“Ang ganda!” bulalas ni Grace nang makita ang sarili sa kaharap na malaking salamin habang suot ang traje de boda na gagamitin niya para sa darating na kasal.
“Hindi ba bawal daw isukat ang traje de boda bago ang kasal? Bakit mo sinukat?” nag-aalalang tanong ni Vilma, ang kaibigan at kababata ni Grace.
“Oo nga, hindi ka ba natatakot na baka hindi matuloy ang kasal ninyo ni Adolph?” segunda ni Fe, isa rin sa mga kaibigan ni Grace at magiging abay sa kasal. Nagsasalubong na ang kilay nito habang nagsasalita. Hindi rin kasi nito gusto ang ideya ng pagsusukat ng damit pangkasal ng isang bride.
“Ano ba kayo, naniniwala pa ba kayo do’n?” natatawang sagot ni Grace habang pinagmamasdan ang sariling repleksyon. “Matutuloy ang kasal namin ni Adolph kahit anong mangyari. Saka isa pa, wala namang pwedeng maging dahilan para hindi matuloy ang kasal namin.”
“Sigurado ka?” tanong ni Fe.
Kumunot ang noo ni Grace na tumingin sa katabi. “Anong ibig mong sabihin?”
“Hindi ka ba natatakot na baka maagaw pa ng iba si Adolph?” muling tanong ni Fe.
“At sino namang babae ang mangangahas at maglalakas loob na agawin siya aber?” patanong na sagot ni Grace bago mapait na ngumiti. Kilala ang Papa niya sa kanilang isla, bukod sa mga magulang ni Harris ay sa ilag din ang mga tao sa Papa niya. Ilan lang kasi silang totoong nakakaangat sa buhay na nakatira sa Isla Azul.
“Nakita mo na ba ‘yung bagong dating na turista?” si Vilma naman ang muling nagtanong.
Napakamot naman sa ulo si Grace na tila alam na kung saan papunta ang usapan nila ng magkakaibigan. “Sabi na nga ba, sa babaeng ‘yon lang din babagsak ang usapan na ito. Oo, nakita at nakilala ko na siya.”
“Talaga? Nagkausap na kayo?” namimilog ang matang tanong ni Vilma. Bihira lang ang turista sa kanilang isla, at ang turistang kanilang pinag-uusapan ngayon na yata ang pinakamagandang turistang nakita niya. Dumaan kasi ito sa palengke at namili ng manok at gulay. Sa puti at kinis ng balat nito ay kaagad nitong naagaw ang atensyon niya habang naglilinis ng bangus noon at ka-kwentuhan si Fe na katabi niya lang din ng mga oras na iyon.
“Oo, bakit parang gulat na gulat kayo?”
“Ang ganda niya ‘di ba? Acrually, sobrang ganda niya!” si Fe ang sumagot. Sa nanay niya bumili ng mga sahog na pang-tinola si Rose noong nakaraan habang siya naman ay nagtatanggal ng kaliskis at tinik ng isdang iihawin. Medyo nahiya tuloy siya sa hitsura nila ni Vilma ng araw na iyon lalo na nang ngitian sila ng tursita. Alam niya kasing nanlilimahid na sa mantika at pawis ang mukha nila ni Vilma dahil sa mataas na sikat ng araw. Hindi naman kasi sila kagaya ni Grace na hindi na kailangan pang tumulong sa mga magulang sa pagtitinda o paglilinis ng isda sa palengke.
“Oh ano naman? Maganda rin naman ako.” Hindi palakaibigan si Grace. At naniniwala siyang swerte na sina Fe at Vilma dahil ang mga ito ang napili niya na maging kaibigan niya dahil sa estado ng buhay ng dalawa. Ayaw na ayaw kasi niya sa lahat ang naangatan siya, kaya mas pinipili niiyang samahan at kaibiganin ang mga kagaya nina Vilma at Fe na pwede maging sunud-sunuran sa kanya.
“Pero hindi kasing ganda niya,” halos pabulong na sagot ni Fe.
“Oh so ayaw mo nang um-attend at maging abay sa kasal ko, Fe?” taas kilay na tanong ni Grace.
“Joke lang, eto naman hindi na mabiro. Siyempre mas maganda ka do’n. Maputi lang ‘yon pero kapag pina-itim mo balat no’n, mas mukha na ‘yung katulong sa akin. Saka mas okay talaga ang morena ang kutis kagaya mo, para kutis Filipina ‘di ba?” kaaagad na sagot ni Fe. Hindi naman niya gustong um-attend ng kasal ni Grace, ang ite-take out niyang pagkain mula sa handaan para sa kasal nito ang totoong dahilan ng pag-attend niya.
