Malakas na tawanan ang maririnig na namamayani sa may ilog mabato. Tawanan ng dalawang taong halos maghampasan na at sumakit ang tyan kakatawa.
“Grabe pala talaga si Adolph no’ng mga bata kayo!” naluluhang sabi ni Rose nang matapos ang kwento ni Mel tungkol sa mga kaibigan.
“Oo, imagine… Nahabol siya ng itak dahil sa sobrang kamanyakan niya!” natatawa pang dugtong ni Mel. “Sabi ko na kasing h’wag niyang silipin ‘yong silong dahil hindi na ‘yong kaklase namin ang naandoon.”
“Hindi talaga siya nagpapigil!” natatawa pa ring sabi ni Rose. “Ano namang rekasyon ng ibang friends mo.”
“Ayun si Jin, kunwari tahimik lang pero natatawa na talaga. Kami lang talaga ni Harris ang malakas at halos gumulong na sa katatawa. Kaya takang-taka ‘yung mga tao na napapadaan at nakikita kaming gumugulong sa buhanginan kakatawa.”
Nagpunas muli ng luha si Rose bago nagsalita. “Si Harris ‘yong doktor ‘di ba? ‘Yung mestisong tsinito?”
“Nakilala mo na si Harris?” takang tanong ni Mel.
Nilunok muna ni Rose ang nginunguyang mangga na dala at binili nila ni Mel mula sa palengke kanina bago sumagot sa tanong nitoo. “Oo, nakilaala ko siya nu’ng first day ko dito sa isla. Pagdating ko sa bahay nina Tatay Poncio, naandoon siya para bumista.”
“Ah, kaya pala.” Tumatango pang sabi ni Mel. “So, anong tingin mo sa kanya?”
Natatawang kumunot ang noo ni Rose bago tumingin kay Mel. Kumgat ulit siya ng kinuhang pisngi ng mangga. “What do you mean?” balik tanong niya bago kinagat ang hawak na mangga.
“Na-gwapuhan ka ba sa kanya? Nabaitan? Na-preskuhan… Nayabangan. Gano’n.”
Lalong natawa si Rose. “Kung gwapo at gwapo lang din, oo naman. Saka uhmm, mukha naman din siyang mabait base sa mga kwento nina Nanay Harwina. Uhmm... Ano pa ba?”
Tumahimik naman si Mel habang tila nag-iisip pa ng sasabihin si Rose. Kung nakilala na ng dalaga si Harriss, mukhang wala na siyang pag-asa pa na maka-iskor dito. Si Jin kasi, kagaya ng nakaraan ay mukhang handang magpaubaya. Pero si Adolph, halatang lalaban para lang makauna kay Rose. At kung tama ang hinala niya na nakuha rin ni Rose ang atensyon ni Harris at sasali pa ito sa tila kompetisyon para makuha ang puso ng dalaga, mukhang madedehado na talaga sia ng tuluyan.
“Uy…”
Napapitlag si Mel nang tapikin siya ni Rose. “Bakit?”
“Anong bakit? Ako yata ang dapat na magtanong, bakit bigla kang tumahimik?” tanong ulit ni Rose. Halos buong araw na silang magkasama ni Mel. Mula sa pagsama nito sa kanya sa ilang lugar sa isla na magandang kuhanan ng mga litrato, pagsama bumili ng kinakain nilang mangga ngayon hanggang sa pagbalik dito sa may ilog mabato.
“Wala. Wala lang,” tugon ni Mel na umiiling pa pero nakangiti.
“Ayan ka na naman, Mel. Hindi ba sinabi ko naman sa iyo na you can tell me everything. Promise, I won’t judge you.”
