noveltoon logo noveltoon
Ang Lihim sa Tore ng Sinagtala

Chapter 48

Ch. 48 / 85 Mar 03, 2022

PAGKASARA NG PINTO, UMUPO SI JHUSTIN SA kanyang kama, inusod ang computer papunta sa bintana at pinaupo ang kaibigan sa harap niya. Hawak niya ang isang collector’s edition ng mga komiks na likha ni Carlo Vergara, Ang Kagila-gilalas na Pakikipagsapalaran ni Zsazsa Zaturnnah .

“Basahin mo nang malakas `yong nakasulat na babala sa ibaba,” sabi niya kay Makho. Itinipat niya sa mukha nito ang hawak na libro.

Hinanap ni Makho ang nakasulat na babala at nang makita ay malakas nga iyong binasa. “Para sa mga mature readers ever!”

“Bagay sa `yo.” At tumawa nang tumawa si Jhustin. “Mature readers ever!”

“A, gano’n?”

Ang sumunod na nangyari ay hindi inaasahan ni Jhustin. Sinugod siya ng kaibigan, kumapit sa baywang niya at pinagpipiga iyon. Lalong lumakas ang tawa niya. Namimilipit. Humihingal. Hindi siya tinantanan ni Makho kahit pa pulang-pula na ang kanyang mukha.

“Ayoko na, Makho! Tama na! Tama na po!”

Kapag nagmamakaawa siya ay lalo namang nilalakasan ng kaibigan ang pangingiliti sa kanyang tagiliran. Kung ano-anong posisyon na ang nagawa niya sa kama para lang makakawala sa pangingiliti sa kanya ni Makho.

“Sorry na. `Di na po. `Di na kita aasarin please...”

Tumigil lang si Makho nang gumulong patagilid si Jhustin at mahulog sa kama. Dahil nakakapit siya rito, pati siya ay nadamay at bumagsak sa sahig. Pumatong siya sa kaibigang tawa pa rin nang tawa. Pati siya ay nakitawa na rin nang malakas.

Pawisan sila parehong sumampa sa kama at humiga nang magkatabi. Nakatingin sa kisame, magkadikit ang mga braso at hingal na hingal dahil sa paghaharutan. Walang ano-ano ay tumawa na naman si Jhustin. Napatingin si Makho sa katabi at natawa na rin nang walang dahilan.

“Bugok mo talaga,” sabi ni Jhustin nang mahimasmasan.

“Thank you po.”

Napahalakhak na naman sila.