“Wala ka bang ideya kung sino ang supplier ng kaibigan mo?” tanong ni SPO1 Jojo de Roma. Maliit lang ito na pulis, medyo kulot ang buhok pero matipuno ang katawan. May ilang tattoo ito sa may bandang braso at leeg na kung pagmamasdang mabuti, tila nais takpan ang mga peklat doon.
“Jojo, kilala ko si Mel. Hindi siya drug addict,” matigas na sagot ni Jin. Nasa burol sila ni Mel at iyon ang pang-apat na beses na tinanong ng kababatang si Mel ang tungkol sa paggamit ni Mel ng ipinagbabawal na gamot.
“Pero hindi ba user si MangLester? Nagtutulak pa siya,” giit pa ni Jojo.
Bumuntong hininga Jin. Hindi lang naman si Jojo ang makailang ulit na nagtanong sa kanya kung hindi pati ng ilan pang mga pulis na tumawid pa ng dagat para mapuntahan ang Isla Azul. Hanggang ngayon nga ay hindi pa rin siya makapaniwala na wala na ang kaibigan niya. Pero mas hindi siya makapaniwala nna bago ito mawala, ay nagawa pa nitong patayin ang sariling mga magulang. Kilala niya si Mel, alam niya kung gaano nito kamahal ang mga magulang. At mas lalong alam niyang hindi ito isang drug addict. “Si Mang Lester ang drug user pero hindi Mel.”
Napailing na lang si Jojo. Mukha wala talaga siyang masyadong makukuha na impormasyon kay Jin. Sino ba namang kaibigan ang maglalaglag sa isang patay ng kaibigan? Ibinaling niya ang tingin sa tatlong kabaong na pinaglalamayan ng ilang mga tao sa loob ng maliit na simbahan ng Isla Azul. Unang gabi pa lamang ng burol at mangilan-ngilan lang ang dumating upang makiramay na karamihan ay kilala niya rin sa mukha. Dito rin kasi siya halos lumaki at nagbinata sa isla bago siya nag-aral ng pagpupulis sa Maynila. At nang maging isang ganap na pulis ay pinili niyang madestino sa isla n a halos katabi lang ng Isla Azul. Tahimik kasi ang Isla Azul, at wala halos kahit na anong krimen ang nagaganap kaya hindi na raw kailangan pa na magkaroon ng opisina para sa mga pulis. Sapat na raw ang isang maliit na barangay hall na may kapitan at mga tanod upang magbantay. Kaya nagulat talaga sila ng makatanggap ang opisina nila na nasa kabilang isla lamang ng report na may masacarre raw na nangyari dito sa isla. At ang salarin ay isa sa mga kababata niyang si Mel. Alam niyang matinong tao si Mel pero asal hayop naman ang tatay nito.
Naputol ang pagmumuni-muni niya nang maagaw ang atensyin niya ng tatlong taong bagong pumasok sa maliit na simbahan. Kilala niya ang naunang dalawang matanda na sina Tatay Poncio at Nanay Harwina pero hindi ang kasama ng mga ito na isang maputi at magandang babae. Kumunot ang noo niya. Hindi niya kilala ang babae pero parang pamilyar na ang mukha nito sa kanya. Para bang pakiramdam niya ay nakita niya na ang babaeng iyon sa kung saan.
Napansin niya ang pagbubulungan ng mga tao sa paligid niya habang nakatingin sa mga bagong dating. Ang lahat halos ay nakatingin sa mestisang babae. Lalo na ang mga kalalakihan. Kanya-kanyang kulbitan at bulungan.
“Ang swerte nina Tatay Poncio at sa kanila napiling manirahan ng magandang turista na ‘yan.”
“Parang perlas sa puti ang kulat niya.”
“Napakaganda talaga niya.”
“Sana ay magtagal pa siya dito sa ating isla.”
At sa muling pagbalik ng tingin ni Jojo sa estrangherang babae ay nagtama na ang mga mata nila. Ngumiti ang babae. At wala sa loob na tila may sariling isip ang kanyang mga labi na ngumiti pabalik kay Rose.
****
Malamig ang simoy ng hangin na alam ni Rose na nagmumula sa tubig dagat na hindi kalayuan sa simbahan na pupuntahan nila nina Tatay Poncio ay Nanay Harwina. Malayo pa lang ay tanaw na nila ang liwanag mula sa loob ng maliit na simbahan at may mangilan-ngilan na tao sa labas na kung hindi nagkakape ay nagsusugal. Makailang beses siyang napalunok ng laway habang papalapit na sila nang papalapit sa simabahan. At nang tuluyan nang makapasok nga sa loob ay kaagad niyang napansin ang tinginan ng mga tao sa kanila… Lalo na sa kanya. Nasulyapan niya sa mata ng ibang mga tao doon ang kuryosidad habang ang ilan naman ay alam niyang pagnanasa. Nahagip din ng kanyang tingin ang tatlong lalaki na nakasuot ng unipormeng pang-pulis. Saglit na nagtama ang tingin nila ng isa sa mga ito na tant’ya niya ay kasing-edad niya. Ngumiti siya sa lalaki. At nginitian din naman siya ni Jojo.
