“Sandali lang Rose, magpapaalam lang kami ni Poncio sa mga kamag-anak nina Sonia para makauwi na tayo,” sabi ni Nanay Harwina kay Rose.
“Sige po ‘Nay, hihintayin ko na lamang po kayo dito,” sagot naman ni Rose. Mag-aalas diyes na ng gabi at paubos na ang kape sa hawak niyang tasa. Umalis na rin ang mga pulis na kausap niya kanina. Ilang saglit pa ay napalingon siya sa mag pintuan ng simabahan ng makarinig ng mga ingay na tila may bagong mga bisita na dumating. Sina Harris kasama ang mga magulang nito. Nadaanan ng tingin niya ang kabilang bangko kung nasaan sina Adolph, Grace at Jin na hindi niya na muna sinubukang kausapin. Muli siyang umayos ng upo nang maglakad sina Harris papunta sa may harapan at kinumusta ang ilang mga kamag-anak nina Mel doon. Pinanood niya lamang ang mga bagong dating na pusturang-pustura ang ayos at kasuotan.
Pagkatapos sumilip ni Harris sa tatlong kabaong ay lumapit na ito kayna Adolph. Hindi na masyadong naintindihan ni Rose pero alam niyang nagkukumustahan ang mga ito. Napapangiti naman siya sa tuwing makikita ng bahagya ang kabuuan ng mukha ni Harris. Ang maamong mukha nito. Ngunit muling biglang nangasim ang panlasa niya, nanuyot ang lalamunan niya kasunod ang unti-unting paninikip ng dibdib niya ng mabaling ang tingin niya sa kasamang lalaki ni Harris na nakatayo hindi kalayuan mula sa mga ito. Nanlalambot man ang mga tuhod ay pinilit niyang tumayo. Naglakad siya palabas ng maliit ng simbahan. Doon na lamang siya maghihintay sa kasama niyang dalawang matanda.
Malalim na ang gabi at kaunti na lamang ang mga tao sa labas. Karamihan sa mga ito ay nakapalibot sa lamesa na nahahati sa mga naglalaro ng sakla at sa mga nakikiisyuso lamang.
Naglakad pa si Rose patungo sa may mataas na puno ng buko at sumandal doon habang nakatanaw sa dagat. Niyakap niya ang mga braso dahil sa lamig ng gabing bumabalot sa katawan niya. Bumuntong hininga siya habang muling pinipigilan ang sarili na maiyak. Hindi na siya iiyak dahil sa sakit na naramdaman niya noon.
“Rose, right?”
Hindi pa man nakikita ni Rose ang mukha ng lalaking nagtatanong ay napangiti na siya. Hinarap niya na ito at pinigilan ang lalong paglapad ng ngiti sa kanyang mga labi. “Yes,” tugon niya na sinabayan ng pagtango. “Hi Doc.”
Si Harris naman ang ngumiti kung saan lumabas ang malalim na dimple sa may kanang pisngi. “Harris na lang, masyadong pormal kung pati ikaw ay tatawagin mo akong doc.” Nang makita nito si Rose kanina na tumayo at naglakad palabas ng simbahan ay kaagad na itong sumunod. “Sinong kasama mo?”
“Sina Tatay Poncio at Nanay Harwina, hinihintay ko lang sila ngayon kasi magpapaalam lang daw sa mga kamag-anak nina Mel na uuwi na kami.”
“Kilala mo pala si Mel?” muling tanong ng doktor.
“Uhmm hindi masyado, nagkakilala lang kami few weeks ago. Nang mamasyal ako sa may pampang, kasama niya sina Jin at Adolph that time.”
“I see. Kaya pala parang kilala ka rin ni Jin. Anyway, close kami nina Mel lalo na no’ng mga bagets pa kami. Kababata ko sila nina Jin eh. Kaya nga nakakalungkot talaga kasi hindi na nga ako madalas nakakasama sa kanila, tapos biglang ganito pa.” Bakas sa boses ni Harris ang pagdadalamhati. Bumuntong hininga siya bago muling nakangiti na ibinaling ang tingin kay Rose. “But you know what, I’m glad I saw you again. Akala nga ko kasi umalis ka na dito sa Isla Azul eh.” Mula kasi ng araw na nakilala niya si Rose sa bahay nina Tatay Poncio ay hindi na ito naalis sa isipan niya. Bukod sa wala siyang oras para sana muli itong makita ay ayaw naman niyang sadyain ito sa bahay ng dalawang matanda dahil baka magmukha siyang presko sa paningin ng turista, at isipin nito na walang ipinagkaiba ang mga lalaki sa Maynila sa isla nila. Kaya nang makita niya ito kaninang papalabas ng simabahan ay kaagad niyang iniwanan ang mga kaibigan na ilang araw niya ring hindi nakita.
“Ako rin, nagbabakasakali rin ako na makita kita sa tuwing pupunta ako sa bayan. Kaya lang mukhang sobrang busy mo sa clinic mo,” sagot naman ni Rose.
“Kinda. Kaya nga hindi talaga man lang ako nakadalaw sa iyo – I mean kayna Tatay Poncio. Two weeks din ako sa Manila for a seminar, then pagbalik ko dito sa isla, clinic ko naman ang inasikaso ko. Mahirap kasi kapag naiiwan matagal na sarado ang clinic, lalo na kapag sabay-sabay na nagkakasakit ang mga bata at matatanda.” Kwento pa ni Harris.
“Madaldal ka pa rin talaga saka mahilig sa mga bata,” natatawang pansin ni Rose dahil sa dire-diretsong pagku-kwento ng kausap.
“Paano mo nalaman?” nakangiti pero takang tanong ni Harris.
“Harris!”
Sabay silang napalingon sa may pinto ng simbahan hindi kalayuan sa kanila. Nakatayo doon ang isang babae at lalaki na nakita ni Rose na mga kasama ni Harris kanina.
“Kasama ko nga pala ang parents ko, halika ipapakilala –”
“No! I mean, hindi na... Hindi na kailangan,” matigas na tanggi ni Rose.
“Ha? Bakit naman? Ang daddy ko ang kapitan dito sa isla, gusto niyang nakikilala ang mga turista na kagaya mo.” Pangungumbinsi ni Harris. “Mabait sila lalo na ang mommy ko.”
At bago pa muling makapagdahilan si Rose ay nakalapit na sa kanila ang mga magulang ni Harris kasunod si Jin. Maganda ang mommy ni Harris na pusturang-pustra at animo’y hindi isang burol ang pupuntahan, samantalang ang asawa nito ay may makapal na bigote at balbas, may kaedaran na rin ngunit matikas pa rin ang tindig.
Naramdaman ni Rose ang paghagod ng tingin ng lalaki sa kabuuan niya. Muling nangasim ang panlasan niya kasunod ang tila pagkulo ng dugo niya dahil sa poot na nararamdaman. Pinilit niyang hindi iyon ipahalata. Ngumiti siya sa mga ito lalo na sa daddy ni Harris.