“Tama na!!!”
Mahihinang tapik sa pisngi ang gumising kay Rose. Basa ang pisngi niya ng mga luha. At nang maimulat ang mga mata ay kaagad siyang sumiksik san sulok ng matigas na kama, habang naginginig na ibinalot ang kumot sa buong katawan niya.
“Rose, anak….” anang matandang babae.
Namimilog ang mga matang tumitig si Rose sa dalawang matandang nasa harapan bago inilibot ang mga tingin sa paligid na wala masyadong kagamitan. Walang tigil ang paglandas ng luha sa mga pisngi niya na sinasabayan ng malakas na kabog ng dibdib niya.
“Rose, kami ito… Ako ito, si Tatay Poncio at ito si Nanay Hermina mo. Rose, anak…”
Naramdaman ni Rose ang unti-unting pagkalma ng pagtibok ng dibdib niya at ilang sandali pa ay inihilamos na niya ang mga palad sa mukha niya.
“Rose, ayos ka lang ba?” nag-aalalang tanong ni Nanay Harwina.
Makailang ulit pang huminga nang malalim si Rose bago niya tuluyang napahinto ang sarili sa pag-iyak. Humugot pa siya nang mas malalim na buntong hininga bago sinimulan punasan ang pisnging basa ng luha.
“Rose?” muling tawag ng matandang babae na umupo na sa may gilid ng kama upang makalapit kay Rose. “Rose, may problema ka ba? Pwede kang magsabi sa amin ni Poncio.”
Humarap na si Rose sa dalawang matanda bago pilit na ngumiti at umiling. “Pasensya na po, ‘Nay… ‘Tay… Binangungot lang po ako,” sagot ni Rose. May luha pa ring inilalabas ang mga mata niya na hindi niya mapigilan kaya idinadaan na lamang niya sa kunwaring pagtawa. Bakit kasi ang hirap pigilan ng luha lalo na kapag naaalala mo ang isang parte ng nakaraan mong pilit mong ibinabaon sa limot?
“Rose, may gusto ka bang sabihin sa amin?” tanong ni Tatay Poncio.
“Anak,” inabot ni Nanay Harwina ang kamay ni Rose. Naalimpungatan silang mag-asawa sa kakaibang ingay na naririnig nila mula sa kwarto ni Rose. Kaagad silang bumangom at kinatok ito. At nang hindi pa rin sila pagbuksan pagkatapos ng halos ilang minutong nilang pagkatok at pagtawag dito ay nagpasya na silang pasukin ang kwarto nito. Naabutan nga nila si Rose na mariing nakapikit ang mga mata, tumatagaktak ang pawis sa noo at humahagulhol. “Sinabi ko naman sa iyo, hindi ka na iba sa amin. At sana ay ganoon rin kami sa iyo. Pwede mo kaming kausapin tungkol sa kahit na anong bagay. Makikinig kami. “
Muling nakangiting umuling si Rose. “Pasesnya na po talaga kung pinag-alala ko po kayo. Pero binangungot lang po talaga ako. Isang napakasamang bangungot. Pero maayos na po ako ngayon. Okay na okay na po ako ngayon…”
****
“Dumating na si Adolph?” tanong ni Jin nang makalapit kay Mel na nasa may harap ng maliit tindahan ng tita nito at nakaupo sa bangko. May hawak itong sigarilyo.
Pinatay naman na ni Mel ang sindi ng sigarilyong hawak bago bumaling ng tingin sa kaibigan. “Oo, kanina pa. Pero umalis din siya kaagad kasi may aasikasuhin daw sila ni Grace para sa kasal nila.”
“Heto na pala komiks mo paps. Thank you, ganda niyan in fairness. Teka, bakit parang ang laki ng ngiti mo d’yan?” takang tanong ni Jin. Iniabot na niya ang komiks na hiniram niya dito kahapon.
“Siyempre, may lakad si Adolph. Tapos ikaw, maya-maya alam ko magiging busy na rin.”
“Ako? Busy? Busy saan?” balik tanong ni Jin. Wala naman kasi siyang maalala na may binaggit siyang lakad para sa araw na ito.