Tumingin si Mel sa kamay ni Rose na humawak sa may braso niya. Napakainit ng palad ng dalaga na hindi niya alam kung bakit tila nakakapagpagaan ng loob niya. Bumuntong hininga muna siya bago nagsalita. “Honestly, minsan hindi ko mapigilan na ma-insecure sa mga kaibigan ko. First kay Harris, siyempre kasi nasa kanya na lahat. Gwapo na, maganda pa ang buhay. Tapos si Adolph, siguro nga problema niya ang tatay niya pero hindi naman niya problema ang hitsura niya, eto naman si Jin, kahit ulila na siya sa mga magulang at least hindi niya nararanasan ang hirap at problema na nararanasan ko ngayon sa mga magulang ko. ‘Yung sigawan nina Mommy at Daddy sa umaga at sumbatan nila hanggang sa hapunan. ‘Yong araw-araw na naririnig sila ng mga kapitbahay na halos magpatayan na. Kaya nga hangga’t maaari ayoko nang nagtatagal ako sa bahay. Ang hirap kasi. Ang hirap sa pakiramdam. Sobrang hirap maging ako. Alam mo nga minsan, pinagdadasal ko na lang na sana hindi na ako ipinanganak. Sana wala na lang ako sa mundong ito.”
“No… H’wag ganyan Mel! Imagine na lang, paano kung hindi ka talaga ipinanganak. Eh ‘di sana wala akong kasama ngayon dito. Walang nagpapasakit ng tyan ko kakatawa.”
Muling napangiti si Mel. Bakit ba sa konting kilos na ginagawa at ilang salita lang na binibitawan ni Rose ay labis na nitong napapagaan ang loob niya? Para bang nagagayuma siya sa tuwing maririnig ang boses nito. Ang mas ipinagtataka niya, bakit pakiramdam niya ay napakabilis mahulog ng loob niya sa babaeng ito? “Alam mo bang gusto ka ni Adolph?”
“Uhm-uhm,” tugon ni Rose na sinabayan ng pagtango. “Pero hindi ko siya type. Ayoko sa mga uhm… Masyadong presko saka… Two timer.”
Lumaki ang ngiti sa mga labi ni Mel. Nagsisimula na siyang makaramdam ng munting pag-asa pero hindi pa rin siya sigurado. Kaya niyang ibigay ang buhay na gusto ni Rose. Kakayanin niyang pantayan ang pamumuhay na meron ito. Susubukan niyang makipagsapalaran at lumuwas ng Maynila para sundan ito at doon manirahan. Pero ang tanong, kaya ba siyang magustuhan ng isang kasing-dyosa ni Rose? “Rose, may chance ba na magkagusto ka sa isang hipon?”
“Hipon?” nagpigil ng tawa si Rose. “’Di ba kinakain ‘yon?”
Nakagat naman ni Mel ang labi na nagpigil na rin ng tawa. Ano ba kasing klaseng tanong iyon? Gusto niya tuloy biglang lamunin na lang siya ng lupa dahil sa tanong na hindi niya sinasadyang mabitawan. “I mean… Uhmm.. Sa akin?”
“Hindi naman ako mahilig tumingin sa physical looks ‘no. Mas attracted ako sa personality ng isang tao,” sagot ni Rose bago ibinaling ang tingin sa ilog na malakas ang agos. Bumuntong hininga siya bago pinagsiklop ang dalawang braso sa kanyang dibdib. “Ikaw ba, magkakagusto ka ba sa isang babaeng sobrang sira na ang buhay?”
“Kung ikaw ‘yong babae na iyon siguro oo. Hindi lang dahil sa maganda ka o sexy ka, kung hindi… Uhm, bakit nga ba? Ewan, basta pakiramdam ko, parang ang sarap-sarap mong magmahal. Parang ang sarap-sarap mong mahalin,” dire-diretsong sagot ni Mel.
Muling ibinaling ni Rose ang tingin sa katabi. “Ayan…”
“Huh? Anong ayan?” takang tanong ni Mel.
“Nakangiti ka na ulit. Mas cute ka kapag nakangiti ka ng ganyan,” sagot ni Rose na malambing na kinurot sa pisngi ng kausap bago tumayo at nag-inat.
Nasapo naman ni Mel ang pisnging saglit na nadapuan ng malambot na kamay ni Rose. Kailan ba may huling gumawa sa kanya noon? Hindi na niya matandaan pero parang parehong-pareho ang naramdaman niyang saya at kilig noon sa ngayon.
“Lika na? Papalubog na ang araw,” yaya ni Rose.
“Rose, saglit lang…” tumayo na rin si Mel.
Huminto naman si Rose sa paglakad at napatingin sa kamay niyang hawak ni Mel.
