TAONG 2010.
Sabado. Birthday ng kuya ni Jhustin. Maaga siyang gumising para sorpresahin ito. Bumili siya ng ternong sando at shorts na pang-basketball sa palengke kahapon. Kulay-pula iyon na may puting guhit sa magkabilang gilid. Bumili rin siya ng magandang paper bag para isilid doon ang ipanreregalo sa kapatid.
Dahan-dahan niyang kinuha ang regalo sa ilalim ng kama at tahimik na naglakad papunta sa puwesto ng kapatid. Nakaharap ito sa dingding at naghihilik pa. Ipinatong niya ang paper bag sa tabi ng unan nito para agad na makita kapag dumilat. Saka niya inilabas ang cell phone mula sa kanyang bulsa, pinagana ang video camera at itinutok sa natutulog pang kapatid.
“Kuya!” sigaw niya. Umalingawngaw sa buong kuwarto ang pagtawag niya sa kapatid.
Napabalikwas ang kuya niya sa kama at dilat na dilat ang mga matang humarap sa kanya. Hindi nito napansin ang kanyang regalo. Sa halip, napatutok ang tingin nito sa hawak niyang cell phone.
Biglang nanigas ang kuya niya at nanlaki ang mga mata. Tawang-tawa naman si Jhustin habang kinukunan ng video ang kapatid.
“Happy birthday, Kuya!” bati niya. “Ano ka ngayon? Ba’t `di ka makagalaw sa puwesto mo? May regalo ako sa `yo. `Ayan, o.” Itinutok niya ang camera sa paper bag at ibinalik sa mukha ng kapatid. “Ano na? Ba’t naparalisa ka d’yan? Buksan mo na `yong regalo ko, dali!”
Masayang-masaya si Jhustin sa pambubuwisit sa kanyang kuya nang biglang bumukas ang pinto ng kuwarto at magkasunod na pumasok ang mama at papa nila na may dalang kuwadradong chocolate cake. Nakatulos doon ang isang maliit na kandila.
“Happy birthday to you! Happy birthday to you!”
Habang sabay-sabay silang umaawit; nakatitig lang ang kanyang kapatid sa camera. Hindi pa rin ito natitinag sa puwesto. Hindi rin nito hinipan ang kandila sa cake kahit natapos na ang kanta. Sinaway lang si Jhustin ng kanyang ina kaya napilitan siyang itigil ang pagkuha ng video.
Nang maibulsa ang cell phone, saka hinipan ng kuya niya ang kandila. Pagkatapos, agad itong bumalik sa paghiga at nagtalukbong ng kumot.