“Magiging busy ka na mamaya pagdating ni Rose dito sa tindahan.”
“Teka, hindi ko ma-gets?” ulit pa ni Jin.
“Jin naman oh. Alangan namang sumabit ka pa sa amin ni Rose mamaya kapag nagpasama ulit siya sa kung saan. H’wag na. Ibalato mo na sa akin ito, ngayon lang ako hihirit ng ganito paps.”
Napailing si Jin nang marinig ang pangalan na binaggit ni Mel. Hindi niya alam kung bakit pero buhat nang makita niya ang babaeng ‘yon ay hindi niya na nagustuhan ang kabang nararamdaman niya. Para bang anumang oras ay may hindi magandang mangyayari sa isla nila.
“Uy Jin! Nakikinig k aba?”
Napapitlag si Jin sa biglang pagtapiik ni Mel sa kanya. “O-oo. Ano ba ‘yong huling sinabi mo?”
“Tingnan mo ito, mukhang gago,” natatawang puna ni Mel.
“Paps, wala ka bang kakaibang nararamdaman sa babaeng ‘yon?” tanong ni Jin.
“T*ng-ina Jin, naramdaman mo rin?” namimilog ang mga matang balik tanong ni Mel.
“Seryoso ikaw din?” Nagsimula nang muling kabahan si Jin. Sa kanilang apat na magkakaibigan ay alam niyang si Mel ang may pinakamahinang utak at pinakamahina rin sa babae. Palagi lang itong sumasakay sa trip nila, kumabaga, go with the flow lang lagi. Naalala niya pa na kung hindi marahil siya nito pinahiram ng lapis noong nasa Elementary sila at binibigyan ng sandwich kapag recess sila ay hindi niya ito tatanggapin bilang iang kaibigan.
“Oo paps, ramdam na ramdam ko,” bahagya pang inilapit ni Mel ang mukha sa kausap. Napakaseryoso ng mukha nito.
“Ano sa tingin mo? Tama kaya ang kutob natin?” tila walang katapusang tanong ni Jin. Ngayon lang yata nangyari na nakuha agad ni Mel ang nais niyang ipahiwatig.
“Oo Jin, feeling ko. Tamang-tama ang kutob natin na siya talaga.”
“Ha?”
“I mean, tamang-tama ang kutob natin na siya… Na makakapagpaalis ng l*bog ko sa katawan. T*ng-ina isang taon na akong tigang paps! So ano sa tingin mo, pwede na ba siya?”
“T*ng ina naman Mel, puro ka kalokohan eh!” aniya na bahagya pang itinulak ang kausap.
“Gago Jin, seryoso ako. Sobrang lakas ng dating ni Rose, iba eh. Para bang… Para bang matagal ko na siyang kilala.”
Muling napatingin si Jin sa katabi na ngayon naman ay nasa malayo ang tingin. Minsan talaga hindi niya alam kung kailan ito seryosong kakausapin.
“Alam mo may hinala talaga ako eh. Sobrang lakas ng kutob ko,” ani Mel na pinaliit pa ang bilog at malalaking niyang mga mata.
“Na ano?”
“Na si Rose na ang babaeng matagal ko nang hinahanap at nakatadhana para makasama ko sa kama at–“
“T*ng ina Mel!” sa inis ni Jin ay nabatukan na niya ang kausap. “Seryosohin mo naman ako.”
“Aray Jin! Parang gago talaga ito!” natatawang sambit ni Mel bago napakamot sa ulo. Seryoso naman siya sa sinasabi tungkol kay Rose. Seryoso siya na kung bibigyan siya ng pagkakataon na maging nobya ang dalaga ay papakasalan niya ito kaagad. “Seryoso naman ako, gago. Alam mo Jin, ikaw ang hindi ko ma-gets. Ano ba kasi ‘yang sinasabi mo?”