“Gusto ko lang… Gusto ko lang mag-thank you.”
“Para saan?” nakangiti pero kunot ang noong tanong ni Rose.
“Para sa pakikinig sa mga kadramahan ko. Para sa pagsakay sa mga jokes ko. At para sa araw na ito.” Mataga-tagal na rin mula nang huling beses na nagka-lovelife si Mel. At sa pagkakataong ito, kung papalarin man siya. Gugustuhin niyang si Rose na ang maging huli at panghabambuhay niyang lovelife. Napakagaan kasi ng loob niya dito kahit halos ilang araw pa lang silang nagkakasama. Pakiramdam niya ay matagal na silang magkakilala. Parang matagal na siyang kilala ng dalaga.
“Ako nga ang dapat na mag-thank you kasi sinamahan mo ulit ako the whole day.”
“Basta hangga’t nandito ka sa Isla Azul o kahit saan pang lugar, hinding-hindi ako magsasawa na samahan ka,” dugotng pa ni Mel.
Lalong napangiti si Rose. Saglit niyang tinitigan ang kausap na tila nag-iisip bago pasimpleng bumuntong hininga at may kinuha sa bulsa. “Oo nga pala, I think you need this.”
“Ano ito?” takang tanong ni Mel sa hawak ni Rose na maliit na bote.
“Pampa-relax lang. Iniinom ko ‘to kapag nai-stress ako sa deadline o sa boss ko. Baka makatulong din sa iyo para ma-relax ka.”
Kinuha naman ni Mel ang maliit na bote bago iyon tiningnan. Walang tatak o kahit na anong pangalan ang maliit na boteng kulay brown at may laman na siguro ay nasa lima hanggang pitong tableta.
“Basta Mel, tandaan mo… Kapag nai-stress ka, nalulungkot o kapag nararamdaman mo na hindi mo na kaya. Isipin mo lang na nandyan ang mga kaibigan mo. Alam ko pwede mo rin silang lapitan at kausapin. Pwede mo rin silang kwentuhan. At kung wala silang time sa iyo…”
Napalunok ng laway si Mel nang muling hawakan ni Rose ang kamay niya at magtama rin ang kanilang mga mata. Sinundan iyon ng pagiging abnormal na tibok ng puso niya.
Pinisil naman ni Rose ang kamay ni Mel na hawak niya bago ngumiti. ‘Yong ngiti na alam niyang pwedeng bumihag sa kahit na sinomang lalaki. “Tandaan mo, na nandito lang ako para sa iyo, Mel…”
****
“Uy Mel, thank you sa pagsama ulit sa akin kanina lalo na sa pagtambay natin sa ilog mabato. Medyo nararamdaman ko na bumabalik na ang wisyo at inspirasyon ko sa pagkuha ng litrato,” sabi ni Rose. Papalubog na ang araw at kulay dalandan na halos ang paligid nila. Bago sila umuwi ay napagkasunduan nila ni Mel na maglalakad-lakad muna. Hawak ni Mel ang mga sapatos niya habang naglalakad sila sa tabi ng dagat na bahagyang naaabot ng tubig alat ang kanilang mga paa. May ilang mga bangka silang nadaanan na kararating lang mula sa pangingisda at ang ilan naman ay naghahanda pa lamang na pumalaot sa gitna ng karagatan.
“Alam mo Rose, ako dapat ang mag-thank you. Kanina lang ulit may kumagat at tumawa ng gano’n kalakas sa mga korni jokes at kwento ko. Mabenta pa rin pala,” tugon naman ni Mel. Alam niya namang korni talaga siya, minsan nga ay inaasar pa siya na jologs ni Adolph pero ‘yon lang kasi ang alam niyang paraan para makakuha ng atensyon ng isang babae. “Uhmm Rose, ‘yong sinabi mo pala kanina. About do’n sa mas attracted ka sa personality ng isang tao kaysa physical looks. Ibig sabihin ba… Uhmmm...” Saglit siyang kunwa’y naubo habang hindi alam kung paano dudugtungan ang nais itanong sa dalaga.
“Pwede akong magkagusto sa iyo?” patanong na sagot ni Rose.
