noveltoon logo noveltoon
Ang Lihim sa Tore ng Sinagtala

Chapter 64

Ch. 64 / 85 Mar 03, 2022

HINDI SUMABAY MANANGHALIAN SI MAKHO KAY Jhustin kinabukasan. Nauna siyang bumaba at pumuntang mag-isa sa Sizzling Haus para kumain. Tinext naman niya ang kaibigan para sabihing hindi siya makakasabay.

Balak din sana niyang huwag makipagkita pagkatapos ng klase, pero hindi siya nakatiis. Ilang araw na lang din kasi at magtatapos na ang klase. Dadalang na ang pagkikita nilang magkaibigan kapag nagsimula ang bakasyon.

Inabangan niya si Jhustin sa may guardhouse malapit sa gate ng kanilang paaralan. Mag-aalas-singko na nang dumating ang kaibigan niya.

“Sorry, cleaners,” paliwanag nito. “Um-absent kasi `yong dapat na cleaner ngayon. Ako tuloy ang pinaglinis.”

“`Kala ko iindyanin mo `ko.”

“`Di ako gano’n. Ano, tara?”z

“Ano kasi...” Napakamot sa ulo si Makho. Bigla itong nagpakita ng hiya sa kasama. “Puwede bang pass muna sa tambay? Uwi sana ako ngayon nang maaga. Next week na lang tayo umakyat kay Rapunzel.”

“Hala s’ya. Anong meron?”

“Maghahabol kasi ako ng requirements, daming gagawin.” Iniwasan ni Makho ang tingin ng kaibigan. “Hinintay lang talaga kita kasi `di kita nasabayang kumain kanina.”

Napangiti si Jhustin. “Okay, sige, gets ko naman. Kung kailangan mo ng tulong, sabihan mo lang ako. Kahit pa pumunta ako sa inyo, ayos lang sa `kin.”

Ngumiti si Makho. “May hihingin pala akong favor, kung okay lang sa `yo.”

“Anything, `wag lang pera.”

Hindi natawa si Makho sa joke. Wala kasi sa sinabi ng kaibigan ang isip niya. Nasa ibang bagay. Nasa pabor na balak niyang hingin dito. Nag-aalangan kasi siya kung paano iyon sasabihin at kung mapapapayag ba si Jhustin.

“Bro...” Pilit ang ngiti sa kanyang mukha. Lumakas ang kabog sa kanyang dibdib. “Okay lang bang mahiram `yong laptop n’yo?”

Nanlaki ang mga mata ni Jhustin habang bahagyang nakabuka ang bibig. Nag-aalangan ito sa susunod na sasabihin.

“Kahit sa inyo lang,” dugtong ni Makho. Inunahan na niya ang kaibigan bago pa ito makatanggi sa kanya. “`Di ko ilalabas, pramis. Ang dami ko pa kasing isa-submit na papers. Ayoko namang gumawa sa Fineski. Maingay kasi do’n saka madilim.”

Nakanganga pa rin si Jhustin, pero hindi na nanlalaki ang mga mata niya. Nag-aalangan pa rin itong magbigay ng sagot sa kaibigan.

“Please, bro. `Di ko ilalabas ng kuwarto mo. Kahit bantayan mo pa `ko habang gumagawa. Sige na, please?”

“Bukas mo na ba kailangan?”

“Hindi, bro. Kahit sa weekend na lang. Punta uli ako sa inyo sa Sabado.”

Kinagat ni Jhustin ang ibabang labi at napatingin sa gilid, nag-iisip. “`Di ko mapapramis, ha? Pero, sige, punta ka na lang sa `min sa Sabado. Try kong itakas `yong laptop sa kuwarto ni Mama. `Lam mo naman `yon, ayaw na ayaw ipagalaw `yong mga gamit ni Papa.”

“Yes!” Napataas pa ang dalawang kamay ni Makho. Yayakapin na sana niya ang kaibigan kung hindi lang sa guwardiyang napatingin sa direksiyon nila. “Thanks, bro. You’re the best.”