noveltoon logo noveltoon
Ang Lihim sa Tore ng Sinagtala

Chapter 63

Ch. 63 / 85 Mar 03, 2022

NAKADIKIT SA PADER ANG KAMA NI MAKHO, sa ilalim mismo ng bintanang jalousie. Makikita sa labas ang nilulumot na bakod at ang puno ng mangga ng kapitbahay. Sa gilid ng kama ay may maliit na mesa. Nakapatong doon ang isang study lamp. Sa paanan naman ng higaan ay may lumang tokador na may dalawang pinto. Ang isa rito ay may nakakabit na pahabang salamin.

“Nag-aadik ka ba?” pabirong tanong ni Jhustin.

“Sorry,” natatawang sagot ni Makho. “Si `Nay kasi, nagagalit kapag tinatanggihan ko. Kulang na lang, e, ipaligo sa `kin `yong Vicks.”

“`Asa’n nga pala `yong nanay mo? Wala ka bang kasama?”

“Wala, pumasok. Mamaya pang alas-siyete ang uwi.”

“Mag-isa ka lang dito?”

“Oo. Gusto nga ni `Nay na um-absent, aalagaan daw ako. Anlaki-laki ko na, aalagaan pa? Nakumbinsi ko namang pumasok, basta daw mag-text ako `pag may masakit. Saka maligo daw ako ng Vicks.”

Pareho silang natawa.

Pinaupo siya ni Makho sa kama nito at tinabihan. “Pasensiya na, bro, wala akong maiaalok sa `yo. Pero pagdating ni Mama, makakakain na tayo.”

“Ay, `wag na. `Di naman ako magtatagal,” sabi ni Jhustin. Binuksan niya ang kanyang bag at inilabas ang isang nakatiklop na papel. “`Eto pala `yong assignment n’yo. Isinulat ko na din d’yan `yong requirements natin para sa clearance.”

“Thanks, bro.”

Pero hindi pa tapos si Jhustin. Sunod niyang inilabas ng bag ang isang pakete ng Lala, dalawang balot ng cheeseburger at isang bote ng pineapple juice.

“Angel’s?” tanong ni Makho.

Nakangiting tumango si Jhustin. “Sa `yo na `yan lahat, `wag mo na `kong alukin. Kumain na `ko kanina sa tricycle no’ng papunta ako dito.”

“Bakit? Sinabi ko bang aalukin kita?”

Sumimangot uli si Jhustin, sadyang nagpapa-cute. Naki-ride naman si Makho. Nilapitan nito ang kaibigan at muling inakbayan. “Joke lang, `to naman. Thanks uli.”

Pinanood lang niyang kumain ang kasama. Ang totoo, hindi pa siya kumakain mula kaninang tanghali. Pero hindi naman siya nagugutom. Makita lang niya si Makho, pakiramdam niya ay busog na siya.

“Ano’ng ginawa mo maghapon?” tanong ni Jhustin.

“Alam mo na,” sagot ni Makho, saka kumindat.

“Bastos!”

Tumawa ang kaibigan niya. “Bakit? Ano’ng iniisip mo?”

“Ewan ko sa `yo.” Natatawa na rin si Jhustin.

“Nagbasa-basa, siyempre. Alam mo na, malapit na `yong finals.”

“Okay. Sabi mo, e.”

“Ay, bro, saglit.” Inabot ni Makho ang cell phone nitong nakapatong sa maliit na mesa. Nagpipindot ito hanggang sa makita ang hinahanap. “`Eto, may bagong labas na blog. Basahin mo, `ta’s sabihin mo sa `kin kung agree ka.”

Kinuha ni Jhustin ang cell phone at nagsimulang magbasa.

Gay to hell!

Iniisip ko, dahil bakla ako at ginagawa ko ang mga bagay na ginagawa ng mga bakla, mapupunta ako sa impiyerno kapag namatay ako. Makakasama ko sina Marcos, Duterte, Hitler, Stalin, Judas at marami pang masasamang tao. Kasama ko silang sisigaw at iiyak habang sinusunog ang mga kaluluwa namin forever.

What a very nice thought.

Nagtataka lang ako kung bakit ginawa ako ng Diyos na bakla kung pagbabawalan din pala Niya akong gumawa ng mga kabaklaang bagay. Hindi naman siguro Siya tanga para hindi iyon maisip. Parang `yong ipinagbabawal na bunga lang sa Hardin ng Eden. Alam naman Niyang bawal, `nilagay pa rin Niya. For sure ilang bilyong taon nang hindi kinakain nina Eba at Adan `yon. Pero dahil nando’n nga, isang araw, tinikman na rin nila.

Kung tama ang pagkakaintindi ko, sinasadya ng Diyos na magkasala ang tao para may mailagay Siya sa impiyerno at mapahirapan nang magpasawalang-hanggan.

Ang tanong ko ngayon, kung nais ng Diyos na magkasala ang mga nilikha Niya, bakit pa Niya sila/tayo nilikha? Dahil ba bored na Siya sa pagiging Almighty? Dahil ba sobrang mahal Niya tayo gaya ng pilit na itinuturo ng mga pari? At dahil mahal Niya tayo, kailangan nating masaktan dahil parte iyon ng pagmamahal?

Tama ba ako?

