INABANGAN NI MAKHO SI JHUSTIN SA LABAS NG classroom nito para sabayang mag-lunch. Inisip niyang galit pa rin ito sa kanya at baka hindi siya pansinin. Ganoon nga ang nangyari. Dere-deretsong lumabas ang kaibigan niya at hindi man lang siya nilingon. Nagmukha siyang tanga habang pinagtitinginan ng ibang estudyanteng nakapansin sa munting eksenang iyon.
Nagsimula ang bulong-bulungan. May mga natawa. Mayroon ding mga nagpakita ng awa at pakikiramay sa kanilang mga sulyap. Hindi iyon nagustuhan ni Makho. Nilayasan niya ang lugar na iyon at hinabol ang kaibigan. Sinubukan niyang sabayan ito sa paglalakad kahit alam niyang iiwas ito.
Huminto si Jhustin. Huminto rin si Makho. Naglakad si Jhustin. Naglakad din si Makho. Binilisan ni Jhustin ang lakad. Binilisan din ni Makho. Paulit-ulit sila sa ganoong gawi hanggang sa parehong makalabas ng gate ng eskuwelahan.
“Bro, sorry na,” sabi niya habang bumubuntot sa kaibigan. “`Eto, o. Ipagawa mo na `yong phone mo.”
Sinubukan niyang iabot ang five hundred pesos kay Jhustin. Dinedma lang ito ng kaibigang nagpatuloy sa paglalakad pauwi sa sariling bahay. Hindi naman agad sumuko si Makho. Lalo pa niyang binilisan ang paglalakad. Inunahan niya ang hinahabol at humarang sa daraanan nito.
“Dadagdagan ko na lang `pag kulang,” sabi ni Makho. “Kung ayaw mong ipagawa, next month, pramis, bibigyan kita ng pera para makabili ka ng bago.”
Umiwas ng tingin si Jhustin, lumiko pakanan at saka nilampasan ang humaharang sa kanya. Tumigil si Makho sa pag-aalok ng pera, pero hindi sa pagsunod sa kaibigan. Lakad-takbo siyang sumunod hanggang sa bahay nito. Tumigil lang siya nang makaabot sa tarangkahan. Hinabol niya ng tanaw si Jhustin hanggang sa makapasok ito sa loob.
Tirik na tirik ang araw. Walang masyadong puno sa gilid ng kalsada kaya walang masilungan si Makho. Tumulo ang butil-butil na pawis mula sa anit niya pababa sa kanyang leeg. Naghintay pa rin siya sa labas. Sumandal siya sa gate at pinilit pakalmahin ang kumakalam na tiyan. Paminsan-minsan siyang tumitingin sa pinto ng bahay para alamin kung lalabas na ang kaibigan.
Lumipas ang sampung minuto. Labinlima, dalawampu, tatlumpung. Sampung minuto na lang at matatapos na ang kanilang lunch break. Halos walong minuto lang naman ang kailangang gugulin kung bibilisan ang paglalakad pabalik sa eskuwelahan nila. Inasahan niyang lalabas na si Jhustin anumang sandali.
Lumitaw si Jhustin sa may pintuan. Nabuhayan ng dugo si Makho. Kumabog ang kanyang dibdib at pansamantalang natabunan ang pagkalam ng sikmura. Nagkasalubong sila ng tingin. Sa maiksing pagtitinginan nila ay naramdaman niya ang ningas ng pag-asa. Pero agad iyong napawi nang hindi siya pansinin ng kaibigan. Nilampasan siya nito at naglakad sa kaninang dinaanan.
“Sorry na, bro,” halos pabulong niyang sabi. Halata ang pagod at pagmamakaawa sa kanyang tinig.
Napahinto sa paglalakad sa Jhustin. Isang segundo ng panibagong pag-asa. Pero sa halip na harapin si Makho, nagpatuloy ito sa paglalakad at iniwan ang kaibigang naliligo sa sariling pawis.