Hindi naman kaagad nakapagsalita si Mel. Kanina lang kasi ay iniisip niya na bago pa siya maunahan ni Adolph, kailangan ay makagawa na siya ng hakbang upang mas mapalapit pa kay Rose. Ilang beses na rin kasi siyang naagawan ni Adolph ng babaeng napupusuan niya. Ang dahilan naman ni Adolph, hindi rin naman daw nito kasalanan kung sakyan ng mga babae ang paglalandi nito. Pero sa pagkakataong iyon, hindi na siya papayag na maunahan pa siya ni Adolph sa isang babae lalo na kay Rose. Kilala niya ang kaibigan niya at ramdam niya ang labis na pagkagusto nito sa turista ng kanilang isla. Kaya bago pa siya muli nitong maagawan at maunahan, gagawa na siya ng paraan upang tuluyang mapasakanya si Rose. “Uhmm. Oo?”
Huminto sa paglalakad si Rose. Nakangiti siyang humrap kay Mel. “Pwede.”
Kaagad namang nanlaki ang mata ni Mel. “Pwede?! As in pwede na akong manligaw sa iyo!?”
Kumunot ang noo ni Rose na nagpipigil ng tawa. “Teka, ibang question na yata siya. Seryoso ka ba?”
Mabilis namang tumango si Mel. “Oo naman. Hindi ba ako mukhang seryoso?”
“Uhmm,” nagkibit balikat si Rose. “Mukha namang seryoso kaya lang, hindi ba medyo masyadong mabilis? I mean, you know… Hindi mo pa ako masyadong kilala. Marami ka pang hindi alam tungkol sa akin, Mel.”
Ngumiti si Mel. “Wala na akong pakialam do’n, Rose. Basta ang importante ay alam ko sa sarili ko na gusto kita. At habang nandito ka, ipaparamdam ko sa iyo ‘yon. Ipaparamdam ko na seryoso ako sa nararamdaman ko para sa iyo.”
“Okay,” tipid na sagot ni Rose bago nagpatuloy sa mabagal na paglalakad.
Napalunok si Mel at kaagad na sumunod kay Rose. Pumunta siya sa harapan nito habang patuloy na naglalakad paatras. “A-anong okay? Pumapayag ka nang manligaw ako sa iyo?!”
“Alam mo Mel, ang panliligaw hindi na ‘yan kailangan pang ipagpaalam. Kung gusto mo ang isang tao, ligawan mo. Iparamdam mo sa kanya kung gaano mo talaga siya kagusto.”
Hindi na maipalawanag pa ni Mel ang tuwang nararamdaman ngayon. Bumibilis ang tibok ng puso niya at parang gusto niyang magtatalon sa dagat pero pinigilan niya na lang ang sarili niya, para hindi na masyadong mapahiya kay Rose. “Promise, Rose. Hanggang nandito ka isla… Gagawin ko ang lahat para maiparamdam ko sa iyo kung gaano kita kagusto. Kung gaano ka ka-espesyal para sa akin.”
Pinaikot ni Rose ang mga mata. Huminto na siya sa paglalakad na ikinahinto rin ni Mel na nakatayo sa harapan niya. Kinuha na niya mula sa kamay nito ang sapatos niya. “Again, h’wag mo na lang sabihin Mel.” Hinawakan niya ito sa braso at pinisil iyon. “Iparamdam mo na lang.”
“Promise! I mean, basta… Gagawin ko lahat para maramdaman mo, Rose,” muling sabi ni Mel.
“Rommel!”
Halos sabay na napalingon sina Rose at Mel sa lalaking nakatayo hindi kalayuan sa kanila.
Napatiim ang bagang ni Rose. Nangasim bigla ang panlasa niya kasunod ang paglunok niya ng laway kahit parang biglang nanuyo ang lalamunan niya, nang makita ang lalaking hindi katangkaran may kalakihan ang tyan, makapal ang balbas at bigote at may tattoo ng mukha ng aso na may sungay sa may dibdib.
