noveltoon logo noveltoon
Halik ni Kamatayan

Chapter 7

Ch. 8 / 98 Feb 05, 2022

Napangiti si Rose nang maabutan si Jin sa may tuyo at mabatong bahago ng ilog mabato. May hawak itong lapis at sketch pad.

‘Hindi ka pa rin nagbabago, Jin.’

Ibinaaba pa niya mula sa balikat ang offshoulder na damit na suot bago mas itinaas ang maikling palda na maong. Ipinuyod niya rin ang buhok upang lumabas ang maputi niyang batok at nagpatuloy sa paglalakad. “Hi Jin!”

Mula sa mga paang nakasuot ng sapatos ay tumaas ang tingin ni Jin sa maputing binti pataas pa sa tyan na halos labas na pusod hanggang sa nakasisilaw na makinis at magandang mukha ng babaeng tumawag sa pangalan niya, na nakatayo hindi kalayuan sa kanya. Si Rose. “Hello,” sagot niya bago muli niyang ibinalik ang atensyon sa ginagawang pagguhit. Libangan niya iyon kapag naiinip siya sa bahay. May ilang buwan na rin kasi siyang naghihintay ng tawag para makasakay ng barko at makapag-trabaho bilang isang seaman.

“Uy, ang galing mo pa rin palang mag-drawing!” ani Rose na umupo sa tabi ng binata.

Naramdaman ni Jin ang pagdikit ng mga braso nila ni Rose. Napalunok siya at nagsimulang bumilis ang tibok ng puso niya na pinipilit niyang hindi ipahalata sa dalaga. Kailan nga ba siya huling nagka-girlfriend? Kailan siya huling beses na may nakatabing babae? Kailan siya huling nakipag-holding hands sa isang babae? Two years ago? Three? Four? ‘Jin, stop it. H’wag kang magpapaakit sa kanya.’

“Are you okay Jin?” tanong ni Rose bago mas inilapit pa ang sarili sa binate at sinalat ang leeg nito. “Mainit ka…”

Kaagad namang napaatras si Jin nang maramdaman ang mga palad ni Rose sa leeg niya.

“I-I’m sorry. Nag-alala lang ako kasi parang mainit ka. Masama ba ang pakiramdam mo?” muling tanong ni Rose.

Napatiim bagang si Jin. Tumayo siya at pinagpagan ang maliliit na batong dumikit sa suot niyang short. Maganda si Rose. Napakaganda nito at hindi niya maipagkakaila iyon. Pero hindi siya pwedeng mabihag ng babaeng ito. Hindi siya pwedeng magaya sa mga kaibigan niya. “Okay lang ako, bakit ka pala nandito?”

“Uhmm. Wala lang, nagpapahangin lang. Saka, baka may makuhanan akong litrato ng mga ibon. Dalawang beses na kaming bumaba dito ni Mel pero wala pa rin akong nakikita kahit isang Pitta.” Tumayo na rin si Rose, tumalikod siya mula binata bago sumulip sa viewfinder ng kamerang hawak niya.

“Ibong Pitta?” ulit ni Jin. Isa iyong ibon na maliit, may tuka na parang sa parrot at ang kulay ng balahibo ay matingkad na pula at asul. Sa Isla Azul lang nila may ganoong uri ng ibon at bibihira lang iyon na makita. “Alam mo ang tungkol sa mga ibong Pitta?”

“Oo, matagal na.” Nagpatuloy si Rose sa pagkuha ng mga litrato sa mga ibong lumilipad. Mga ibon na madalas na niyang nakikita sa Maynila at ibang probinsya na pinagbakasyunan niya. “Sayang nga lang at mukhang bihira na silang pumunta dito sa ilog mabato.”

Nagsimula na namang mapaisip si Jin. Ilan lang kasi ang nakakaalam tungkol sa mga ibong Pitta dahil ayaw ng mga tao sa isla na dayuhin ng mga turista ang mga ibong ito at hulihin. Pinangangalagaan kasi ng mga taga-Isla Azul hindi lamang ang yamang dagat kung hindi halos lahat ng uri ng hayop na naninirahan doon. “Paaano mo nalaman na dito sa ilog mabato nakikita ang mga Pitta?”

Gumuhit naman ang nakalolokong ngiti sa mga labi ni Rose na kaagad niyang ikinubli. Kilala niya si Jin. Sa lahat ng magbabarkada, ito ang pinaka-masarap paglaruan. Ito rin kasi ang madalas na pinakamalalim na mag-isip sa apat. Humarap siya dito, kinuhanan ito ng litrato bago ibinaba ang hawak na kamera na nakasabit ang strap sa leeg niya. “Kinwento ni Mel,” nakangiting sagot ni Rose. “Bakit? May iba pa bang way para malaman ko na dito makikita ang mga ibong Pitta?”

“Ewan ko.” Nagkibit balikat si Jin bago sinimulang ayusin ang mga gamit na pang-drawing at ibinalik sa loob ng bag na dala niya. Gusto pa sana niyang mag-stay dahil nasa mood siya mag-drawing ngayon pero nagbago iyon sa pagdating ni Rose.

“Aalis ka na?” tanong ni Rose.

“Oo,” tipid na sagot ni Jin.

“Jin, h’wag ka munang umalis.”

Muling napalunok si Jin hindi dahil sa pagpigil ni Rose sa kanya. Kung hindi dahil sa narinig niyang boses nito. Pamilyar. Napakapamilyar ng boses nito. Pero kailan niya nga ba iyon huling narinig? Saan? Dahan-dahan siyang lumingon kay Rose. Napakaamo ng mukha ng dalaga. Napakaganda. Walang sinomang lalaki ang aakitin ni Rose ang hindi maaakit. Muli siyang naisip. Nagsisimula na namang siyang maguluhan. “Sino ka ba talaga?”

“H-ha?” Napaatras si Rose ng dalawang hakbang mula sa kausap. Masyado pang maaga. Hindi pa pwedeng matapos ang laro niya. Ngumiti siya at nagkunwaring ng nagtataka. “Nakalimutan mo na kaagad ang pangalan ko? Ang bata mo pa pero nauulyanin ka. ”

Bumuntong hininga siya bago umiling. “Mauna na ako.”

“H’wag na…”

Napahinto si Jin sa gagawing paglalakad dahil sa mga kamay ni Rose na humawak sa kamay niya. Bumaba ang mga tingin niya sa dalawang kamay nitong nakabihag sa kamay niya.

“Ako na lang… Ako na lang ang aalis kung hindi ka komportable na nandito ako,” bumitaw na ang kamay ni Rose bago ngumiti. “Sige Jin, alis na ako. See you around na lang.”

Nakahatid ng tanaw si Jin sa naglalakad palayo na si Rose. Sa totoo lang, magaan naman talaga ang pakiradam niya kay Rose. Minsa kasi, pakiramdam niya ay matagal na niya itong kilala. Kilalang-kilala. Pero sa kabilang banda, may gumugulo pa rin sa isipan niya sa tuwing makikita ito. Lalo na sa bawat tingin na ginagawa Rose sa kanilang magba-barkada. Ang pagngiti nito na para bang ang lahat ay may kahulugan. Mulo siyang umupo sa batuhan at inilabas ang mga gamit na pangguhit kasama na ang pen knife na palagi niyang dala. Ilang saglit lang ay may bigla siyang naalala. Kumunot ang noo niya. Sinabi ba ni Rose kanina na magaling pa rin siyang mag-drawing? Heto na naman siya. Nagiging malikot na naman ang imahinasyon niya. Muli na namang naglalaro sa isipan niya ang tanong na... Bakit parang matagal na siyang kilala ni Rose?