ITO ANG UNANG PAGKAKATAONG NANATILI SINA Makho at Jhustin sa tuktok ng tore kahit kanina pa lumubog ang araw. Binalot na ng dilim ang bukirin sa bayan ng Sinagtala at naging malaking anino na lamang ang Sierra Madre sa malayo. Mistulang mabababang bituin naman ang mga ilaw na nagmumula sa mga bahay at poste sa ibaba.
Mabilis na naubos ni Makho ang dalang pagkain ni Jhustin. Sa pagdighay ay nalasahan pa niya ang kinaing manok. Lalo pa siyang natuwa nang makitang pineapple juice ang kasamang inumin at hindi Coke.
“In-upgrade ko sa juice,” sabi ni Jhustin. “Baka kasi ayaw mo ng soft drinks.”
“Thanks, bro,” sabi niya.
“Pasensiya na kanina, pinahirapan kita. Gusto ko lang malaman kung seryoso ka.”
“Wala `yon. Deserve ko naman.” Dumukot si Makho sa bulsa at inilabas ang limandaang piso. “`Eto, kunin mo na.”
“Itabi mo na `yan. Wala akong balak ipagawa `yong phone ko. Gumagana pa naman, may lamat nga lang. At least `pag kaharap ko `yong phone ko, hindi lang si Papa ang maaalala ko, pati na ikaw.”
Napayuko si Makho. Natahimik. Napansin iyon ni Jhustin.
“Ba’t ba ang OA ng reaction mo no’ng makita mong binibidyuhan kita?”
Napatitig si Makho sa mga mata ng kaibigan. Sasabihin ko na ba? Bumilis ang tibok ng kanyang puso. Nanuot ang lamig ng hangin sa kanyang balat. At lalo namang tuminis sa kanyang pandinig ang sigaw ng mga paniki sa paligid.
“Okay ka lang?” tanong ni Jhustin.
“Ayos lang, bro. Sorry, may trauma kasi ako sa video.”
“Anong trauma?”
Saglit na natahimik si Makho. Huminga siya nang malalim bago nagsalita. “`Di ko puwedeng sabihin, bro. Masyado kasing personal.”
“A, sige.” May pagsuko sa boses ni Jhustin. “Para ka palang kuya ko. `Pag natapatan ng camera, bigla na lang napa-paralyze. Kaya siguro ilag s’ya sa `yo, pareho kayong may something sa video.” Isang pilit na tawa.
Hindi naman nag-react si Makho. Parang wala sa sarili. Ang katawan niya ay nakaupo sa ilalim ng kampana, kasama ng kanyang kaibigan, pero ang isip ay lumilipad sa kung saan. Kung hindi pa siya kawayan ni Jhustin, hindi siya kikibo.
“Sure kang okay ka lang? Gutom ka pa ba?”
“`Di, bro. Busog na.”
“May nasabi ba `kong masama?”
“Wala... wala naman.” Parang wala pa rin sa sarili si Makho. Naiilang siya. Umayos siya ng upo, tiningnan sa mukha ang kasama at muling huminga nang malalim. “Bro, ganito na lang. Bilang nasira ko `yong phone mo, sasabihin ko sa `yo `yong isa kong secret.”
Umayos din ng upo si Jhustin. Bahagya siyang dumukwang sa kaibigan. “`Di ko tatanggihan `yan.”
“Sasabihin ko sa `yo kung pa’no ko natuklasan `tong lugar na `to.” Mahina ang boses ni Makho. Pabulong. Akala mo ay may ibang makakarinig sa kanila roon. “Naalala mo ba `yong sabi ko sa `yo dati? Na nag-stop ako ng pag-aaral dahil na-depress ako?”
Tumango si Jhustin.
“Bro, umabot ako sa point na gusto ko nang magpakamatay.”
“Seryoso? No’ng elementary ka nito, `di ba? Naisip mo talaga `yon no’ng bata ka?”
