NAGING PANGKARANIWANG TANAWIN NA SA eskuwelahan ang tambalan nina Jhustin at Makho. Madalas na silang nakikitang naglalakad sa school grounds o sa corridor nang magkaakbay. Sabay na sila kung mag-recess at mananghalian. Minsan ay sa Sizzling Haus sila kumakain, pero madalas ay nagbabaon na si Makho para makasamang kumain si Jhustin sa bahay nito.
May mangilan-ngilan pa ring nang-aasar sa kanilang dalawa. May tumatawag pa rin ng JhusKho pero hindi na nila masyadong pinapansin. Tinanggap na ni Jhustin ang “love team” na inimbento ng kanyang mga kaeskuwela. Naging term of endearment na ito sa kanya. Kung dati ay lagi siyang naiinis kapag binibigyan ng malisya ng ibang tao ang kanilang pagkakaibigan, ngayon ay parang natutuwa pa siya sa atensiyong ibinibigay ng mga ito.
“Sabi nga nila, if you can’t beat them, join them,” sagot niya kay Lara nang minsang tanungin nito kung naiinis pa rin ba siya kapag inaasar ng mga kaklase kay Makho.
“Anong sagot `yan?” naiiritang sabi ng seatmate niya.
“Basta `yon na `yon.”
Naging bisyo na rin nila ni Makho ang pagdalaw kay Rapunzel. Tuwing uwian, maliban na lang kung maaga silang pinalabas, tumatambay sila sa simbahan para hintayin ang pang-alas-singkong misa. Oras na magsimula iyon, palihim silang aalis at pupunta sa tore ng kampana. Mauupo sila sa arkong nakaharap sa kanluran, magkukuwentuhan, maglolokohan, kakain ng Lala at magkatabing panonoorin ang lumulubog na araw.
Malapit na ring maging bisyo ang pagdalaw ni Makho sa bahay nina Jhustin tuwing Sabado para makikain, magbasa ng komiks at blog, at magharutan sa loob ng kuwarto. Ayos lang naman iyon sa mama ni Jhustin. Nababawasan kasi ang pag-aaway ng mga anak niya kapag naroon si Makho. Tumatahimik bigla ang kanyang panganay.
“Ba’t ba bumabait ka bigla `pag `andito si Makho?” tanong ng mama nila isang gabi habang naghahapunan.
“Oo nga, para kang tinututukan ng camera,” singit ni Jhustin. “`Di ba, tumatahimik ka lang `pag binibidyuhan ka?”
“Mukha kasing bidyo `yong mukha ng kaibigan mo,” sagot ng kapatid niya. Halata sa boses nito ang pagkabuwisit.
“Corny...”
“Hoy, hoy, mag-aaway na naman ba kayong dalawa?” Dinuro sila pareho ng kanilang ina. “Nasa harap ng pagkain, ha. Baka layuan tayo ng grasya.”
Ganoon nga uli ang nangyari nitong huling dalaw ni Makho sa kanila. Bigla na lang natahimik at bumait ang kanyang kuya.
Isang buwan na lang at matatapos na ang school year. Nakiusap ang kaibigan niya na kung puwede ay sabay nilang gawin at tapusin ang final paper sa English. Pumayag naman si Jhustin, at madali rin niyang napasang-ayon ang ina nang ipagpaalam ang pagpunta ng kaibigan.
Nasa kasarapan sila ng tanghalian nang dumating si Makho. Inaagawan pa si Jhustin ng ulam ng kanyang kuya kahit may sarili naman itong mangkok ng sinigang na hipon. Biglang natigil ang pang-aagaw nito nang pumasok sa kusina si Makho.
“Good afternoon po,” sabi nito.
“O, Makho, sabayan mo na kami,” sabi ng kanilang mama. “Tabihan mo na `tong kaibigan mo.”
“`Di na po. Kumain na po ako sa `min.”
Tiningnan ni Jhustin ang reaksiyon ng kanyang kuya. Mabait na naman. Tahimik itong kumakain at tutok na tutok sa pagbabalat ng hipon. Ni hindi nito nakuhang sulyapan man lang ang bagong dating. Nagkatinginan na lang sila ng mama niya at sabay na napangiti.