noveltoon logo noveltoon
Ang Lihim sa Tore ng Sinagtala

Chapter 76

Ch. 76 / 85 Mar 03, 2022

TINAWAGAN ULI NI JHUSTIN SI MAKHO HABANG nakasakay sa tricycle papunta sa bahay nito. Ring lang nang ring, ayaw sagutin. Hindi rin ito sumasagot sa text. Pansamantala siyang sumuko sa pagkonekta sa kaibigan. Ibinulsa niya ang cell phone at tiniis ang ilang minutong paghihintay sa biyahe.

Nang makita ang tindahan ni Aling Ine ay pumara siya at nagbayad sa driver. Patakbo siyang tumawid sa kabilang panig ng kalsada at dumeretso sa pulang gate. Sumilip siya sa loob. Madilim. Patay ang mga ilaw.

“Tao po!” sigaw niya mula sa tarangkahan. “Makho?”

Walang sagot. Nilakasan niya ang pagtawag sa pag-aakalang natutulog ang mga tao sa loob. Umasa siyang kahit sana ang ina ng kaibigan ay maririnig siya at pagbubuksan. “Tao po! Tao po! Makho!”

Wala pa ring sagot galing sa loob.

“Makho! Tao po! Makho!”

Bigo si Jhustin.

Dinukot niya ang cell phone sa bulsa at sinubukan uli na tawagan ang kaibigan. “I officially hate this song,” sabi niya sa isip pagkarinig sa kanta ni Tuesday Vargas. Hindi pa rin sumagot ang kanyang kaibigan. Tinapos niya ang tawag at muling ibinulsa ang cell phone. “Ano ba’ng problema mo, Makho?”

Naghintay si Jhustin hanggang alas-sais ng umaga sa labas ng bahay ng kaibigan. Nagpasya siyang umuwi na lang nang wala pa ring nagbukas sa kanya pagkatapos sumigaw. Sa sobrang inis, pinara niya ang pinakaunang sasakyang dumaan. Isang jeepney ang huminto sa tapat niya. Napailing siya. Hanggang sa bayan lang kasi ang biyahe ng mga jeepney. Sasakay pa siya ng tricycle para makauwi sa kanila.

Maluwag ang loob ng jeepney kaya nakaupo siya nang nakadungaw sa bintana. Pinanood niya ang mga tao sa gilid ng kalsada, karamihan ay matatandang nagwawalis sa tapat ng kani-kanilang bahay. May ilang nagsisiga ng tuyong dahon at plastik ng basura. Bahagyang nakagaan sa kanyang pakiramdam ang payapang tanawin sa labas.

Sa gilid ng simbahan nagbaba ang jeepney bago umikot papunta sa paradahan nito isang kanto ang layo mula sa plaza. Naglakad si Jhustin sa bangketa patungo sa sakayan ng tricycle. Malapit na siya roon nang sadya niyang tiningnan ang tore ng kampana kung saan sila madalas tumambay ni Makho. Natigilan siya nang matanaw ang isang lalaking nakatayo sa arko, nakadipa ang mga braso at handa nang tumalon anumang oras.

Nangilabot siya nang lalong maaninag ang tao sa itaas. Bumilis ang pintig ng kanyang puso at kusang kumilos ang buo niyang katawan.

`Wag kang tatalon. `Wag kang tatalon.

Mabilis na tumakbo si Jhustin patungo sa simbahan. Dumeretso siya sa madilim na lagusan at pumasok sa pinto papunta sa balkonahe. Tumawid siya at patakbong tinungo ang isa pang pinto. Ang pinto kung saan inukit ni Makho ang kanilang pangalan. Minadali niya ang pag-akyat sa paikot na hagdanan, hindi alintana ang mga dumi ng paniki at ang mamasa-masang baitang.

Malapit na `ko. Malapit na `ko.

Pagkatapak na pagkatapak sa pinakataas na baitang, dali-daling tinungo ni Jhustin ang taong nakatayo sa arko. Niyakap niya ito mula sa likuran at hinatak palayo sa kinatatayuan. Sa lakas ng pagkakahatak ay sabay silang bumagsak sa ilalim ng kampana. Nadaganan siya ng lalaking iniligtas, pero wala siyang naramdamang sakit.

Salamat umabot ako. Salamat umabot ako.

Dumadagundong ang dibdib ni Jhustin habang nakahiga at dagan-dagan ng lalaki. Basang-basa siya ng pawis at hingal na hingal dahil sa ginawang pagtakbo at pag-akyat sa tore. Wala siyang ibang naiisip sa mga oras na iyon kundi pasasalamat dahil umabot siya sa oras. Hindi niya napansin ang mga salitang lumalabas sa kanyang bibig.

“Mahal na mahal kita. Mahal na mahal kita.”