noveltoon logo noveltoon
Ang Lihim sa Tore ng Sinagtala

Chapter 61

Ch. 61 / 85 Mar 03, 2022

WALANG MAKHO NA NAGPAKITA SA SCHOOL kinabukasan. Wala noong flag ceremony, wala noong lunch break at wala noong uwian. Kaya buong araw na hindi maipinta ang mukha ni Jhustin. Hindi siya nakapag-concentrate sa mga huling aralin dahil ang kaibigan ang laging nasa isip niya. Madalas din siyang mapatulala sa bintana at hinuhulaan kung bakit wala si Makho.

Dumaan siya kanina sa classroom ng kaibigan para hanapin ito at ipagtanong sa mga kaklase. Ang humarap sa kanya ay ang class president, si Marjorie, isang babaeng payat, matangkad, mahaba ang buhok at mahaba ang mga pilik-mata. Dito nalaman ni Jhustin na hindi nga pumasok si Makho. Hindi naman niya nakuha kung ano ang dahilan.

“Absent? Bakit daw?” tanong ni Jhustin.

Nagkibit-balikat lang ang pinagtanungan niya.

Nang makalabas ng school ay saka naisipan ni Jhustin na tawagan ang kaibigan. Kinuha niya ang cell phone sa bag at nakita ang isang text message. Nagdasal siya sa isip na sana ay kay Makho iyon galing. Sinagot naman ang kanyang panalangin.

Bro my skit me. Taas lagnat ko knina umaga kya di n me pmasok.

Hindi nakatulong ang text ng kaibigan para mawala ang pag-aalala ni Jhustin. Bahagyang sumikip ang dibdib niya. Hindi niya magawang hindi sisihin ang sarili kung bakit nilagnat si Makho.

Baka dahil nagpalipas ng gutom kahapon, `tapos nalamigan pa no’ng tumambay kami sa tore ng kampana , sabi niya sa isip. “Kasalanan ko `to. ”

Hindi na sumagot sa text si Jhustin. Tinawagan niya ang kaibigan. Narinig niya ang ringback tone nito sa unang pagkakataon: “Babae Po Ako” ni Tuesday Vargas. Hindi niya alam kung matatawa ba siya o maiinis.

Tumigil ang awit. Sumagot ang boses ng isang lalaki. Si Makho. Muntik pang hindi makilala ni Jhustin dahil sa pagkagaralgal nito. “Bro! Miss mo na `ko?”

Parang lumundag ang puso ni Jhustin. Nakisakay na rin siya sa trip ng kaibigan. “Oo, miss na miss.”

“Awww, sweet.” Saka ito tumawa nang malakas.

“Bugok! Wala ka naman yatang sakit.”

“Meron kaya. Me love-nat ako ngayon. Dalhin mo `ko sa ospital.”

“Ospital ka diyan? Yakap-sule lang kailangan mo diyan saka kiss-pirin.” Si Jhustin naman ang natawa sa sariling biro dahil sa kakornihan nito. Pero bahagya rin siyang kinilig sa sinabi.

“Aw, sarap. Sa’n ba nakakabili ng mga gamot na `yan?”

“Meron ako dito. Gusto mo dalhin ko sa inyo?”

“Yes, please.” Tawa na naman.

“Seryoso, puntahan kita sa inyo. Madami nang ipinapagawa `yong mga teacher natin, saka may assignment kayo bukas. Nakausap ko kanina si Marjorie. Ibinigay n’ya sa `kin `yong assignment n’yo saka `yong mga requirement sa ibang subject.”

“Nakakahiya, bro. `Di pa `ko naliligo, ambaho ko na.”

Nagpumilit si Jhustin. Ang totoo, bukod sa gusto niyang makita ang kaibigan, gusto rin niyang makapunta sa bahay nito. “As if naman `di pa `ko sanay sa amoy mo? Puntahan na kita, `wag ka nang umarte d’yan. Text mo sa `kin `yong address mo.”

“`Kaw bahala. Basta `wag kang mag-expect, ha? `Di kami mayaman.”

“Letse, dami pang satsat. Sige na, ibababa ko na `to. Text mo `ko, ha?”

“Sige, bro.”

Tinapos ni Jhustin ang tawag at hinintay na dumating ang text ng kaibigan. Malapit na siya sa sakayan ng tricycle nang mag-vibrate ang kanyang cell phone. Binuksan niya ang mensahe at binasa:

427 gen luna st brgy sabang, pulang g8 s tpat ng sari2 store ni aling ine. Txt mo me pg nligaw u :)