin ni Nanay Harwina sa balikat. Magkasunod nang naglakad ang dalawa patungo sa may bangko kung nasaan sina Tatay Poncio at Jojo.
Bumuntong-hininga si Jin. Nagpapaka-detective na naman siya. Pilit niyang iwinaglit sa isipan ang mga bagay na tungkol kay Rose at lumapit sa kabaong ni Mel.
‘Ano ba kasing nangyari pare? Saan mo nakuha mo ‘yung drugs na ‘yon?’ bulong niya. Lahat ng mga sinabi niya sa kababatang pulis na si Jojo ay totoo. Hindi niya pinagtatakpan si Mel dahil alam naman niyang iyon ang gustong palabasin ni Jojo. Hindi niya rin alam kung bakit gnaoon ang iniisip ni Jojo. Dahil naging malapit din naman ito sa kanila noong mga bata pa sila. Bigla na lamang ito nagbago nang lumuwas ng Maynila upang doon magpatuloy ng pag-aaral. At nang makabalik ay para bang hindi sila naging magkakaibigan. Ilang saglit pa niyang kinausap sa isipan ang yumaong kaibigan bago bumalik sa bangko kung saan siya nakapwesto ng upo kanina. Pagkalipas ng halos limang minuto ay dumating na rin sina Grace at Adolph.
“Paps,” malungkot na bati ni Adolph nang tumabi kay Jin kasunod si Grace. “Ano raw balita? Anong sabi ni Jojo?” tanong niya nang makita ang kababatang pulis kanina na kausap si Rose. Ni hindi niya magawang iiwas ang tingin sa dalaga kahit alam niyang mag-aaway na naman sila ni Grace mamaya pag-uwi.
“Negative sa side ni Mel, paps. Lumalabas sa imbestigasyon nila na user talaga siya,” sagot naman ni mel.
“T*ng ina talaga! Pati si Jojo?!” muling inis na tanong ni Adolph. “Wala man lang siyang ginagawa na mas malalim na imbestigasyon?”
“Paps, relax lang. Alam mo namang malaki na ang nagbago kay Jojo,” bahagyang tinapik ni Jin ang balikat ni Adolph.
“Sabihin mo g*go siya, akala mo kung sino porque nakapag-aral lang siya sa Maynila at naging pulis.” Halos hindi maghiwalay ang mga ngipin ni Adolph habang mahinang nagsasalita. Mas nadadagdagan ang inis niya sa tuwing maaalala kung paano kausapin ni Jojo si Rose kanina. Masyado itong malapit sa dalaga at halatang nagpapapogi lang.
“Mahal, nandito na rin sina Harris,” sabi ni Grace na sinusubukan na rin pakalmahin ang nobyo. Gusto niya itong awayin dahil sa mga tinginang namagitan dito at kay Rose kanina pero alamm niyang hindi ito ang tamang lugar.
Bumaling ang tingin ng tatlo sa bagong dating na si Harris kasama ang mga magulang nito. Sumilip saglit sa kabaong ang tatlo at naunang lumapit ang mag-asawa sa mga kamg-anak ng yumao upang makiramay. Si Harris namin ay nalingunan sila at nilapitan.
“Paps,” bati ni Harris na kumamay kayna Jin at Adolph bago bahagyang tinapik sa balikat si Grace. Umupoo ito sa tabi ni Jin. “Nan’dyan pala si Jojo, anong sabi sa investigation nila?”
Ngumisi si Adolph bago inis na napailing. “Ano pa ba? Gusto kaagad nilang isarado ang kaso at palabasin na drug addict si Mel kaya pinatay niya sina Mang Lester at Aling Sonia.”
“Paps hindi lang naman ‘yon ang point nina Jojo, lumabas kasi sa initial investigation nila na positive sa drugs si Mel. Ibig sabihin gumamit tlaga siya kaya –”
“Pwede ba Jin! Kilala natin si Mel, alam nating hindi siya drug addict. Walang drug addict sa barkada natin,” pinutol na ni Adolph ang sinasabi ni Jin dahil alam naman niya na kakampi na naman ito kay Jojo. Medyo nakokonsensya pa siya dahil sa naging pagtatalo nila ni Mel.
“Adolph, nag-gets ko ang point ni Jin. Nandoon na tayo sa gumamit talaga ng drugs si Mel pero saan niya nakuha iyon?” Pinipigilan ni Harris ang sarili na patulan ang init ng ulo ni Adolph na hindi siya sigurado kung saan nanggagaling maliban sa pagkamatay ng kaibigan nila. Napansin niya kasing parang may mas malalim na dahilan kung bakit tila inis na inis ito.
