noveltoon logo noveltoon
Ang Lihim sa Tore ng Sinagtala

Chapter 62

Ch. 62 / 85 Mar 03, 2022

HINDI NALIGAW SI JHUSTIN. ALAM NIYA ANG address na ibinigay sa kanya ng kaibigan. Sa dalas niyang mapadaan sa kalsadang iyon noong bata pa siya, hindi malayong baka nagkasalubong na sila noon ni Makho at hindi lang nila alam.

Sa Gen. Luna Street ang daan papunta sa dating pinagtatrabahuhan ng mama at papa niya. Kulang isandaang metro pagkalagpas ng Bisita ng Sabang ay sasalubong na agad ang arko ng Buguias: “Tuloy po kayo” ang nakasulat sa harap at “Balik po kayo” naman sa likod. Sa bayang iyon matatagpuan ang Mababang Paaralan ng Mapulang Lupa, ang lugar kung saan nagkakilala at nagkatuluyan ang kanyang mga magulang.

Agad na nakita ni Jhustin ang tindahan ni Aling Ine mula sa loob ng sinasakyang tricycle. Doon mismo sa tapat ng tindahan siya nagpababa sa driver. Madali rin niyang nakita ang pulang gate na tinutukoy ni Makho. Mababa lang iyon, tulad ng sa kanila, at puwedeng dungawin ang nasa loob kapag nakatingkayad. Mayroon ding mababang bakod na napapalamutian ng mga pulang santan sa harap.

Siniguro ni Jhustin na walang dumaraan sa kalsada bago tumawid. Nang makarating sa gate, sinilip muna niya ang looban. Isang bungalow na walang pintura ang bahay ni Makho. May dalawang bintanang jalousie sa harap at malapit dito ay ang pintong yari sa kahoy. Malinis ang bakuran at napapalibutan ng mga pas ô . Hindi niya matukoy ang mga bulaklak na nakatanim doon maliban sa dalawang pas ô ng rosas.

Humanap siya ng doorbell sa gilid ng gate. Wala. Nahiya naman siyang kalampagin iyon o kaya ay sumigaw kaya tinawagan na lang niya uli si Makho.

“Bro,” sagot ng kaibigan niya, “naligaw ka?”

“Hindi. `Andito na `ko sa labas ng bahay n’yo.”

“Oh, shoot, ambilis mo. Saglit, magsho-shorts lang ako.”

Si Jhustin pa ang nahiya sa sinabi ng kaibigan. Hindi naman niya napigilan ang isip na mag-imagine: Naka-briefs lang kaya siya? Bakit wala siyang suot na salawal? Ano’ng ginagawa niya?

Bago pa mapunta sa kung saan ang kanyang isip, narinig niyang bumukas ang pinto ng bahay. Narinig niya ang pamilyar na yabag ng mga paa ni Makho. Parang kinakaladkad ang suot na tsinelas. Ilang saglit pa at lumangitngit na ang pulang gate habang binubuksan iyon ng kanyang kaibigan.

“Bro, pasok,” sabi ni Makho.

“`Musta?” bati ni Jhustin. Napansin niya ang kakaibang amoy ng kaibigan. Amoy-Vicks VaporRub. Pero mas napansin niya ang suot nito. Nakade-garter itong salawal na kulay-pula at itim na tinernuhan ng puting sando na may print na smiley sa harap. Nakabuyangyang ang mga braso ni Makho.

“Okay-okay na. Bukas makakapasok na `ko. Tara sa loob.”

Sumunod siya sa kaibigan. Pagdating sa pinto ay hinubad niya ang suot na sapatos bago pumasok. Agad naman siyang pinahiram ni Makho ng tsinelas.

Wala ring pintura ang loob ng bahay ng kaibigan niya, pero maaliwalas tingnan dahil maayos ang pagkakalagay ng mga gamit. May isang sofa at dalawang maliit na upuang yari lahat sa kawayan. Pinatungan naman iyon ng maliliit na unang may bulaklaking punda. Walang hati ang sala at kusina kaya kita na agad ang lutuan, lababo at ang bilog na mesa sa gitna.

“Pasensiya na, ha? Maliit lang ang bahay namin.”

“Pasensiya ka d’yan?” sabi ni Jhustin. “`Di naman ako nag-e-expect ng mansiyon.”

“Aw, grabe. So mahirap lang talaga ang tingin mo sa `kin?”

Sumimangot si Jhustin at saka tumigil sa paglalakad.

“Joke lang, bro. `To naman.”

Inakbayan siya ni Makho. Naramdaman niya ang mainit at mabigat na braso nito sa kanyang balikat. May sinat pa rin. Pero wala roon ang isip niya. Nasa ibang init. Lalo pang lumikot ang kanyang imahinasyon nang hatakin siya ng kaibigan papasok sa pinto ng kuwarto nito.