“ANO BA KASI’NG PAGGAGAMITAN MO N’YANG laptop?” tanong ni Jhustin habang nakadapa sa sariling kama.
“Special project ko sa English,” sagot ni Makho. Nakaupo siya sa kabilang kama at nakapatong ang computer sa mga hita. “Nag-request ako kay Ma’am kung puwede akong gumawa ng additional project para tumaas `yong grade ko. Ambaba ko kasi sa composition at recitation. Sabi ko sa kanya, gusto kong masama sa star section next school year.”
“Para magkaklase tayo?”
“Wow, confident kang star section ka?”
“Bugok, star section ako ever since. Confident talaga ako.”
“E, di ikaw na.”
Palihim na pinalitan ni Makho ang wallpaper ng laptop habang nakikipaglokohan sa kaibigan. Pinili niya ang larawan ni Jhustin sa tabi ng dagat, nakatawa habang nakatingin sa malayo. Saglit niya iyong tinitigan. Nang magawa iyon, pinakialaman naman niya ang iba’t ibang folder sa computer.
Pumunta siya sa Picture, sa Music at sa Video para maghalungkat. Wala naman siyang makita maliban sa mga larawan ng pamilya ng kaibigan at ilang dokumento sa trabaho ng nagmamay-ari ng computer noong nabubuhay pa ito.
“Para kang si Papa,” sabi bigla ni Jhustin.
Napatigil sa paghahanap si Makho. Gumapang ang kilabot sa kanyang likod dahil sa narinig. Saka niya napansing pinapanood pala siya ng kaibigan habang nagko-computer. Pinilit niyang ngumiti bago nagsalita. “Talaga?”
“Oo. Ganyan din kasi gumamit ng laptop si Papa. Ayaw n’yang ipatong sa mesa, madalas nasa hita. Kasi nga raw, lap-top, so dapat nasa ibabaw ng lap mo. Pero `pag naman uminit `yong baterya, pinapatong din n’ya sa mesa.” Natawa siya sa sarili.
“A, talaga?”
Nadismaya si Jhustin sa sagot ng kaibigan. Hindi lang niya pinahalata. “Mukhang seryosong-seryoso ka d’yan sa ginagawa mo, a. Sige na, `di na kita aabalahin. Baka ako pa’ng sisihin mo `pag `di ka nasama sa star section sa next school year.”
“Thanks, bro. Wish me luck.”
Binuksan ni Makho ang Microsoft Word at nagsimulang magta-type ng kung ano-ano para lang magmukhang may ginagawa siyang project. Paminsan-minsan, sinusulyapan niya si Jhustin at tinitingnan kung ano ang ginagawa nito. Kapag nahuhuli niya itong nakatingin din sa kanya, ngumingiti siya. Ngumingiti naman ito pabalik.
Pagpatak ng alas-nuwebe ng gabi, kumatok at tumawag mula sa labas ang mama ni Jhustin. Nagkatinginan ang dalawa. Agad na tiniklop ni Makho ang laptop at itinago sa ilalim ng kama kasama ng charger at mouse nito. Nang masigurong nakatago ay saka naman binuksan ng kaibigan niya ang pinto.
“Anak, nag-init ako ng tubig sa `baba,” sabi ng mama ni Jhustin. “May three-in-one coffee sa kusina, saka Milo. Kayo na’ng bahalang magtimpla. Matutulog na `ko.”
“Sige, `Ma, ako na’ng bahala.”
“Thank you po,” sabi ni Makho. “Good night po.”
“Good night din. `Wag kayong magpupuyat masyado. Tuloy n’yo na lang `yan bukas `pag `di kaya.”
“Okay, `Ma. Sweet dreams.” Humalik si Jhustin sa pisngi ng mama niya bago maingat na isinara ang pinto nang makaalis ito. Dahan-dahan niyang pinindot ang lock para hindi masyadong makalikha ng ingay. Binigyan niya ng makahulugang titig si Makho. “Muntik na `yon, a.”