Napabuntong-hininga naman si Jin dahil sa pagsang-ayon ni Harris sa kanya, ang sinabi talaga nito ang kanina pa niya nais ipaliwagang kay Adolph. “Paps, alam ninyo bang sabi rin ni Jojo na mataas daw na klase ang drugs na ‘yon. At mahal. Sobrang mahal!” tuluy-tuloy na sabi ni Jin bago pa muling subukang putulin ni Adolph ang sinasabi niya. “Ang gustong malaman ng mga pulis ngayon. Sino ang nagpapasok ng ganung klaseng kataas na droga dito sa Isla Azul. Dahil kapag daw nakarating sa media na may ganoong klaseng droga dito sa isla, masisira ang pangalan –”
“T*ng ina talagang Jojo ‘yan, manang-mana sa tatay niya na puro pangalan at kalinisan na lang ng isla na ito ang alam gawin at proteksyunan. Paano naman ang mga tao dito? Mas inisip pa nila ang image nitong isla kaysa sa kaligtasan ng mga taong pwede pang mabiktima ng drugs na ginamit ni Mel!” nakuyom na ni Adolph ang kamao dahil kanina pa niya gustong magwala.
Unti-unti namang nabawasan ang inis ni Harris nang mabakasan ang concern sa boses ni Adolph. Sa kanilang magbabarkada ay ito ang pinaka-mainitin ang ulo pero alam niyang kahit paano ay may kabutihan pa rin na hindi masyadong pinapakita sa lahat. Kung iisipin ay may punto naman ito sa sinabing iyon. Kapag may ganitong klaseng krimen sa Isla Azul ay pinipilit ng mga pulis at ng Daddy niya na ilang taon ng kapitan sa isla nila na hindi na makarating pa sa media ang balita dahil sa magandang imahe ng isla na matagal ng iniingatan. Ibinalik niya ang tingin sa puting kabaong. Hindi pa rin siya makapaniwalang wala na ang kaibigan niya at ito pa mismo ang pumatay sa sariling mga magulang. Napailing na lamang siya bago inilibot ang tingin sa paligid ng simbahan at sa mga nakikiramay. Kaagad na naagaw ang atensyon niya ng isang maputing babae na biglang tumayo mula sa kinauupuan nitong hindi kalayuan sa pwesto nila at nagsimulang maglakad palabas. “Si Rose ba ‘yon?”
Nakuha rin ng turistang papalabas ng simbahan ang atensyon nina Jin.
“Kilala mo siya?” takang tanong ni Jin pero hindi na siya sinagot ni Harris at kaagad na tumayo upang sundan ang maputing babae. Kanina ay si Jojo ang tila nahuhumaling na nakatingin kay Rose, tapos si Adolph kahit kasama pa si Grace, ngayon pati ba naman si Harris na hindi niya alam kung paano nakilala ang misteryosong turista sa isla nila ay tila biglang nahipnotismo at kaaagad na sinundan si Rose.
“Nasaan ba si Jojo? Kakausapin ko nga siya,” akmang tatayo na si Adolph nang pigilan ni Jin.
“Paps, h’wag na. I mean, sige kausapin mo siya. Pero h’wag ngayon. H’wag dito,” muling pgpapakalma ni Jin habang tinatapik pa sa balikat si Adolph.
“Mahal, gusto mo bang umuwi na muna tayo?” tanong ni Grace. Ramdam niyang wala na rin kasi talaga sa mood si Adolph na mag-stay pa.
“Hindi, dito muna tayo,” matigas na tugon ni Adolph na ibinaling sa may harapan ng simbahan ang mga tingin.
Napansin ni Jin ang tila pagkainip kay Adolph nang maghalukipkip ang mga braso nito at kumuyakoy ang isang binti. Mukhang alam na niya kung bakit kahit tila sirang-sira na ang gabi nito ay hindi pa rin nito gustong umuwi. Iba kasi ang gusto nitong gawin. Ang sundan si Rose.
“Nakita ninyo ba si Harris?”
Tumaas ang tingin ni Jin sa nagtanong na babaeng may pinakamaayos na pananamit sa lahat ng nakikiramay ngayong gabi, kung pagmamasdan pang mabuti ay tila galing ito sa isang party at hindi pupunta sa isang burol, si Tita Lani, ang mommy ni Harris na katabi rin ang asawa nitong mas kilala bilang Kap Henry. “Lumabas po yata siya, Aling Lani.”
“Eto talagang si Jin, sabi nang Tita Lani na lang o tita,” pagtatama ng ginang.
“Nasaan na kaya ang batang ‘yon at kanina ko pa hinahanap. Sinabi ko naman na sasaglit lang kami dito dahil maaga pa ang alis namin papuntang Maynila bukas,” sabi naman ni Kap Henry.