Bumuntong hininga si Jin. “May kakaiba sa turistang ‘yon.” Medyo totoo ang sinabi ni Adolph dati na tahimik talaga siya pero hindi kapag nakakakita o nakakakilala ng maganda. Kung hindi kapag iba ang pakiramdam niya isa isang tao. Totoong maganda si Rose, walang duda. Sexy ito at malakas ang dating. Pero sa tuwing titingin ito alinman sa kanilang magkakaibigan. Sa tuwing ngingiti ito sa kahit na anong dahilan. At sa tuwing magsasalita ito ng kahit na anumang salita… Parang may mali. Parang may kakaiba. Iba ang hagod ng tingin ng dalaga sa kanila na para bang kinikilala sila isa-isa. Mali. Parang mas kinikilala pa sila. Ang mga ngiti nito ay parang ngisi sa paningin niya. At sa bawat pagbuka ng bibig nito upang magsalita ay parang piling-pili ang mga salitang bibitawan. Para bang palagi itong nag-iingat sa mga bawat sasabihin.
“Jin, totoo naman kasi ‘yong sinasabi mo. Iba talaga si Rose sa mga babaeng nakilala natin dito sa isla. Wala siyang katulad.“
“Mel, hindi mo ako naiintindihan,” muling naiinis na sabi niya. “May kakaiba kay Rose. Parang…. Para bang anumang oras may gagawin siyang –“
“May gagawin ako na ano, Jin?”
Sabay silang napalingon kay Rose na hindi nila namalayang nakalapit na sa kinauupuan nila.
Nakasuot ng offshoulder na crop top si Rose na halos kita na ang pusod sa bawat konting pagkilos nito, may shades sa may ulo na tila ginawang headband at maluwag na short na halos may isang danggkal ang layo mula sa tuhod. May matamis na ngiti sa mapula nitong mga labi. “Isali ninyo naman ako sa usapan ninyo since mukhang ako ang topic ninyo. O assuming lang ako?”
“Ah… Oo, ikaw nga Rose… uhmm ano kasi,” natataranta na sabi ni Mel.
Nanataili namang tahimik si Jin. Kung gusto ni Mel na sabihin kay Rose ang mga bagay na sinabi niya tungkol dito kanina ay wala na siyang pakialam pa. Gusto niya rin makita kasi ang magiging reaksyon ng dalaga.
“Ano… Uhm… Kasi ‘di ba sabi mo, gusto mo ulit pumunta sa ilog mabato. Sabi ni Jin gusto niya rin daw sana sumama kaya lang may lakad na naman siya mamaya,” sa wakas ay nasabi na ni Mel bago ibinaling ang tingin sa katabi. “Hindi ba Jin?”
At dahil ayaw naman ni Jin na masira ang araw ng kaibigan ay sumang-ayon na lang siya sa sinabi nito. “Oo, next time na lang siguro.”
“I see, anyway,” bumaling ang tingin ni Rose kay Mel. “Tara na Mel?”
“Yeah, tara na habang maaga pa,” kaagad na tugon ni Mel na akmang tatayo na.
“Wait Mel, saan kayo pupunta?” napahawak bigla si Jin sa may braso ng kaibigan niya.
“Ipapasyal ko lang ulit si Rose dito sa isla, hindi ka naman sasama ‘di ba?” nginitian ni Mel ng mapait si Jin upang makumbinse itong sumang-ayon. “Ang sabi mo kanina may lakad ka pa ‘di ba?”
“O-oo kaya lang –”
“Kaya uuna na kami,” ani Mel bago tinanggal ang kamay ni Jin. “Sige na Jin, ingat ka sa lakad mo.”
“S-sige…” nasabi na lang ni Jin habang nakasunod ng tingin sa kaibigan. Kung sa palakasan lang din ng katawan ay alam niyang nakalalamang si Mel sa kanya. Kahit kasi may kaya ang pamilya nito ay batak ang katawan ng kaibigan niya. Alaga sa gym at martial arts kaya noon pa man ay alam niyang kayang-kaya nitong protektahan ang sarili sa kahit na sinomang pwedeng manakit dito. Pero parang hindi na siya sigurado sa pagkakataong ito.
“Bye Jin…”
Nabaling ang tingin niya kay Rose na saglit na ngumiti sa kanya bago bumaling bago kumapit sa bisig nito. Nagsimula nang maglakad ang dalawa palayo sa kanya. Nginitian ba siya ni Rose? O ngisi na naman ang nakitang niyang nakaguhit sa mga labi nito kanina?