noveltoon logo noveltoon
Ang Lihim sa Tore ng Sinagtala

Chapter 72

Ch. 72 / 85 Mar 03, 2022

SA WAKAS, NAKITA NA NI MAKHO ANG KANYANG hinahanap, pero hindi niya magawang tingnan iyon nang matagal. Dalawang segundo pa lang ang lumilipas pagkabukas niya ng file, agad din niyang isinara. Pinatay niya ang laptop, tiniklop at niyakap. Kahit mainit sa pakiramdam ang baterya ng computer na nakadikit sa kanyang balat, hindi pa rin mapigilan ang pangangatog ng kanyang katawan.

Tinanaw niya ang kaibigang natutulog. Nakaharap pa rin ito sa bintana. Hindi kumikislot. Hindi rin naghihilik. Hindi niya tuloy matukoy kung himbing na ito o gising at pinapakiramdaman lang ang bawat kilos niya.

“Jhustin,” tawag niya, pabulong pero may diin.

Walang sagot.

“Bro, gising ka pa?”

Katahimikan.

Sinamantala ni Makho ang pagkakataon. Maingat niyang kinuha ang kanyang bag at isinilid doon ang mga papel at panulat, pati na rin ang laptop. Maya’t maya siyang lumilingon kay Jhustin para tiyaking mahimbing pa rin itong natutulog.

Nang matiyak na nasa bag na ang lahat ng kanyang gamit, tumayo siya at dahan-dahang naglakad papunta sa pinto. Marahan niyang pinihit ang doorknob habang nakapindot ang isang daliri sa kandado. Kahit ingat na ingat ay lumikha pa rin iyon ng katiting na ingay. Napatingin siya sa kaibigan. Tulog pa rin.

Marahan niyang binuksan ang pinto. Lumangitngit. Tumingin uli siya kay Jhustin. Wala pa rin itong reaksiyon. Saka siya lumabas ng kuwarto at tahimik na bumaba ng bahay. Habang nasa hagdan ay hindi niya napigilang lingunin ang mga larawang nakakabit sa dingding. Tinitigan niya saglit ang kuha ng buong pamilya, saka ibinaling ang tingin sa larawan ng ama .

May bumara sa kanyang lalamunan. Nanakit ang kanyang batok. Parang nagsipag-akyatan ang lahat ng dugo niya sa ulo. Saglit na nagdilim ang kanyang paningin. Huminga siya nang malalim saka nagpatuloy sa paglisan.

“Sorry, bro,” bulong niya bago buksan ang pinto sa sala at tuluyang lumabas ng bahay ng kaibigan.

Pagdating sa gate, huminto siya at tinanaw ang bintana sa kuwarto ni Jhustin. Marahil ay nakaharap pa rin doon ang kanyang kaibigan habang natutulog. Napabuntonghininga na naman siya. Pumikit siya saglit na parang nagdarasal saka muling dumilat. Kinapa niya ang laptop sa kanyang bag bago tuluyang lumabas ng tarangkahan.

Sinalubong siya ng malamig na hangin sa kalsada. Nilanghap niya iyon at nakilala ang amoy ng dama de noche sa hangin. Inilibot niya ang tingin para hanapin ang halamang namumukadkad kapag gabi. Sa halip na iyon ang makita, isang tao ang tumambad sa kanya.

Nakatayo hindi malayo sa kanyang gilid ang kuya ni Jhustin.

Gumapang ang kilabot sa kanyang batok, pero hindi niya ipinahalata sa kasama ang takot o pagkagulat. Humarap siya rito at nakipagpalitan ng titig. Parehong walang nagsasalita at walang umaalis sa kanilang kinatatayuan. Kumakabog man ang dibdib, hindi nagpadala sa kaba si Makho. Nakipagmatigasan siya sa kaharap.

Pipigilan mo ba `ko? O tatahimik ka na lang uli tulad ng dati? Kung balak mo `kong pigilan, gawin mo na. Hindi kita uurungan. Hindi ko `to ibibigay sa `yo. Hindi na kita papayagang ituring ako na parang multo. Ang tagal kong nagdusa. Ang tagal kong tiniis ito. At ikaw? Wala kang ginawa. Hindi mo `ko tinulungan noon, kaya di na `ko umaasang tutulungan mo ako ngayon.

Gusto niyang isigaw ang lahat ng ito sa taong kaharap ngayon, pero hindi niya ginawa. Pinairal niya ang katahimikan, ang pansamantalang kapayapaan tulad ng sa mata ng bagyo. Hinintay niya kung ano ang gagawin nito. Limang segundo. Sampu. Dalawampu. Isang minuto. Habang tumatagal ay humihina ang kabog sa kanyang dibdib. Nasasanay na siya sa tensiyon.

Muli niyang kinapa ang laptop na nasa loob ng kanyang bag. Nakita niyang sinundan ng tingin ng kuya ni Jhustin ang kanyang kamay. Napakapit siya nang mahigpit sa strap ng backpack.

Hindi mo `to makukuha sa `kin.

Nangungusap ang kanilang mga titig. Nagpapakiramdaman. Nag-aabang kung sino ang unang kikilos nang masama. Muli namang lumakas ang tibok ng puso ni Makho nang magsimulang humakbang ang tao sa harap niya. Isa, dalawa, tatlong hakbang. Dalawa pa at magkakadikit na sila.

Apat... lima...

Dumeretso ang kuya ni Jhustin sa nakabukas na gate at tahimik na pumasok sa loob. Naiwan si Makho sa gilid ng kalsada, nagtataka at nangangatog ang mga kalamnan. Tumulo ang malamig na butil ng pawis sa kanyang leeg at napalunok siya ng laway.

Muling umihip ang banayad na hangin, bitbit na naman ang halimuyak ng dama de noche. Huminga siya nang malalim at nilanghap ang pamilyar na amoy. Saka siya tumakbo palayo sa bahay ng kanyang kaibigan nang hindi lumilingon sa pinanggalingan.