NAUNANG LUMABAS NG CLASSROOM SI JHUSTIN kinabukasan. Hinintay niyang dumating si Makho sa kanilang tagpuan sa guardhouse. Sabik na siyang sabihin dito ang kanyang plano para bukas, araw ng Biyernes.
Nang matanaw ang paparating na kaibigan, abot-tainga ang ngiti niyang kinawayan ito mula sa kinatatayuan. Kumaway rin naman pabalik si Makho. Nagulat na lang siya nang biglang may mag-react sa gilid niya.
“Yihee!” sabi bigla ng guwardiyang nasa gate.
“Grabe ka, kuya,” natatawang sabi ni Jhustin.
Kinindatan siya nito habang nakangisi.
Pagkaakbay sa kanya ni Makho ay sabay silang naglakad palabas ng eskuwelahan. Nilampasan nila ang gate ng simbahan at dumeretso sa sakayan ng tricycle.
“Bad news,” sabi ni Jhustin.
Nalukot ang mukha ni Makho. “Aw, `di puwede?”
“Let me finish.”
“Fire away, bro.”
“Hindi ko pa sure kung makukuha ko `yong laptop sa kuwarto ni Mama. Wala kasi si Kuya so wala akong makakakutsaba. Ang good news...” Binigyan niya ng makahulugang tingin ang kasama. “Pumayag si Mama na mag-overnight ka sa `min bukas. Ikaw na lang `yong partner in crime ko sa halip na si Kuya. Ano, game?”
Halos hindi na nag-isip si Makho. Buo na agad ang kanyang pasya. “Game.”