“Oo, bro. No’ng down na down na talaga ako, pumunta ako dito sa simbahan para magdasal. Para humingi ng tulong kay Lord. Pumunta ako sa may sacristy. Nilapitan ko `yong pari do’n, `ta’s sabi ko, ‘Father, me problema po ako. Puwede n’yo po ba akong matulungan?’ Kaso magsisimula na pala `yong misa kaya sinabihan ako n’ong pari na bumalik na lang pagkatapos.
“Naglakad-lakad ako sa labas. Balak ko nang tumakbo talaga sa kalsada para magpasagasa. Ang bigat-bigat at ang sakit-sakit na ng dibdib ko. Ang daming tumatakbo sa isip ko. Ang hirap talaga, bro. Sobra. Noong papunta na `ko sa kalsada, biglang tumunog `yong kampana. Napatingin ako dito sa tore, saka ko naisip na umakyat para dito gawin `yong plano ko.
“Hinanap ko `yong daanan paakyat. Bumalik ako sa simbahan at nag-ikot-ikot. Napunta ako do’n sa may tunnel, `ta’s nakita kong may mamang lumabas sa maliit na pinto. `Di ko alam kung pa’no pero na-feel ko na s’ya `yong kampanero. Ang ginawa ko, hinintay ko s’yang makalayo saka ako pumasok do’n sa pintong nilabasan n’ya.
“Habang umaakyat ako sa hagdan, iniisip ko `yong magiging hitsura ko `pag tumalon ako mula sa `taas at bumagsak sa lupa. Kahit ang papangit ng naiisip ko, wala talaga akong pake. Sobrang sikip na ng dibdib ko no’n, parang sasabog. Gusto ko na lang matapos ang lahat. Kaya tumakbo ako paakyat.
“Tatalon na talaga ako. As in kaunting-kaunti na lang, mga isang dangkal na lang siguro `yong layo ko sa edge. Pero `di ko itinuloy. Natigilan ako bigla. Alam mo kung ano `yong pumigil sa `kin sa pagtalon?”
“Ano?” tanong ni Jhustin.
“`Yong araw. Medyo nasilaw ako sa papalubog na araw. Napahinto ako sa pagtakbo. `Ta’s nakita ko `yong langit, iba-iba `yong kulay. Saka `yong green na green na bukid. `Tapos ang presko pa ng hangin. Nilibot ko `yong mga mata ko. Nakita ko `yong mga puno, mga ibon, `yong Sierra Madre, `yong mga taong naglalakad, `yong mga bahay, `yong mga sasakyan. Ang ganda lang.
“Naisip ko, parang ang payapa ng lahat `pag `andito ka sa `taas. Kumalma ako bigla. I mean, masakit pa din `yong dibdib ko. Parang sasabog pa din. Pero `yong isip ko, biglang lumiwanag. Parang may sumampal sa `kin, `tapos natauhan ako. Sabi ko sa sarili ko, ‘Magpapakamatay ako dahil sa kanya? Iiwan ko `tong magandang mundo dahil lang do’n?’ No way, bro.
“`Ayun, `di ko `tinuloy. Naupo na lang ako d’yan sa may arko. Pinanood ko `yong sunset gaya ng ginagawa natin lagi `pag uwian.”
Tumigil sa pagkukuwento si Makho. Nilingon niya ang arkong nakaharap sa kanluran at pinagmasdan ang karimlan sa abot-tanaw. May mangilan-ngilang tala sa kalangitan pero wala ang buwan.
“Naduwag ako,” sabi niya sa muling pagharap kay Jhustin. “Sumuko na `ko sa buhay. Pati kamatayan, sinukuan ko din.”
“Pero `di ka sumuko sa `kin kanina,” sabi ni Jhustin.
Ngumiti si Makho, ngiting dulot ng magkahalong lungkot at ligaya. Gustong-gusto na niyang yakapin ang kaibigan, pero hindi pa rin niya itinuloy. Naduwag na naman siya.