GRADE 5 SI JHUSTIN NANG MAMULAT SA kamunduhan, at ang nagpamulat sa kanya ay walang iba kundi ang kanyang kuya.
Madaling-araw noon at maalinsangan ang panahon. Naalimpungatan si Jhustin. Bababa sana siya sa kusina para uminom ng tubig, pero natigilan siya nang makarinig ng kumakaluskos sa loob ng kuwarto. Pagbaling niya sa direksiyon ng kapatid, nakita niyang balot na balot ito ng kumot kahit mainit. At ang pinakaipinagtaka niya ay ang malikot na gumagalaw sa loob ng kumot.
Kinabahan siya. Inaninag niya ang mukha ng kapatid. Nakapikit naman ito, pero hindi niya mabasa ang hitsura dahil madilim. Sa takot na baka nangingisay na sa taas ng lagnat ang kuya niya, tumayo siya at pinuntahan ito sa kama.
Hinawakan niya ang braso ng kapatid. “Kuya, ayos ka lang?”
Napaatras bigla sa pader ang kanyang kapatid. Naipit naman ng braso ni Jhustin ang kumot, dahilan para lumitaw ang itinatago ng kuya niya sa likod nito. Bahagyang nakababa pa ang salawal nito at nakalitaw ang ari. Siya naman ang napaatras dahil sa bagay na tumambad sa harap niya.
“Potek!” Agad na itinaas ng kapatid niya ang salawal nito. “Ba’t gising ka pa?”
Hindi nagsalita si Jhustin.
“Matulog ka na nga!”
Hindi siya umalis sa kinapupuwestuhan. “Ano’ng ginagawa mo, Kuya?”
“Wala kang pake. Bumalik ka na sa kama mo!”
“Akala ko kasi kinokombulsyon ka na kanina.”
“Nagkakamot lang ako ng singit, makati kasi. Matulog ka na.”
Hindi na nakuha pang bumaba ni Jhustin para uminom. Sinunod niya ang utos ng kapatid at bumalik sa paghiga sa sariling kama para matulog.
Kinaumagahan, bago pa mag-almusal, ubos na ni Jhustin ang baso niya ng orange juice. Hindi pa siya nakontento. Sa tindi ng uhaw, kumuha pa siya ng tubig sa ref at muling uminom.
“Bakit inom ka nang inom?” tanong ng papa niya. “Mabubusog ka kaagad niyan. Baka `di ka na makakain ng almusal.”
“Init kasi kagabi, `Pa,” sagot ni Jhustin. “`Di ako nakainom ng tubig kaninang madaling-araw.”
“Natakot ka na namang bumaba mag-isa?”
“Hindi, `Pa. Pinagbawalan kasi ako ni Kuya na bumaba. Nahuli ko kasi siyang nagkakamot ng singit habang nakatakip ng kumot. Akala ko kinokombulsyon na. `Ayun, pinagalitan ako.”
Biglang namutla ang kuya niyang tahimik na kumakain sa mesa. Ang mama naman nila, natigil bigla sa pagluluto ng itlog. Napabulalas naman ng tawa ang kanilang papa. Muntik pa nitong matapon ang kapeng iniinom.
“Nagkakamot ba `kamo?” tanong nito sa bunsong anak. “Habang nakakumot?”
Tumango si Jhustin habang ngumunguya ng hot dog. “Nakita ko `yong hot dog ni Kuya no’ng nilapitan ko s’ya. Galit na galit pa nga, eh.”
Lalong lumakas ang tawa ng kanilang ama. Hindi naman maipinta ang mukha ng kanilang ina. Umalis sa mesa ang nakatatanda niyang kapatid at umakyat sa kanilang kuwarto. Dinig sa kusina ang malakas na pagbalibag ng pinto.