Nagpatuloy siyang maglakad na nakasunod sa dalawnag matanda. Muli siyang napalunok ng laway nang sa wakas ay masilayan ang tatlong kabaong. Habang papalapit nang papalapit sila ay palakas din ng palakas ang kaba sa dibdib niya na pakiramdam niya ay maririnig ng sinomang lalapit sa kanya. Sinimulan niyang lumapit sa unang kabaong, kay Aling Sonia. Makapal ang make up na inilagay sa mukha nito pero hindi pa rin naitago ang mga wrinkles na alam niya dulot ng stress na ibinibigay ng asawa nito.
Lumapit siya sa ikalawang kabaong, kay Mel. Batid niyang ilanong patong ng foundation ang inilagay sa may bandang lalamunan nito ngunit hindi rin masyadong naitago ang tahi doon. Nakapikit ang mga mata nito pero ramdam pa rin niya ang lungkot sa mukha ng yumaong lalaki. Kawawang Mel, naisip niya. Ni hindi man lang siya natikamn bago ito namatay.
At sa muling paglalakad ni Rose palapit sa ikatlo at huling kabaong na pinaglalamayan ay muling bumigat ang pakiramdam niya pati na rin ang mga paa niyang tila ayaw nang magpatuloy pa. Unti-unting bumagal ang oras para sa kanya, huminto ang mga ingay ng mga taong nakapaligid sa kanya hanggang sa tila dumilim ang lahat at tanging ang nag-iisang kabaong na lamang ang may liwanag. Sumilay sa salamin ng kabaong ang mukha ng isang lalaking may kaedaran na, balbas sarado, makapal ang labi at malaki ang ilong na kagaya ng kay Mel. Tumiim ang bagang niya kasunod ang panunuyot ng lalamunan. Pinigilan niya ang sarili na maiyak pero mas pinigilan niya ang mga labi sa pagngiti nito. Gusto niyang magmura. Gusto niya tumawa. Gusto niyang maiyak. Halo-halo na ang emosyon na nararamdaman niya ngayon. Pero hindi siya pwedeng mahalata nino man ng mga tao sa Isla Azul. Dahil nagsisimula pa lamang siya. Ang pagkamatay ng tatlong pinaglalamayan ng buong Isla Azul ay simula pa lamang ng kanyang mga plano. SImula pa lang ang kamatayan na ito.
“Anak…”
Napapitlag siya sa paghawak ni Nanay Harwina sa may balikat niya. Lumayo siya mula sa kabaong at hinarap ang matanda. “Po ‘Nay harwina?”
“Gusto ka raw ma-interview ni Jojo,” sagot ni Nanay Harwina na ang tinutukoy ay ang pulis na minsang naging anak-anakan din nila ng mag-asawa.
Bumaling saglit ang tingin niya sa pulis na nginitian kanina na nakatayo hindi kalayuan sa kanila ni Nanay Harwina at kausap si Tatay Poncio bago tumugon kay Nanay Harwina. “Sige po ‘Nay, lalapitan ko na po sila,” aniya bago naglakad papalapit kayna Tatay Poncio. “Hi.”
“Rose, anak. Si Jojo nga pala, kababata rin siya ni Mel,” pakilala ni Tatay Poncio sa katabing pulis.
“SPO1 Jojo de Roma,” kaagad na pakilala ni Jojo sa sarili.
“I’m Rose... Rose Valencia.” Inabot ni Rose ang kamay na inilahad ng kausap. “Gusto mo raw akong ma-interview sir?”
“Jojo… Jojo na lang dahil mukhang hindi naman tayo nagkakalayo ng edad,” nakangiting tugon ni Jojo.
Si Rose naman ang napangiti. Ang lahat talaga ay umaayon sa mga plano niya. Nagsimula nang magtanong si Jojo at isa-isa niyang sinagot ang mga iyon. Kung gaaano na siya katagal sa Isla Azul, kung kailan sila nagkakilala ni Mel, huling nagkasama at kailan ang kanilang huling pag-uusap. Sa kalagitnaan ng pagku-kwento niya kay Jojo sa huling napag-usapan nila ni Mel ay dumating sina Adolph at Grace. Hindi nakaligtas sa pansin niya ang kaagad na pagpulupot ng mga kamay ni Grace sa braso ng nobyo ng makita siya. Pigil siyang ngumiti. At habang sumasagot sa muling tanong ni Jojo ay pasimple niyang mas inilapit ang sarili sa pulis bago ibinaling ang tingin kay Adolph na noon ay nakaupo na at katabi si Grace. Nagtama ang mga tingin nila ng binata at saglit na tila nag-uusap ang mga mga mata. At bago niya ibinalik ang tingin sa kausap na pulis, iginuhit niya muna ang ngiti sa mga labi na para kay Adolph.
Sinigurado ni Rose na makikita ni Grace ang ngitian nilang dalawa ni Adolph.