noveltoon logo noveltoon
Ang Lihim sa Tore ng Sinagtala

Chapter 84

Ch. 83 / 85 Mar 03, 2022

“SIGURADO KANG AYAW MONG BURAHIN?” TANONG ni Jhustin sa kaibigan.

Tumango si Makho. “Gusto ko, pero kailangan natin ng proof kung kakausapin natin ang mama at kuya mo.”

Pinilit ni Jhustin na ngumiti, pero hindi siya sigurado kung lumitaw iyon sa kanyang mga labi. “Kung alam ni Kuya ang tungkol dito, ba’t `di niya sinabi kay Mama? O kung ayaw naman n’yang may makaalam, sana s’ya na lang ang nagbura sa files.”

“Baka `di rin n’ya alam kung sa’n itinago ng papa mo `yong mga files,” paliwanag ni Makho. “Kagabi ko nga lang nakita. Kung `di mo pa pinaalala sa `kin na itago `yong laptop, hindi ko maiisip na baka naka-hide `yong mga `yon.”

Napatingin sa malayo si Jhustin. Napabuntonghininga. Inakbayan siya ng kaibigan; bitbit na uli nito ang bag na naglalaman ng laptop. Saka sila bumaba ng tore, namumugto ang mga mata pero buo ang loob.

Tahimik silang lumabas ng simbahan, naglakad papunta sa paradahan ng tricycle at sumakay. Hindi sila nag-usap sa limang minutong biyahe papunta sa bahay nina Jhustin. Tila tinitipon ang mga salitang gagamitin kapag nakaharap na nila ang dalawang taong may mahalagang papel sa kanilang mga buhay.

Pagkababa ng tricycle, hinawakan ni Jhustin sa balikat si Makho at tinapik iyon. Nagkatinginan sila at binigyan ng matipid na ngiti ang isa’t isa. Saka sila sabay na pumasok sa loob.

Nagulat sila nang matanaw ang kuya ni Jhustin sa harap ng bahay. Nakasandal ito sa pintuan, nakahalukipkip ang mga braso at mukhang malalim ang iniisip. Nang makita sila ay umayos ito ng tayo at biglang nagdilim ang mukha.

Sa unang pagkakataon, nakaramdam ng matinding kirot sa dibdib si Jhustin para sa kanyang kapatid. Hindi na niya napigilan ang sariling iwan panandalian si Makho at lumakad papunta sa kuya niya. Hinatak niya ito sa kaliwang braso at niyakap nang mahigpit. Hindi siya bumitaw nang magtangka pang kumawala ang kanyang kapatid.

“Anak ng!” sabi nito.

“Kuya, alam ko na lahat...” At muli na namang naiyak si Jhustin.

“Ano’ng alam mo?” Nabasag ang boses ng kuya niya. “Wala kang alam.”

“Kuya...” Hinigpitan pa niya ang pagkakayakap dito. “Sorry...”

“Ba’t ka nagso—” Tuluyan nang naiyak ang kanyang kuya. Tinakpan nito ang mukha gamit ang isang kamay habang ang kabila naman ay pinipilit itulak papalayo ang nakayakap na kapatid.

Umiwas ng tingin si Makho. Tumalikod siya para bigyan ng privacy ang magkapatid at para na rin hindi tumuloy sa pagbuhos ang nangingilid niyang luha. Huminga siya nang malalim, lumunok ng laway at sinubukang ialis ang isip sa nakaraan.

Nang lingunin niya ang dalawa, nakita niyang nakayakap nang tuluyan ang kuya ng kanyang kaibigan. Nabigla siya nang tingnan siya nito at senyasan para lumapit. Parang may bumara sa kanyang lalamunan habang naglalakad papalapit sa magkapatid. Nang halos isang dangkal na lang ang layo niya sa dalawa, hinablot siya ng kuya ni Jhustin at dinamay sa pagkakayakap nito.

Walang ibang lumalabas sa bibig nito kundi pulos “sorry.”

Hinigpitan nila ang yakap at tinapik-tapik ang likod ng isa’t isa. Walang may gustong bumitaw. Walang may gustong kumawala. Parang ang tagal nilang naghintay para magawa iyon. At ngayong naisakatuparan na nila, hindi nila agad tatapusin ang sandaling iyon. Susulitin nila, lulubusin at sasamantalahin hanggang hinog pa ang pagkakataon.