HUNYO 2017.
Unang araw ng pasukan sa Holy Spirit Academy.
Unang araw din ni Makho sa eskuwelahang iyon pagkatapos magpapalit-palit ng paaralan mula nang mabakante siya ng dalawang taon noong elementary.
Pinilit niya ang kanyang nanay na huwag siyang ipasok sa Mababang Paaralan ng Mapulang Lupa nang magdesisyon siyang ipagpatuloy ang pag-aaral. Grade 4 siya nang pumasok sa Immaculate Conception School for Boys. Dahil lagi siyang pinagkakaisahan ng mga kaklaseng pulos lalaki, lumipat siya nang sumunod na taon sa Bright Minds Learning Institute. Dito na siya nagtapos ng elementarya.
Nang mag-Grade 7 si Makho, sa Sinagtala National High School siya pumasok. Hindi rin niya nagustuhan ang ugali ng mga nag-aaral doon kaya lumipat siya sa Buguias National High School sa kabilang bayan nang sumunod na taon. Lagi naman siyang nale-late dahil sa layo ng biyahe kaya nauwi siya sa Holy Spirit, kahit pa ito ang may pinakamataas na singil sa matrikula sa kanilang lugar.
“Last na `yan, ha? Wala ka nang malilipatan na malapit,” sabi ng nanay niya. “Tiisin mo na diyan, anak. `Wag mo namang sayangin `yong pangmatrikula ko sa `yo. Hindi ako tumatae ng pera.”
Kung alam mo lang, `Nay.
Wala itong kaalam-alam sa pinagdaanan niya sa unang paaralang pinasukan. Inisip na lang ng kanyang magulang na kaya siya na-depress at natakot pumasok ay dahil sa pambu-bully ng mga kaklase noon. Totoo rin naman, pero wala iyon kumpara sa paulit-ulit na ginawa sa kanya ni Mr. Almario.
Naging mapag-isa si Makho. Ang tanging kaibigan niya ay ang Internet, at nakahiligan niya ang pagbabasa ng kung ano-ano sa iba’t ibang forum. Dito niya natuklasan ang blog tungkol sa pakikipagsapalaran ng isang lalaki tungkol sa kanyang kasarian. Dahil sa mga post ng di-nakikilalang writer, naintindihan niya kahit paano ang sarili, ang kanyang mga nararamdaman at maging ang nangyari sa kanya noon.
Ito ang binabasa niya sa cell phone habang naglalakad papunta sa kanyang classroom noong unang araw ng klase sa Holy Spirit. Sa sobrang pagkakatutok sa blog, hindi niya napansin ang isang lalaki sa harap niya. Nabunggo niya ito at bahagyang naitulak sa hagdan.
“Ay, sorry,” sabi ni Makho sa nabunggo.
Lumingon ang lalaki, tiningnan siya saglit, ngumiti nang pilit saka nagpatuloy sa pag-akyat sa hagdan.
Nangilabot si Makho nang makita ang mukha ng taong nabunggo niya. Muntik na niyang mabitawan ang hawak na cell phone. Kamukhang-kamukha kasi ni Mr. Almario ang lalaking estudyante. Wala lang itong bigote at mas makapal nang kaunti ang buhok.
Umikot siya para bumalik sa pinasukang gate. Balak na talaga niyang umuwi at huwag pumasok sa eskuwelahang iyon kung hindi lang naalala ang sinabi sa kanya ng ina. “Tiisin mo na diyan, Anak. `Wag mo namang sayangin `yong pangmatrikula ko sa `yo. Hindi ako tumatae ng pera.”
Kaya muli siyang umikot at naglakad papasok sa gusali kung saan naroon ang kanyang classroom. Pagpasok sa silid-aralan, agad niyang inisa-isa ang mukha ng mga kaklase at hinanap ang lalaking nabunggo. Wala. Nakahinga siya nang maluwag. Pero buong araw niyang iniisip kung sino iyon at kung bakit kamukha ito ng taong nangmolestiya sa kanya noong maliit pa siya.
Muli niyang nakita ang lalaki noong flag ceremony, sumunod ay noong recess, pagkatapos noong lunch break at noong uwian. Parang nananadya ang tadhana at lagi siyang dinadala kung saan naroon ang taong iyon. Hindi naman niya magawang magtanong sa mga tao roon dahil wala pa siyang kakilala at, higit sa lahat, natatakot siya.
Simula nang araw na iyon, naging lihim na misyon na niyang alamin ang pangalan ng lalaking kamukha ni Mr. Almario. Una niyang natuklasan ang section nito na nasa kabilang dulo ng gusali. Sunod niyang nalaman ang pagpunta nito sa Fineski kapag Biyernes at ang hilig nito sa paglalaro ng BORTA. Kaya dinalasan na rin niya ang pagtambay roon para makilala ito.
Inabot ng tatlong buwan bago niya natuklasan ang pangalan ng lalaking nabunggo noong unang araw ng pasukan. Announcement ng honor students para sa First Quarter ng school year. Inisa-isa ng principal ang mga pangalang pasok sa honor roll hanggang sa umabot ito sa kanilang baitang.
“The Grade 9 awardees are as follows: Michelle Joy Magbanua, Karen Lorelyn Reyes, Dexter Karl Lopez, Jenny Mae Dela Cruz, Art Raymond Magtubo, Christian Luis San Mateo, Mary Jane Villareal, Rumi Ann Macapagal, Bernard Policarpio and Jhustin Rex Almario.”
Biglang naghiyawan at nagpalakpakan ang mga estudyante sa pila di-kalayuan sa kinatatayuan ni Makho. Tinapik-tapik ng mga ito ang isang lalaking nakapila sa gitnang hanay.
“Yabang, umabot!” sabi ng babae sa gilid nito.
“Pasok sa banga!” sabi naman ng lalaki sa unahan.
Nang tingnan ni Makho kung sino ang nasa sentro ng atensiyon, nakita niya ang estudyanteng kamukha ni Mr. Almario.
“Almario?” bulong niya sa sarili. “Jhustin Rex Almario.”
Naparalisa si Makho sa kinatatayuan. Bigla siyang nanlamig. Gumapang ang kilabot sa kanyang likod. Pero hindi naman niya maialis ang tingin kay Jhustin. Hindi rin niya maintindihan ang halo-halong nararamdaman nang mga sandaling iyon.
Ang malinaw sa kanya, gaya ng natutuhan niya sa laging pagbabasa ng paboritong blog, may dahilan ang lahat. May dahilan kung bakit sa Holy Spirit siya napunta. May dahilan kung bakit nabunggo niya ang lalaking kamukhang-kamukha ng taong nang-abuso sa kanya noon.