“Good,” nakangiting sagot ni Grace bago tumalikod sa mga kasama.
“Uy, saan ka pupunta?” nagtatakang tanong ni Vilma.
“Pupuntahan ko si Adolph sa kabila,” sagot naman ni Grace.
“Hindi pwede. Alam mong bawal na bawal na makita ng groom ang traje de boda na suot-suot mo bago ang kasal!” nag-aalalang paalala ni Vilma na kinagat ang pang-ibabang labi pagkatapos magsalita. Hindi naman siya makaluma pero para sa kanya ay wala namang mawawala kung susunod sila sa mga kasabihan ng matatanda kaysa may mapahamak pa o mangyari na hindi maganda.
Humarap saglit si Grace sa dalawa na nakahalukipkip ang mga kamay. “Pwede ba, tigil-tigilan ninyo nga ako sa mga kasabihan na ‘yan. Eto ang tandaan ninyo, kahit anong mangyari ay matutuloy ang kasal namin ni Adolph. Walang anuman o sinoman ang pwedeng maging dahilan para hindi matuloy ang kasal ko. Wala!”
****
“Bagay na bagay sa iyo ang barong na ‘yan,” puri ni Mang Mario habang suot ng anak na si Adolph ang barong na gagamitin nito sa nalalapit na kasal.
Inayos-ayos ni Adolph ang kulot na buhok habang nakatingin sa salamin habang nakangiti. Hindi sa pagyayabang pero alam niya sa sarili niyang sa pananamit at ayos niya ngayon, ay mukha siyang isang modelo.
“Anak, sana naman ay hindi ka na gumawa ng kahit na anong kalokohan bago ang araw ng inyong kasal ni Grace,” paalala ni Mang Mario.
Ngumiti ng mapait si Adolph. Bakit nga ba siya magpapakasal ganoong wala pa naman talaga sa isip niya ang magpatali sa kahit na sinomang babae. Nag-eenjoy pa kaya siya sa buhay binata. “Ano namang kalokohan ang naiisip ninyong gagawin ko ‘Tay?”
“May kumpare akong nakakita sa iyo kagabi sa may pampang, Adolph. Kasama mo raw doon ang bagong turista.”
Napailing si Adolph, sa liit ng isla nila, hindi nakapagtatakang mapag-usapan kaagaad ang maliliit na oras na magkasama sila sa gabi ni Rose. Ilang beses na rin kasi niyang natye-tyempuhan na pumupunta doon ang dalaga. Ilang gabi na rin silang magkasamang nagpapalipas ng oras at nagku-kwentuhan.
“Sinabihan ko na lamang siya na sana ay wala na siyang ibang pagsabihan pa upang hindi na makarating pa kay kumpare Seryo,” dugtong ni Mang Mario na ang tinutukoy ay ang Papa ni Grace.
“Bakit kasi hindi na lang kayo ang magpakasal, kayo naman talaga ang may gusto na mangyari ang mga ito,” naiinis na pabulong na sagot ni Adolph.
“Anong sabi mo?”
“Wala po ‘Tay, ang sabi ko lang… Gusto ko nang alisin itong suot ko dahil naiinitan na ako.” Sa tuwing naiisip niya na siya ang sumasalo at naghihirap sa mga kalokohang ginawa ng tatay niya dahil sa mga bisyo nito ay naiinis siya. Minsan tuloy napapatanong siya, paano kung ito na lang ang nagkasakit at hindi ang nanay niya. Paano kung ang tatay na lang niya ang nawala sa halip na nanay niya. Magiging mas maayos kaya ang buhay niya o nila ngayon?
“Mahal.”
Lumingon si Adolph nang marinig ang pamilyar na boses at napalunok nang makita ang babaeng nasa harapan. Si Rose na nakangiti, kinulot ang dulo ng buhok nito at suot ang isang simple pero napakagandang traje de boda na bumagay sa maputi nitong balata. Muli siyang napalunok ng laway. Sa tanang buhay niya ay ngayon niya lang napaganto na tila handa na siyang lumagay sa tahimik.
“Mahal, bagay ba?”
Sa isang iglap lang ni Adolph ay napalitan ang mukha ng babaeng naka-traje de boda sa paningin niya. “G-Grace…”
Ngumiti si Grace. Ngayon niya lang ulit narinig ang pangalan niya mula sa mga labi ng kasintahan. Ang sarap pakinggan. “Hindi ba ito bagay sa akin? Gusto mo papalitan ko?”
