noveltoon logo noveltoon
Halik ni Kamatayan

Chapter 8

Ch. 9 / 98 Feb 05, 2022

“Ang sarap!” puri ni Rose nang tikmang ang sariling niluto na tinola. Tumingin siya sa suot na relo bago ngumiti. Anumang oras ay pauwi na sina Tatay Poncio at Nanay Harwina kaya sinimulan na niyang ihain ang mga plato, baso at kubyertos sa lamesa.

Saglit lang siyang umalis ng bahay kanina at pumunta sa palengke para mamili ng lulutuin ngayong gabi. Naisipan niya kasing ipagluto ang dalawang matanda dahil halos dalawang linggo na rin siyang hinahainan ng mga ito ng masasarap na pagkain.

“Tinola ba iyong naaamoy ko?”

Lumingon si Rose sa may pinto nang marinig ang boses ni Nanay Harwina. Magkasunod ang mag-asawang pumanhik sa loob ng bahay. “Nand’yan na po pala kayo. Tamang-tama po ang dating ninyo at mainit pa ang niluto ko.”

“Totoo bang ikaw ang nagluto nito?” tuwang-tuwa na tanong ni Tatay Poncio na kaagad ibinaba ang mga gamit at naghugas nga kamay bago tumuloy sa lamesa.

“Opo, namalengke po ako kanina. Mabuti nga po ay may nakita ako na manok dahil noong una po ay puro isda ang nakikita kong tinda. Naisip ko po kasi na magluto naman ng hindi pagkain na galing sa dagat,” sagot ni Rose. Pagkatapos niyang mamalengke ay buong araw siyang namalagi sa bahay upang pag-aralang mabuti ang lulutuin na ulam. Matagal-tagal na rin kasi siyang hindi nakakapagluto. Isa pa, napapadalas na rin ang pagsama niya alinman kayna Adolph at Mel kaya gusto niya munang hindi magpakita sa mga ito.

“Amoy pa lang ay mukhang masarap na!” sabi naman ni Nanay Harwina nang makaupo.

“Sana nga po, dahil ngayon lang po ulit ako nakapagluto ng tinola.” Alam ni Rose na may iba’t-ibang panlasa ang mga tao kaya nag-aalala pa rin siya na baka hindi magustuhan ng mag-asawa ang niluto niya kahit masarap na sa panlasa niya.

“Tikman na nga natin at nang malaman na,” sabi ni Nanay Harwina bago naglagay ng sabaw, gulay at manok sa maliit na mangkok.

Ganoon din ang ginawa ni Tatay Poncio.

Tila nag-slow motion naman sa paningin ni Rose nang simulan nang tikman ng dalawang matanda ang niluto niyang tinola. Hindi naman talaga siya mahilig magluto at hindi niya ugaling magpa-impress ng mga tao sa pamamagitan ng pagluluto. Kaya ngayon lamang talaga ulit siya nakapagluto at matitikman pa ng ibang tao. Matagal na kasi siyang namumuhay mag-isa mula nang mamatay ang Mama Kate niya apat na taon na ang nakalilipas. At dahil nahirapan siyang makapag-move on sa pagkawala nito ay nagdesisyon siyang umalis sa bahay na naiwan sa kanya at manirahan mag-isa sa condominium malapit sa pinagta-trabahuhan niya, kung saan sanay siya na puro instant ang mga kinakakin o kaya mga pagkain sa fast food o restaurant.

“Uhmmm…” usal ni Nanay Harwina habang gumuguhit ang ngiti sa mga labi. “Masarap… Masarap itong tinola mo Rose.”

“Talaga bang ngayon ka lang ulit nakapagluto eh parang sanay na sanay ka nang magluto ng mga ganito,” sabi ni Tatay Poncio na kaagad naglagay na ng kanin sa plato.

Tuluyan nang nakahinga ng maluwag si Rose dahil sa sinabi ng dalawang matanda. Bakas din sa mukha ng mga ito na totoong nasarapan sa niluto niya.

“Wala ka ba talagang nobyo na naiwanan sa Maynila?” tanong ni Nanay Harwina. “Oh kaya lalaki na idine-date mob ago ka magbakasyon?”

Nilunok muna ni Rose ang nginuyang kanin at ulam bago sumagot. “Wala po ‘Nay. Busy po kasi talaga ako sa trabaho. Saka wala po akong kahilig-hilig sa mga ganyang date-date, Nay. Bookworm po kasi ako saka introvert kaya palaging nasa bahay lang kapag walang trabaho.”

“Paano ka naman pla magkaka-nobyo kung hindi ka palalabas ng bahay,” puna naman ni Tatay Poncio.