Kung mali ang intindi ko, bakit hindi Niya ipaintindi sa akin? Bakit kailangang matalinghaga pa ang pamamaraan Niya? Bakit kailangang maging limitado ang pag-iisip ng tao? Dahil ba natatakot Siyang maging kapantay natin Siya?

Bakla kaya ang Diyos?

Kasi parang ang gulo ng isip Niya, kung may isip nga Siyang maituturing. Parang ako lang no’ng nagbibinata. Ang daming tumatakbo sa isip ko. Ang daming tanong na hindi ko masagot. Parang itong mga pinagsususulat ko ngayon. Idagdag mo pa na pabago-bago ang mood ko noon. Hindi rin siya masyadong madali, ha.

Feeling ko talaga confused ang Diyos. May identity crisis.

But I cannot be sure. Basta ang alam ko, ayoko sa babae. Kapag ba pumanaw ako at napunta sa impiyerno, malalaman ko na ang sagot sa mga tanong ko? O ganito pa rin? Puro tanong pa rin ako dahil kahit sa kabilang buhay, misteryo pa rin ang Diyos.

Sana maraming guwapo sa impiyerno.

Natahimik si Jhustin. Hindi niya alam kung paano magre-react sa nabasa at kung ano ang sasabihin kay Makho. Hanggang ngayon ay palaisipan pa rin sa kanya kung bakit ang hilig ng kaibigang magbasa ng blog na iyon. Lalo tuloy lumakas ang kutob niya rito.

“Ano, agree ka ba?” Binasag ni Makho ang katahimikan.

“Agree saan?” balik na tanong ni Jhustin.

“Sa mga tanong n’ong blogger.”

“You mean sa mga tanong mo?”

Sumimangot si Makho. “Sinabi nang `di ako `yong writer n’yan. Pina-follow ko lang kasi ang taba ng utak n’ong nagsusulat.”

“Okay, fine. Ang sagot ko ay ewan. Ewan ko kung nag-a-agree ako sa blogger o hindi. Pero parang mas gusto kong maniwala sa Diyos dahil wala namang mawawala kung maniniwala ako sa existence Niya.”

“Wala din namang mawawala kung `di ka maniniwala sa Diyos, a.”

“Basta, ewan.”

“E, do’n sa isa pa n’yang sinabi?” Biglang humina ang boses ni Makho. Hindi rin siya makatingin nang deretso sa kausap. “Agree ka ba?”

“Sa ano?”

“Do’n sa ano... sa pagpunta sa impiyerno `pag bakla ka.”

Hindi agad nakasagot si Jhustin. Napatitig siya sa kaibigan at napaisip. Sinusubok mo ba `ko? May malaking bagay bang nakadepende sa isasagot ko sa `yo? O baka naman may gusto kang aminin sa `kin?

“Alam mo,” sabi ni Jhustin, “kung talagang may Diyos at mabuti Siya, hindi Niya ipapatapon ang mga bakla sa impiyerno dahil lang sa bakla sila. Kung naging mabuting tao ka naman habang nabubuhay, malamang deretsong langit ang punta mo. Pero kung hindi ka naman naniniwala sa Diyos, ano’ng ikinakatakot mo? Kung hindi totoo ang Diyos para sa `yo, malamang hindi rin totoo `yong langit at impiyerno.”

Ngiti lang ang isinagot ni Makho sa sinabi ng kaibigan.

“Teka, ba’t ba natin pinag-uusapan `to?” patuloy ni Jhustin. “Gawin mo na lang kaya `yang assignment mo. Uuwi na din ako.”

“Agad-agad? Dito ka na maghapunan.”

“`Wag na, uwi na `ko. Madilim na, o.” Ngumuso si Jhustin sa bintana ng kuwarto. “Saka baka mag-alala `yong mama ko. `Di ako nakapagpaalam na pupunta ako sa inyo.”

“O, sige. `Kaw bahala.”

Inihatid ni Makho si Jhustin palabas ng bahay. Inunahan niya ito sa gate at binuksan iyon. Bago lumabas ay hinarap niya ang kaibigan.

“Salamat sa pagdalaw,” sabi ni Makho. “Thank you din sa pagdadala ng assignment, saka ng mga requirements.”

“No prob,” sagot ni Jhustin. “Pagaling ka, ha? `Di ako sanay na `di ka nakikita sa school. Kung tinatamad kang gumawa ng assignment, `wag mo nang gawin. Bukas na lang ng umaga, tulungan kita.”

“`Wag na. Madali lang naman `yong assignment. Sige, `kita tayo bukas.”

“Okay, alis na `ko.”

Sumutsot ang isang tricycle driver na nasa kabilang bahagi ng kalsada. Lumapit ito sa kanila nang senyasan ni Jhustin. Agad siyang sumakay at sinabi sa tsuper ang kanyang destinasyon. Bago pa makausad ang sasakyan, inilabas niya ang ulo sa pasukan at kinawayan ang kaibigan.

Kumaway pabalik si Makho; sinamahan pa niya ng matipid na ngiti. Pinanood niya ang tricycle habang unti-unting lumiliit at lumalayo sa kahabaan ng Gen. Luna Street. Nang tuluyang mawala sa paningin ang sasakyan, nawala rin ang ngiti sa mukha niya. Unti-unting namuo ang luha sa gilid ng kanyang mga mata. Pinunasan niya iyon bago pa tumulo at may ibang makakita.