noveltoon logo noveltoon
Halik ni Kamatayan

Chapter 9

Ch. 10 / 98 Feb 05, 2022

HER P.O.V.

“Ate…”

“Shhh,” marahas kong tinakpan ang bibig niya. Hindi ko alam kung nasasaktan na ba siya o kung nakakahinga pa ba siya ng maayos basta ang importante ay wala kaming kahit na anong ingay na magawa mula sa pinagkukublihan naming malaking puno.

“Nasaan na?” boses ng isa sa mga demonyong alam kong sabik na sabik na mahanap kami.

“T*ng-ina pare, hindi ko alam. Hindi pwedeng makatakas ang mga iyon,” boses ng isa pang demonyo.

Narinig ko ang mga kaluskos ng yapak nilang papalayo sa amin. Saka ko lamang naramdaman ang pagpupumiglas ng batang tinatakpan ko ang bibig.

“Ha…. Ha…. Ha….” Malakas at malalim na hingal ng batang lalaking nasa tabi ko.

“S-sorry… Sorry…” mahigpit ko siyang niyakap bago pinunasan ang mukha kong basa ng luha at tubig ulan na walang tigil sa pagbuhos. Kalahati ng katawan naming dalawa ay balot na ng mga putik.

“A-ate… N-natatakot ako…”

Inilayo ko ang katawan ko mula sa kanya bago hinawakan ang mukha niya. “H’wag kang matakot, nandito lang ako.” Nangatal ang mga labi ko dahil sa matinding lamig at takot na nararamdaman ko na pilit kong nilalabanan. Dahil alam kong sa mga oras na ito, sa akin lang siya pwedeng kumuha ng lakas.

“Makakatakas ba tayo?” umiiyak na tanong niya.

Muli ay pinigilan ko ang pangangatal ng mga labi ko upang hindi niya ako makitaan ng kahit na anong takot o kahinaan. Ganoon pa man alam kong bakas naman iyon dahil sa basag na boses ko. “Makakatakas tayo. Mabubuhay tayo.”

“Paano sina –“

“Shhhh….” Mabilis kong tinakpan ang bibig niya. Ayan na naman ang mga kaluskos. Ang mga boses. Ang mga demonyo.

Isang malakas nga ilaw ng kidlat ang gumuhit sa madilim na kalangitan na sinundan ng malakas na dagundong ng kulog na halos nagpayanig sa paligid. Ngunit pagkatapos noon ay nakabibinging katahimikan ay namayani sa paligid. Muli kong niyakap ang bata habang pilit na isinisiksik ang mga maliiit at payat naming katawan sa ilalim ng malalaking ugat ng punong hindi ko makilala kung ano ang pangalan. Mas nakiramdam ako.

“Wala na sila,” bulong ko sa kanya bago ko siya inalalayang makatayo. “Kailangan na nating tumakbo. Pero sa pagkakataong ito, mas mabilis. Tandaan mo… Kailangan nating tumakbo ng - Ahhhhh!” Isa malabakal na kamay ang marahas na humablot sa buhok ko. Pakiramdam ko ay may bahagi na ng anit ko ang dumugo dahil sa matinding sakit. Pero hindi ko binitawan ang bata. Hindi ako bumitaw sa pagkakayakap ko sa kanya.

“Matibay kang bata ka, kanina ka pa!”

Hindi ko alam kung may natanggal sa mga ngipin ko pero sigurado akong pumutok ang labi ko nang malasahan ko ang maalat na dugo dahil sa malakas na sampal na dumapo sa mukha ko mula sa palad ng isa sa mga demonyo. Pero hindi pa rin ako bumitaw sa pagkakayakap sa batang lalaki.

“Ayaw mo talagang bumitaw sa kanya ah!”

Kaagad ako nanghina nang maramdaman ko ang malakas na pagtama ng kamao sa sikmura ko. Nangatog ang mga binti ko kasunod ang pagkaluhod at pagkasubsob ko sa putikan. Habang nagsisimula nang lumabo ang paningin ko. Pero hindi…. Hindi ako bibitaw. Hindi ko siya bibitawan.

“Ate! Ate!”

Nasaan na? Nasaan na ang mga kamay na hawak ko? Nasaan na siya?

Halos nakadapa na ako sa putikan nang mapansin ko ang kakaibang kulay noon. Ano ito!? Bakit ganito ang kulay ng putik?

Pinilit kong bumangon. Itinukod ko ang siko ko sa putikan kasunod ang palad ko. Napalunok ako nang muli kong maimulat ang mga mata ko. May dugo... May dugo sa putik na umaagos sa harapan ko.

“H’wag ka nang makulit bata. Mamaya ka na lumaban!”

Isang tadyak ang naramdaman ko sa likuran ko na muling nagpadapa at nagpasubsob sa akin sa putikang nahahaluan na ng dugo na sigurado akong hindi nanggagaling sa akin. Nagsisimula nang mas lumabo ang paningin ko. Pero malinaw ko pa ring naririnig ang boses niya. Ang mga iyak niya. Ang paghingi niya ng tulong. Ang pagtawag niya sa akin. Kailngan kong bumangon. Kailangan ko siyang makita. Kailangan ko siyang mayakap. Kailangan ko siyang maprotektahan.

“Ate, tulungan mo ako. Ate… Ate!!!”