“’Tay Poncio, kung papipiliin ako kung pagdi-date o pgluluto para sa mga magulang ko kagaya nito. Mas pipiliin ko na ‘yong huli. Mas masarap po yatang kasama ang mga magulang kaysa sa mga stranger na makikilala ko lang sa labas ng bahay namin,” sinundan ni Rose ng magkasunod na subo ng kanin at ulam ang sinabi.

Napangiti namang napatitig si Tatay Poncio sa mukha ni Rose.

“B-bakit po Tatay Pomcio?” tanong ni Rose nang mapansin ang pagtitig sa kanya ng matanda.

Ngumiti naman ang matandang lalaki bago umiling. “Wala… Wala naman. Oh, ituloy mo na ang pagkain mo bago pa tuluyang lumamig itong niluto mong masarap na tinola.”

Ngumiti na rin si Roe bago tumalima. Nagpatuloy silang tatlo sa pagkain at masayang pagku-kwentuhan.

Nang matapos sa hapunan ay tinulungan ni Rose si Nanay Harwina sa paglilgpit ng kanilang pinagkainan.

“’Nay, may nasabi po ba akong hindi nagustuhan kanina ni Tatay Poncio?” tanong ni Rose habang tinutuyo ang mga platong niligpitan ni Nanay Harwina. Nasa lamesa sila ng matanda at pinagtutulungan na tuyuin ang mga niligpitan, habang ang mga tingin niya ay nasa labas ng bintana kung saan ay tanaw niya si Tatay Poncio na nag-aayos ng sinibak na mga kahoy.

“Oh bakit mo naman naisip ‘yan, Rose?” takang balik tanong ni Nanay Harwina.

“Wala naman po, parang bigla lang siya nalungkot kanina habang kumakain tayo ng hapunan.” Nakita ni Rose ang ngiti sa maputlang mga labi ni Tatay Poncio pero nabakasan niya ang lungkot sa mga mata nito. Hindi tuloy mawala sa isip niya kung mayroon ba siyang nasabi na hindi maganda kanina na hindi nito nagustuhan.

Inilagay na ni Nanay Harwina ang huling mga plato sa tuyong palanggana bago nakangiting tumingin kay Rose. “Wala Rose, wala kang kahit na anong hindi magandang nasabi kanina. Alam mo kasi si Poncio,” bumaling na rin ang tingin ni Nanay Harwina sa labas kung nasaan ang asawa. “Matagal na niyang gustong magkaanak kami. Maaga kaming naging mag-asawa pero matagal bago kami nabiyayaan ng anak. Nabigyan din naman kami ng anak pagkatpos ng halos dalawampung taon naming paghihintay, si Lila.” Ibinalik ni Nanay Harwina ang tingin sa mukha ni Rose. “Alam mo kung nabubuhay pa siya, marahil ay magkasing ganda kayo ngayon. Halos magkasing-edaran kasi kayong dalawa.”

“P-patay na po si Lila?” bumilis ang tibok ng puso ni Rose sa narinig.

Malungkot na tumango si Nanay Harwina bago pinunansan ang mga luhang nagbabantang mangilid sa mga mata niya. “Naiiyak na naman ako. Hay, tama na nga itong malungkot na usapan. Saka ko na lamang iku-kwento ang tungkol sa aming anak. Basta Rose, wala kang dapat ipag-alala o ikabahala. Wala kang kahit na naong hindi magandang nasabi kay Poncio. Oh siya, ilalagay ko na muna ito sa kusina nang makatulog na tayo.”

“Nanay…”

Napahinto si Nanay Harwina sa gagawin sanang pagtayo bago tumingin sa sariling kamay na mahigpit na hawak ni Rose.

“Salamat po.”

“Salamat saan?” nagtataka pero nakangiting tanong ng matanda. Lumabas tuloy ang mga wrinkles nito sa noo at gilid ng mga mata.

“S-salamat po sa pagpapatuloy ninyo sa akin dito,” si Rose naman ang kaagad na nagpunas ng mga mata bago pa niya maunahan na maiyak si Nanay Harwina. “Ano ba ito naiiyak na rin kaagad ako. Sorry po ‘nay, mababaw laang po talaga ang mga luha ko.”

Muling umayos ng upo si Nanay Harwina at hinawakan ang mga kamay ni Rose. “Alam mo Rose, wala kang dapat na ipagpasalamat. Mula nang dumating ka dito, muling nabigyan ng kulay ang bahay na ito. Ngayon ko nga lamang nakikita na ngumingiti ng ganyan si Poncio, kaya ako ang dapat na magpasalamat sa iyo. Basta ito ang taandaan mo, hangga’t nandito ka sa poder namin ng asawa ko... Walang sinoman sa islang ito ang maaaring makapanakit sa iyo. Poproktehan ka namin ni Poncio kahit na anong mangyari.”