noveltoon logo noveltoon
Ang Lihim sa Tore ng Sinagtala

Chapter 71

Ch. 71 / 85 Mar 03, 2022

TAONG 2008. SA MABABANG PAARALAN NG Mapulang Lupa.

Nasa loob ng isang cubicle si Makho at nakaupo sa inodorong may takip. Basa ng pawis ang puti niyang T-shirt. Basa ng ihi ang suot niyang salawal na pamasok. At basa ng luha ang kanyang mukha. Pahikbi-hikbi siya, pinipigilang may makarinig sa kanya.

May pumasok sa banyo at dumeretso sa katabing cubicle. Tinakpan niya ng dalawang kamay ang bibig. Tumulo naman ang uhog niya at gumapang sa ibabaw ng kanyang kamay. Humalo na rin ang luha sa kanyang uhog. Pinigilan niyang maiyak sa takot na marinig siya ng bagong dating. Nabigo siya.

“Hello? Ayos ka lang?” tanong ng pumasok sa CR. Boses ng isang batang lalaki.

Hindi siya sumagot. Hindi na rin nagtanong ang nasa kabilang cubicle.

Flush. Gripo. Tubig. Umalis ang batang gumamit ng banyo. Bahagyang nakahinga nang maluwag si Makho. Pinunasan niya ang pinaghalo-halong luha, pawis at uhog sa kanyang kamay at mukha gamit ang laylayan ng suot na T-shirt. Saka siya nagpatuloy sa pag-iyak.

“Makho?” sabi ng isang pamilyar na tinig. Boses iyon ng isang lalaki.

Napatakip na naman ang mga kamay niya sa kanyang bibig kahit alam niyang nahuli na siya.

“Makho?” Kumatok ang lalaki sa cubicle. “Makho, buksan mo `to.”

Hindi siya natinag sa pagkakaupo sa nakatakip na inodoro.

“Makho, buksan mo `to.”

Tuluyan nang pinakawalan ni Makho ang pinipigilang iyak. Lalo namang lumakas ang katok ng lalaki sa cubicle. Umaalingawngaw. Para iyong kulog sa loob ng maliit na banyo ng paaralan. Walang batang natutuwa sa kulog, kaya napatayo si Makho at isiniksik ang sarili sa pader, sa gilid ng inidoro.

Biglang tumahimik. Nawala ang kulog. Ang mga paa sa ilalim ng pinto ng cubicle ay naglakad palabas ng banyo. Saka lang siya nakahinga nang maluwag.

Bumilang ng hanggang isandaan si Makho sa isip. Nang walang ibang pumasok pagkatapos niyang magbilang ay saka niya tinanggal sa pagkakakawit ang pinto at lumabas ng cubicle. Dahan-dahan siyang naglakad palabas ng banyo na parang magnanakaw na nanghihimasok sa bahay ng iba tuwing gabi.

Hindi na nakapalag si Makho nang biglang may humablot sa kaliwa niyang braso at takpan ng malalapad na kamay ang kanyang bibig.

Si Mr. Almario.

“Makho, `wag kang iiyak. Tatanggalin ko `yong kamay ko, ha? `Wag kang iiyak.”

Nangingilid ang luha, napilitang tumango si Makho.

Dahan-dahang tinanggal ni Mr. Almario ang kamay sa bibig ng bata, pero nakahawak pa rin siya sa braso nito. “Very good. Bakit nandito ka pa? Kanina pa kita pinauwi, `di ba?”

Hindi siya sumagot.

Napabuntong-hininga ang guro. “O, s’ya. Tara sa classroom ko. Kukunin ko lang `yong mga gamit ko’t ihahatid na kita sa labas.”

Akay-akay siya ng guro nang dalhin sa classroom nito sa pinakadulong bahagi ng gusali. Pumasok sila at saka ikinandado ni Mr. Almario ang pinto. Madilim sa loob, palibhasa ay papagabi na rin. Nakita niya ang isang laptop computer sa ibabaw ng mesa. Makintab iyon at mukhang bagong bili pa lang.

“D’yan ka lang, ha?” sabi ng guro. “Aayusin ko lang `tong gamit ko.”

Tahimik na tumayo si Makho sa gilid ng mesa habang pinapanood ang guro sa pag-aayos ng mga gamit. Nakita niyang naglabas ng kurdon si Mr. Almario mula sa bag nito, isinuksok ang isang dulo sa cell phone at ang kabila naman ay sa isang port ng computer. Nagpipindot ito saglit saka huminto para titigan ang screen.

Sumilip si Makho sa ginagawa ng kasama. Nakita niya ang video. Agad itong isinara ng guro nang mapansing sumisilip siya. Pagkasara, pumunta ito sa isang folder at may kinaladkad na file papunta sa Desktop. Nang mailipat ang file ay agad nitong pinatay ang computer, tiniklop at isinuksok sa bag.

“Tara,” sabi ni Mr. Almario. Hinawakan muli nito sa braso si Makho at sabay silang lumabas ng silid-aralan.

Palabas na sila ng gate nang makita nito ang panganay na anak na nakaupo sa bangkong nakalaan para sa mga sumusundong magulang. “Anak ng... ba’t `andito ka pa? `Di ba, sabi ko sa `yo mauna na kayo ng mama mo?”

“`Pa!”

Nabitawan ni Mr. Almario ang kasamang estudyante nang yumakap sa kanya ang anak. Nang makawala sa pagkakahawak, biglang tumakbo si Makho palabas ng eskuwelahan. Narinig pa niya ang pagsigaw ng guro sa kanyang pangalan, pero nagpatuloy lang siya sa pagtakbo nang hindi lumilingon sa pinanggalingan.