SOLO NA NAMAN NILA ANG KUWARTO NANG tanghaling iyon. Pumasok lang saglit ang kuya ni Jhustin para kunin ang cap at pitaka nito, pagkatapos ay umalis din agad.
“Dito ka na lang kaya tumira para laging mabait si Kuya,” nangingiting sabi ni Jhustin sa kaibigan.
“Puwede ba?” sabi ni Makho. “Kung okay lang sa mama mo saka sa kuya mo, game ako d’yan. Ngayon din mismo lilipat ako.”
Natawa na lang si Jhustin, pero hindi nakitawa ang mga mata niya. Sa isip niya ay naglalaro ang iba’t ibang tanong: Puwede ko nga kayang makasama palagi si Makho? Magagalit kaya siya kapag sinabi kong higit pa sa kaibigan ang tingin ko sa kanya? Hanggang kailan kaya kami ganito? Darating kaya ang panahong maghihiwalay kami? Puwede bang maging masaya na lang ako palagi kasama niya?
Pinagmasdan niya ang kaibigan habang inihahanda nito ang yellow pad at ball pen na gagamitin sa draft ng final paper sa English. Sinundan niya ang galaw ng mga kamay nito at inisip kung ano ang pakiramdam niyon. Magaspang ba o makinis ang mga palad niya? Pasmado kaya? Ano ba ang feeling ng may ka-holding hands?
Gusto kong maka-holding hands ka.
Sumulyap sa kanya si Makho, naiilang. “Nakatingin ka na naman.”
“Sorry. Tara, start na tayo.”
Kinuha ni Jhustin ang bag na nakapatong sa ibabaw ng kama at kinuha sa loob niyon ang sariling papel at ball pen. Naupo siya sa tabi ni Makho. Sahig ang kanilang silya at kama ang mesa. Tinitigan nila ang kanya-kanyang papel at sinimulang paduguin ang utak sa pag-iisip ng isusulat doon.
Ilang minuto silang nanatiling nakatitig sa papel, hirap na hirap sa pag-uumpisa. Naunang magsulat si Makho. Nakaisang talata muna siya nang makapagsimula na rin si Jhustin. Nagtuloy-tuloy ang pagbuhos ng mga salita nang masimulan nila ang pagsusulat. Paminsan-minsan silang tumitigil at nag-iinat pero babalik din agad sa pagyuko sa ibabaw ng papel.
Naunang makatapos si Jhustin makalipas ang isa’t kalahating oras. Pinanood niya si Makho habang nakatutok ito sa ginagawa. Nakagaan sa kanyang kalooban na makitang seryosong-seryoso ang kaibigan sa pagsusulat. Palihim siyang natuwa. Kapag kasi mataas ang nakuhang marka ni Makho, hindi malayong mapasama ito sa star section sa susunod na taon. Magiging magkaklase na sila sa wakas.
Araw-araw silang magkikita at magkakasama sa loob ng silid-aralan. May makakakuwentuhan at makakaharutan na siya palagi na hindi pikon at hindi boring kasama. Makakapagkopyahan na sila ng assignment sakaling may makalimot man ang isa sa kanila. Lagi na rin silang magkakasama sa mga group project at activities.
Sinamantala ni Jhustin ang tagpong iyon. Dinukot niya sa bulsa ng salawal ang kanyang cell phone at pinagana ang camera nito. Inilipat niya sa video ang mode ng camera at itinapat ang lens sa kaibigang patuloy pa rin sa pagsusulat.
Record.
Tatlumpung segundo na ang lumipas bago napansin ni Makho ang ginagawa ng kanyang kaibigan. Paglingon niya sa katabi, agad na napunta ang tingin niya sa hawak nitong cell phone. Nagbago ang kanyang timpla.
Gumapang ang matinding kilabot sa likod niya kasabay ng pag-akyat ng dugo sa kanyang ulo. Nanlaki ang mga kanyang mata. Lumakas ang kabog sa kanyang dibdib. Panandalian siyang naparalisa sa kinauupuan, pero hindi pa rin naaalis ang tingin niya sa camera ni Jhustin.
Sa isang iglap, tumaas ang kanyang kamay at malakas na sinalubong ang cell phone na hawak ng kaibigan. Tumilapon iyon sa likuran ng kasama at bumagsak malapit sa pinto. Buhay pa ang cell phone pero basag ang screen. Gumuhit ang lamat na parang isang matalim na kidlat.
“Shet!” sigaw ni Jhustin nang makita ang kinahinatnan ng kanyang cell phone.
Hindi naman makapaniwala si Makho sa kanyang nagawa. Nanlalaki pa rin ang mga mata niya dahil sa pagkagulat, at lalo pang bumilis ang tibok ng kanyang puso. “`Di ko sadya, bro.”
“Ano ba’ng problema mo?”
“Sorry, bro. Nabigla lang ako. Babayaran ko na lang `yong pagawa.”
“Regalo pa sa `kin `to ni Papa.”
Hindi na nakapagsalita si Makho. Tiningnan niya si Jhustin, pero hindi nito inaalis ang titig sa sirang phone. Tahimik niyang inayos ang mga papel at ball pen, saka isinilid ang mga iyon sa kanyang bag. Tumayo siya at naglakad papunta sa pinto.
“`Alis na `ko, bro,” sabi niya. “Sorry talaga.”
Parang walang narinig si Jhustin.