“Bagay sa iyo, hija. Hindi ba Adolph?” ani Mang Mario na bahagyang siniko ang anak.
“O-oo. Bagay!” kaagad na sagot ni Adolph. Hindi niya alam kung paanong nangyari na naging si Grace ang babaeng naka-traje de boda. At kung bakit pakiramdam niya kanina ay gusto niya nang lumagay sa tahimik basta si Rose ang kasama. “Bagay na bagay sa iyo mahal.”
Lumapit naman si Grace at kumapit sa braso ni Adolph bago humarap sa malaking salamin. Para tuloy silang nasa loob ng isang picture frame. “Bagay na bagay din sa iyo ang barong mo, mahal. Mukha kang artista.”
“Mahal, ano kaya kung ipagpaliban muna natin ang kasal?” wala sa loob na biglng tanong ni Adolph.
“H-Ha?” tanging nasagot ni Grace. Hindi siya sigurado kung tama ba ang narinig niya mula sa katabing binata.
“Ang ibig kong sabihin, para hindi tayo masyadong nagmamadali. Para hindi tayo kapusin sa oras at saka –”
“Handa naman na ang lahat Adolph, ano pa ba ang kailangang madaliin?”
Sabay na lumingon ang tatlong nasa maliit na kwarto sa malaking lalaking pumasok sa may pintuan. Malaki ang tyan nito, makapal ang bigote at may tabako sa bibig. Si Mang Celso, ang Papa ni Grace.
“Papa!” kaagad namang lumapit si Grace at yuamakap sa Papa niya. “Akala ko hindi ka darating?”
“Maagang natapos ang meeting namin ng isang ka-transaction ko. Saka ang sabi ko naman sa iyo ay hahabol ako dahil gusto kong makita na suot mo ang traje de boda,” nakangiting sagot ni Mang Celso bago muling sumeryoso ang mukha at tumingin kay Mang Mario. “Mario, anong dahilan at bakit parang gusto nang umatras sa kasal ng anak mo?”
“Hindi pare! Hindi siya aatras! Walang aatras sa kasal, hindi ba Adolph?” namimilog ang mga mata na tila natatarantang bumaling naman ng tingin si Mang Mario sa anak.
“Opo Ninong, hindi ko naman po sinabing aatras ako sa kasal. Ang sa akin lang po ay baka masyado nating minamadali ang mga bagay na dapat na mas pinag-iisipang mabuti,” sagot ni Adolph. Kagaya ng ibang tao sa isla ay may takot siya sa Papa ni Grace, hindi lang dahil sa literal na malaki itong tao kung hindi dahil na rin sa marami itong koneksyon na alam niyang maaari niyang ikapahamak kasama na ang Tatay niya.
“Mga bagay na mas dapat na pag-isipang mabuti kagaya ba ng pagpapakasal sa anak ko?” muling tanong ni Mang Celso.
“Pa, ayan ka na naman! Hindi naman iyon ang ibig sabihin ni Adolph,” awat ni Grace dahil hindi na rin niya nagugustuhan ang tono ng pagsasalita ng Papa niya. Alam niya na kung saan iyon papunta kaya kailangan na niyang putulin pa ang tensyon sa pagitan ng mga ito. “Ang ibig lang sabihin ni Adolph, baka may mga ma-miss out kami na special details kagaya ng mga kamg-anak natin na nasa kabilang isla. O kaya baka may hindi naimbitahan na kaibigan at biglang magtampo. Hindi ba Adolph?”
“O-oo… ‘Yun nga po ang ibig kong sabihin Mang Celso. Pero papakasalan ko po si Grace, papakasalan ko po ang anak ninyo,” sagot ni Adolph.
“Dapat lang dahil siguro naman ay alam ninyo na kung saan kayo pupulutin kapag bigla kang umatras sa kasalang ito,” seryoso at may halong pagbabanta ang tono ng pagsasalita ni Mang Celso.
“Pa, tinatakot mo na naman si Adolph. Halika na nga sa labas at sukatin na natin ang damit mo. Mahal, labas muna kami. See you mamaya.”
Ngiti lang ang isinagot ni Adolph. Ngiti na pilit niyang ginagawang natural sa mga labi niya. At nang makalabas ang dalawa ay muli siyang humarap sa malaking salamin bago in-imagine ang araw ng kasal kasama ang babaeng pakakasalan niya. Kasama si Rose na nakasuot ng traje de boda.