noveltoon logo noveltoon
Ang Lihim sa Tore ng Sinagtala

Chapter 70

Ch. 70 / 85 Mar 03, 2022

NAGKAROON NG ILANG MINUTONG PRIVACY SI Makho nang magkusang bumaba si Jhustin para magtimpla ng Milo. Inisa-isa niya ang mga folder sa laptop at itinuloy ang paghahanap. Ginawa niya ito habang pinapakiramdaman ang pinto.

Tok-tok-tok. Si Jhustin.

Kahit alam na niya kung sino ang kumatok, naniguro pa rin siya. Muli niyang tiniklop ang laptop at itinago sa ilalim ng kama. Saka niya pinuntahan ang pinto para pagbuksan ang kaibigan.

Hawak ni Jhustin ang tainga ng dalawang tasa ng umuusok pang Milo. Iniabot niya ang isa kay Makho bago pumasok sa kuwarto. Ipinatong niya ang inumin sa study table bago bumalik sa sariling kama. Ganoon din ang ginawa ni Makho pagkatapos na ikandado ang pinto. Saka niya muling inilabas ang computer.

“Patapos ka na?” tanong ni Jhustin.

“Oo, `unti na lang,” pagsisinungaling ni Makho. “Gagamitin mo ba?”

“Hindi, sige lang. Inaantok na kasi ako.”

“A, okay. Gusto mo bang patayin `yong ilaw? Okay lang naman sa `kin magsulat sa dilim.”

“`Di na, sige lang. Tapusin mo muna `yan. `Maya na `ko matutulog pagkaubos nitong Milo.”

Kinuha ni Jhustin ang tasa, hinipan ang ibabaw, saka humigop. Hindi na niya iyon binitawan. Dinama niya ang init sa kanyang mga palad at nilanghap ang matamis na amoy. Hindi naman ginalaw ni Makho ang mainit na inumin niya.

Alam ni Makho na pinapanood siya ng kaibigan habang inuubos nito ang tinimplang Milo. Kaya naman bumalik siya sa Word document at nag-type uli ng kung ano-ano. Hihinto siya saglit para halungkatin ang mga folder sa computer at saka babalik sa pagsusulat ng mga walang kuwentang bagay.

Iniisa-isa niya ang mga file sa isang document folder nang marinig niyang ibinaba ni Jhustin ang tasa sa study table. Patagilid itong humiga sa kama, paharap sa kanya. Nang magsalubong ang kanilang tingin, nakaramdam siya ng kurot sa dibdib. Sa sandaling iyon, nakita niya sa mga mata ng kaibigan ang kawalang-malay nito sa katotohanan.

Ayokong saktan ka, Jhustin, sabi ni Makho sa isip.

“Papatay na lang n’ong ilaw `pag tapos ka na,” sabi ni Jhustin. Dinampot niya ang unan sa likuran at niyakap iyon bago pumikit.

“Sige, bro,” sabi niya. “Saglit na lang `to.”

Pagkasara ni Makho sa Word document na sinusulatan ng kung ano-ano, muling dumilat ang kaibigan niya. “`Yong laptop, ha? Hide mo.” Ngumiti ito bago bumalik sa pagtulog.

Hide.

Naalala ni Makho ang ginagawa ng mga kaklase niya kapag nasa computer lab sa eskuwelahan. Nagda-download sila ng larawan ng mga seksing babaeng, karamihan ay animé characters, at ilalagay sa isang folder sa desktop. Saka nila iyon iha-hide.

Gamit ang mouse, itatapat nila ang cursor sa folder, pagkatapos ay ira-right click, pupunta sa Properties at iti-tick ang kahong may nakasulat na Hidden. Pagkatapos ay iki-click nila ang Apply button at sunod ang OK. Mawawala na sa paningin ang folder, pero naroon pa rin ang files at ligtas. Kailangan lang i-unhide para makita uli.

Kumislot si Jhustin, nag-iba ng puwesto. Tumalikod ito sa kanya at humarap sa bintana. Ipinatong niya saglit ang laptop sa kama, tumayo at pinatay ang ilaw sa kuwarto. Nagsilbing gabay niya pabalik sa puwesto ang ilaw na nagmumula sa screen ng hiniram na computer.

Nasaan ka na? Nanginginig ang mga kamay ni Makho nang balikan niya ang mga folder na tiningnan kanina. Unhide. Pumunta siya sa View tab at tsinekan ang kahong may nakasulat na Hidden para lumitaw ang mga file o folder na nakatago.

Walang lumitaw sa Document. Wala sa Picture, sa Music o sa Video. Kahit sa Download ay wala rin ang kanyang hinahanap. Bakit ba ayaw mong magpakita? Pinilit niyang pakalmahin ang sarili. Huminga siya nang malalim. Tiningnan niya ang kaibigang natutulog. Payapa. Hindi naghihilik.

Binalikan niya ang screen. Isinara niya ang lahat ng window na nakabukas hanggang sa tumambad sa kanya ang bagong wallpaper na inilagay sa computer, si Jhustin. May kumurot na naman sa kanyang dibdib.

Pagpatak ng alas-dose ng hatinggabi, nabaling ang pansin ni Makho sa nag-iisang folder na nasa Desktop. Ang folder na naglalaman ng mga larawan ng pamilya ng kanyang kaibigan. Bumilis ang tibok ng kanyang puso. Itinapat niya ang cursor sa folder at binuksan. Kusang dinala ng kamay niya ang cursor papunta sa scroll bar.

Click. Hold. Scroll down. Muli na naman niyang nakita ang New Folder.

Double click.