“Sige po kap, samahan ko na po kayo na hanapin sa labas si Harris. Adolph, labas muna ako,” paalam ni Jin kay Adolph na bahagya lang siyang tinanguan. Nauna na siyang naglakad palabas kasunod ang mag-asawa at kaagad namang natanaw si Harris na kausap si Rose sa may puno ng buko. Bakas na bakas ang malaking ngiti sa mga labi ni Harris na ngayon niya lang ulit nakita. “Ayun po siya.”
“Sino ‘yung babaeng kasama niya? Hindi siya tagarito, ‘no?” si Kap Henry ang nagtanong.
Pasimpleng nilingon ni Jin si Kap Henry. Hindi niya alam kung minsan ba ay malisyoso lang siya o sadyang mahilig lang talaga siyang bumasa ng isang tao. Matagal na kasi niyang naririnig ang masasamang bagay tungkol sa daddy ni Harris na mahilig daw ito sa mga batang babae. Naririnig niya lang iyon dati sa matatanda at wala namang patunay na totoo. Pero sa hagod ng tingin ng lalaki sa magandang babae na kasama ni Harris ngayon, alam niyang nasa mga mata nito ang labis na pagnanasa. “Si rose po, turista po dito sa isla. Kayna Nanay Harwina po siya tumutuloy ngayon.”
“Harris!” tawag ni Tita Lani.
Sumunod na rin si Jin sa mag-asawa na naglakad patungo sa kinatatayunan nina Harris at Rose. At nang makalapit sila ay nagtama ang mga mata nila ng dalaga. Ngumiti ito na tinugunan niya ng bahagyang pagtango.
“Rose, parents ko nga pala . Mommy, daddy, si Rose po. Turista dito sa Isla Azul,” pakilala ni Harris.
“Nice meeting you po , ma’am… Sir…”
“Tita… Tita Lani na lang itawag mo sa kin at Tito Henry naman dito sa asawa ko, siya ang kapitan dito sa isla.” Muling pagtatama ni Tita Lani. Para kasi dito ay nakatatanda masyado ang pagtawag ng Aling o Ma’am sa kanya.
“Pwede mo rin akong tawaging kap, hija. Kung hindi mo naitatanong ay matagal na akong naninilbihan bilang kapitan sa isla na ito. Hindi ko nga alam kung bakit ayaw pa nila akong palitan,” pagmamalaki ni Kap Henry.
Gustong ngumiti ni Rose ng sarkastiko pero pinigilan niya ang sarili bago tumango na lamang. “Sige po Tita Lani and kap.”
“Mabuti naman at napasyal ka dito sa tahimik naming isla,” sabi ni Kap Henry.
“Oo nga po, kailangan ko rin po kasi ng isang tahimik na lugar para kuhanan ng inspirasyon sa pagkuha ng mga litrato,” tugon naman ni Rose.
“Tama ang pagpili mo dito sa aming isla, napakalinis dito at totoong payapa. Hindi naman talaga madalas na nagkakaroon ng krimen dito kagaya ng nangyari kayna Lester. Sadyang minalas lamang ang pamilya nila,” ani Kap Henry. “Basta kapag may problema ka o gustong gawin dito sa isla, h’wag kang mahihiyang lumapit at humingi ng tulong sa amin lalo na sa anak ko.”
Tumango si Rose. “Thank you po, kap.”
Tahimik lang na nanonood si Jin at tila nagmamasid sa bawat kilos at ngiti ni Rose.
“Nand’yan na po pala sina Tatay Poncio. Mukhang kailangan ko na rin pong mauna na umuwi. It was nice meeting po ma’am – uhmm... Tita Lani and kapitan.” Humarap si Rose kay Harris at humawak sa braso nito na bahagya pang pinisil. “It was nice to see you again, Harris.” Bumaling din ito ng ngiti kay Jin. “Bye Jin.”
Tipid na ngiti naman ang isinagot ni Jin kay Rose na naglakad palapit kayna Tatay Poncio. Nagsisimula na namang maging malikot ang imahinasyon niya. Nagsisimula na naman siyang may mapansin. Bakit parang pilit na iniiwas ni Rose ang mga tingin mula kay Kap Henry. Bakit tila iba ang ngiti na ibinibigay nito kay Harris. Iba rin ang lambing ng paghawak nito sa braso ng binata. Muli siyang napailing habang iniisip na sana ay walang tama sa lahat ng mga bagay na naglalaro sa isipan niya. Sana wala nang sumunod pang mapahamak pagkatapos ng gabing ito.