“Si Daddy, saglit lang Rose ha.” Naglakad palapit si Mel sa lalaking tumawag sa pangalan niya na nakatayo hindi kalayuan sa kanila ni Rose. “Oh dad, saan ka pupunta?” tanong niya nang mapansing may hawak pang t-shirt ang daddy niya na alam niyang ginagamit nitong pang-alis. Hindi niya rin gusto ang pabango na naamoy niya dito. Alam niya kasi na kapag ito ang gamit na pabango ng daddy niya, pupunta ito sa maliit bar sa isla na tambayan ng mga babaeng bayaran.
“D’yan lang, may dadaanan lang ako,” tipid na sagot ni Mang Lester. Ibinaling nito ang tingin sa babaeng kanina lang ay kausap ni Mel na ngayon ay naglalakad na palayo. Limang taon na lang ay senior na siya pero malinaw pa rin ang paningin niya. Kaya napahinto siya nang makita ang babaeng iyon. Usap-usapan na sa isla ang tungkol sa babaeng turista na tila isa raw artista na nagbabakasyon ngayon sa kanila. Totoo ngang maganda ang babaeng ito pero hindi iyon ang nakakuha ng atensyon niya. Kung hindi ang pamilyar nitong mukha na hindi niya matandaan kung saan niya ba nakita. “Siya ba ang sinasabing turista dito sa atin?”
“Yes daddy, si Rose. Wait ipapakilala kita.” Kumunot ang noo Mel nang makitang malayo na pala si Rose mula. “Next time na lang pala. Pero mabait siya daddy saka sobrang ganda!”
“Pwe.” Dumura muna si Mang Lester bago ibinalik ang tingin kay Mel. Bakas sa mga mata ng anak niya ang paghanga sa babaeng naglalakad na palayo. “Iwasan mo siya, Rommel.”
“Ha?” napatingin si Mel sa Daddy niya. Tama ba ang narinig niya mula dito?
“Ang sabi ko, iwasan mo siya. Ang mga babaeng kagaya niya, paglalaruan ka lang at hindi seseryoshin. Isa pa, taga-Maynila ‘yan. Hindi ‘yan titira dito para sa iyo kaya h’wag ka nang mangarap ng imposible, Rommel. Oh siya, mauuna na ako sa iyo.”
Bumuntong hininga na lang si Mel sa sinabing iyon ni Mang Lester bago umalis sa harapan niya. Muli niyang ibinaling ang tingin kay Rose na hindi na niya sinubukan pang habulin. Nasaktan siya sa sinabi ng Daddy niya pero mas panghahawakan niya pa rin ang sinabi ni Rose kanina. Na attracted ito sa personality ng isang tao at pwede itong magkagusto sa isang kagaya niya. Pwede itong magkagusto sa kanya.
Samantalang patuloy sa mabilis na paglalakad si Rose. Mula nang makita niya ang mukha ng lalaking tumawag kay Mel lalo na ang tattoo na tila demonyong aso sa may dibdib nito ay hindi na naging normal ang tibok ng puso niya. Ni hindi niya na hinintay pang lingunin o balikan siya ni Mel, nang tumalikod ito upang puntahan ang lalaki ay kaagad na siyang naglakad palayo habang mahigpit ang hawak sa kanyang mga sapatos. Kinagat niya ng mariin ang pang-ilalim na labi. Hindi siya iiyak. Hindi!
Malalim ang paghingal niya at ramdam niya na ang butil ng mga pawis sa noo niya nang matanaw na ang bahay nina Tatay Poncio. Patay pa ang ilaw sa loob at mukhang wala pa ang mag-asawa doon. Hindi muna siya dumiretso sa loob ng bahay at sahalip ay sa may likuran noon kung saan ay malapit din sa dagat. Binitawan niya hawak na sapatos at kaagad na lumusong sa tubig. Nang halos lampas na sa may baywang niya ang tubig dagat ay huminto na ang mga paa niya sa paglalakad. Huminga siya nang malalim. Naramdaman niya ang pangangatal ng mga labi niya pati na ang bilis ng tibok ng puso niyang tila may pumupukpok na martilyo. Kasunod noon ay ang pag-uunahan ng mga luha sa paglandas sa pisngi niya. Hindi na niya kaya… Hindi na niya kayang pigilan pa.
“Putang ina! Putang ina ninyong lahat!!!!”